NANG PISTA SA AMING BAYAN*
Dulang
May Isang Yugto)
-Nonilon V.
Queano/All rights reserved.
(*Nagkamit
ng unang gantimpala sa Timpalak Palanca noong 1976.)
MGA
TAUHAN
LUCIO,
52, maralitang manggagawa ng bakya; mahilig tumugtog ng bandurya at kasamang
nananapatan nina ENTENG, TALYO, at MARSO, tuwing pista at iba pang okasyong
maraming tao sa bayan.
SABING,
48, asawa ni Lucio; maglalako at tindera ng kakanin.
CLARA,
14, dalagitang anak ng mag-asawa.
BASYONG
(BONIFACIO), 19, binatang anak ng mag-asawa.
LOLA
CANDIDA, 78, ina ng magkakapatid na Sabing, Martin, at Juaning.
TALYO,
51, maralitang magsasaka at manunugtog.
ENTENG,
48 )
MARSO, 47 ),
mga maralitang magsasaka at manunugtog din.
JUANING,
40 )
MARTIN,
55 ),
mga kapatid ni Sabing; trabahador sa koprahan.
ALING
TUNYING, 35, kapitbahay nina Lucio at
Sabing.
LALAKI,
katamtamang edad; taga-propaganda ng damot raw (tinutulungan sa pagpopropaganda
ng dalawa pa).
DOKTOR
BATA
GORING, katamtamang edad, kapitbahay nina Lucio at
Sabing.
TAUMBAYAN
Tagpo 1.
Sa Bahay ng Mag-asawang LUCIO at
SABING
Sa bahay ng mag-asawang LUCIO
at SABING, isang pangkaraniwang bahay-mahirap sa isang tercera klaseng
bayan. May ilang kumpol pa ng maliliit
na bahay sa paligid. Kasalukuyang nagseselebra
ng pista sa bayan kaya’t makikitang nagsala-salabat ang mga bandereta sa
kalsada sa harapan. May hiwatig ng perya
sa malayo.
Ang bahay nina LUCIO at
SABING ay binubuo ng isang payak na parisukat na nakaangat nang tatlong baytang
lamang sa lupa. Nagbitin ang mga bakyang
bagong gawa sa harap. Sa pagkapasok,
bago pumanhik ng kabahayan, bumubulaga ang sulok na pinagyayarian ng mga
bakya. May munting mesang
kinapapatjungan ng pait, lagare, martilyo, mga pako at iba pang kagamitan sa
paglilok ng bakya. Nakabunton ang mga materyales
sa lapag na binubuo ng mga piraso ng kahoy at goma ng sasakyang paso na. Nasa likod nito ang munting hagdanang paakyat
sa kabahayan. Magkahalong tabla at
kawayan ang sahig ng bahay. Sa kaliwang
sulok sa likod, nakatambak ang ilang unan at binilot na banig. Malapit dito, isang higaang papag. May bintana sa dinding sa likod. Sa tabi nito, nakabitin ang isang banduryang
nababalot ng lumang tela. Nakadikit din
sa may bintana ang isang bangkito. Sa
kusinaan, may abuhan (tatlong batong itinayo nang magkakatapat), na siyang
pinagsasalangan ng niluluto at isang salansan ng kahoy na panggatong. Katabi ng abuhan ang paminggalan na
kinalalagyan naman ng mga gamit-pangkusina, planggana, at ilang platong
porselana. Nakatayo rin sa sulok ng
paminggalang ang isang maliit na tapayan ng tubig. Nakahilig sa dinding ang isang tulyasi
(malaking kawaling bakal) na siyang pinaglulutuan ng mag kakanin – puto,
kutsinta, maha, budin – lako ni SABING sa bayan. Nagsabit ang mga bilao. May isang mesa at ilang bangkito. Sa kanang sulok sa harap, may pintuang
bumubulwag sa batalan, nakatayo pa rin
ang isang malaking tapayang sisidlan ng tubig.
Sa lapag, isang tiplahing arinola.
At sa puno ng hagdan, dalawang baldeng lata. Ang kabuuang larawan ng bahay ay nagbabadya
ng pagdaralita.
PANAHON: Umaga, araw ng pista.
Maririnig ang tugtog ng banda ng musiko na
sumasaliw sa kaingayan mula sa liwasan habang bumubukas ang tabing. Sa simula’y mananatiling malamlam ang ilaw sa
loob ng bahay nina LUCIO, samantalang puno naman ng liwanag ang lansangan sa
harap. Mababanaag si LUCIO, isang
tumatanda nang magbabakya na
nagkukumpuni ng mga katapusang pares ng baksayang ititinda sa liwasa sa pistang
yaon, samantalang sa kusina, abala si CLARA, dalagitang anak ng mag-asawa, sa
paggagayak sa bilao ng mga kakaning paninda rin sa araw na yaon ng pista. Dadaan ang mga magsisipamistang
nagkakaingayan papunta sa liwasan, karaniwan’y suot ang pinakamagagara nilang
damit bagaman mapaghahalatang marami rin sa kanila ang tila hirap na hirap. Papasok si SABING, mula sa kung saan, kilik
ang ilang dahon ng saging at nakikipagsatsatan kay ALING TUNYING, isang kapitbahay habang naglalakad pauwi sa
kanila. Patatamaan ng spotlight si SABING hanggang sa may
pintuan. Pagtuntong niya sa loob, sabay
na magliliwag dito habang namamatay naman ang ilaw sa lansangan. Ngayo’y sinasalansan at binibigkis ni LUCIO
ang mga bakya. Mapapatunghay ito
pagpasok ni SABING.
SABING
(habang umaakyat): Nagtagal ako kina
kuya Martin. Nagkasakit pala ang Nanay
at tila malubha.
(Tuloy-tuloy sa kusina)
Ihahatid raw ni Kuya rito mamaya upang
hindi gaanong malamigan sa bukid.
LUCIO: Kailan pa?
SABING: Maghapon daw kahapong inapoy ng lagnat at
dinadalahit ng ubo.
(Iaabot ang mga dahon ng saging kay
CLARA.)
O, Clara, ilaib mo. Dalian mo’t tanghali na.
CLARA: Opo, inay.
(Itatapat sa apoy ang mga dahon ng
saging.)
LUCIO
(sa may hagdanan): E, Sabing. Dumaan ka ba kina ka Enteng?
SABING
(habang naggagayat ng kutsinta at mahang nakalatag sa bilao): Oo. Pupunta raw rito. Naggagayak lamang. Si Ka Marso naman ay inabutan kong
nagkukumpuni ng kanyang gitara. Nagkangpapatid daw yata ang kuwerdas.
LUCIO
(mangingiti): Sana’y tumipak kami nang
malaki-laki ngayon. Noong taon ay
nakaapat na daan din kami, a. Meron man
lamang tayong mapagpistahan. Bukod pa sa
mapapagtindahan ninyo. Walang-walaý may
tatlong daan tayo ngayong pista, ano, Sabing?
(Kandong ang mga bakyang
binibigkis na mauupo sa hagdanan habang nakatanaw sa mag-ina.)
SABING: Ngunit tila malabong makasama si Ka
Talyo. Tila napupulmonya raw. Nagpaulan
sa bukid kahapon at inaliswag kagabi.
LUCIO: Ha?
Siya pa naman ang may hawak ng baho.
Kung gayon palaý tatatlo kaming makakapanapatan ngayon. Isang gitara at
dalawang bandurya.
(Paghahagilapin ang
nagbiting bakya.)
Minsan lang santaon kaming
nagkakatipon-tipon, nagkasakit pa si Talyo.
(Tigil.)
SABING: Teka nga muna. Saan ba nagsuot si Basyong, ha, Lucio? Hindi ko nakitang natulog dito kagabi, a.
(Hindi sasagot si
LUCIO. Tila hindi narinig ang babae.)
Hoy, Lucio. Kinakausap kita.
LUCIO: Bakit?
(Lalapit sa may
hagdanan.)
SABING: Si Basyong. Saan nagsuot?
LUCIO: Malay ko. Siguro’y napabarkada na naman. Lalo ngayon… pista.
SABING: ‘Yang batang ‘yan. Araw gabi. Simula nang matigil ng pag-aaral,
hindi na tumira ng bahay.
LUCIO: Aywan ko ba sa anak
mo. Kung
minsan, naaabutan kong tulalang nakaupo sa kalsada. Hindi ko naman makausap.
(Ihahanay ni SABING ang
mga bilao sa sahig at pagtatatakpan ni CLARA ng dahon.)
SABING: Baka gustong
mag-aral. Matalino naman ‘yang anak mo.
Kung bakit hindi mo man lamang mapatapusan ng kolehiyo.
LUCIO (habang iginubunton ang talaksan ng bakya sa harap ng bahay): Kung may gagastusin nga ba, bakit hindi. Ni ‘yang patapusin ng haiskul si Clara ay
hirap na hirap tayo. Kung malakas ang
negosyo natin tulad noong una, baka maaari.
Pero ngayon, pag ganitong klase ng bakya…
(Iduduldol ang isa)
hirap mabili. Kailangang palamutihan, pinturahan ng kung
anu-ano, lagyan ng suwelas ang ilalim, takpan ng mamahaling balat ang
ibabaw. Hindi naman natin kaya. Napakamahal ng materyales. Ito nga’t kahit itong mga gomang nabubulok
na’y hirap mapulot sa basurahan.
SABING: Ay, Lucio. Kung ganito ang buhay natin, talagang walang
hihinting bukas ang anak mo.
(Kakandungin ang
mga bilao ng puto at kutsinta habang bitbit ang kahong kinalalamnan ng mga
banyera ng budin.)
LUCIO: Ano bang
magagawa ko? Hindi naman ako tumitigil,
a. Magabi. Ma-araw.
SABING: Talaga bang ganito na ang lakad
ng panahon, Lucio?
(Hindi sasagot si
LUCIO. Babaling kay CLARA.)
Ihatid mo muna ako sa plasa,
Clara, at saka ka bumalik. Mamaya’y
dadalhin nila ang lola mo rito.
Babantayan mo siya.
CLARA: Inay, pista ngayon. Hindi
ba ako puwedeng makapamasyal man lamang?
SABING: Hintayin mo akong umuwi
pagkaubos ng tinda. Maysakit ang lola
mo.
CLARA (Susuungin ang bilao ng maha):
Opo.
(Magkasunod na bababa
ang mag-ina.)
SABING (kay LUCIO): Lalakad na
kami. Isunod mo na lamang ang mga bakya
pananapatan ninyo sa plasa. Darating na
siguro sina ka Enteng.
LUCIO: Oo. Sige.
Lakad na.
(Pamaang na
mamasdan ni LUCIO ang papalayong mag-ina.
Pagkaraan, aakyat ng bahay.
Hahagilapin ang bandurya sa sabitan, aalsan ng balot at pupunasan. Lilikmo at nakangiting tila nangangarap na
tutugtog ng “Pandangguhan.”
Makailang-saglit, papasok si BASYONG, panganay na anak ng mag-asawa at
mapuputol ang pagtugtog ni LUCIO.
Tuloy-tuloy sa kusinaan, hindi pansin ang ama.)
BASYONG habang pinagbububuklat ang mga kaldero sa paminggalan): May pagkain pa ba? Gutom na gutom ako, a.
(Saglit na kunot-noong
mamasdan ni LUCIO ang anak.)
LUCIO: Saan ka nagsuot, bata
ka? Maghapon’t magdamag kang hindi
sumisipot ng bahay.
BASYONG: Kung saan-saan. Pista ngayon.
Kailangang magsaya.
(Kukuha ng
pinggan at sasandok ng kanin. Ipapatong
sa mesa at maghahanap ng mauulam.)
Ano ba ito? Pistang-pista’y ni walang mahagilap na ulam?
(Tila
nabibiglaanang mamasdan ni LUCIO ang anak.
Nang walang makuhang ulam, dadakot ng asin si BASYONG. Mauupo at kakain.)
LUCIO: Teka nga muna,
Bonifacio. Para kang asong pumapasok ng
bahay, a. Hindi mo nakikilala kung
sinong kausap mo.
BASYONG (patuya): Tatay ko.
(Kakatungong
nagmamadali sa pagsubo.)
LUCIO (galit na mapapatayo): Aba,
ang walanghiyang ito’y talaga bang nawawalan ka na ng galang sa matatanda, ha?
BASYONG: Maaari bang bayaan muna
ninyo ako? Gutom na gutom na ako,
a. Ni hindi pa ako nag-aalmusal.
LUCIO (lalayong nabibigla pa rin):
Saan ka nagsuot? Labas-masok ka
sa bahay na itong ni hindi nagpapaalam
sa magulang mo.
BASYONG: Anong diperensiya kung
magpaalam ako sa iyo o hindi?
Pinababayaan mo naman ako, a.
Kahit saan ako magpunta.
LUCIO: Hindi ka dating ganyan.
BASYONG: Paano, nag-iba na.
LUCIO (magpupuyos sa galit):
Huwag kang makasagot-sagot nang baligtad!
(Mapapatunghay
sa ama si BASYONG na halos hindi malunok ang kinakain at waring maiiyak.)
Simula nang matigil ka ng
pag-aaral, puro sakit ng ulo ang ibinibigay mo sa amin. Ni hindi ka makausap nang matino. At ang mga kawalanghiyaan mo. Para kang nakikipag-usap sa ka-edad mo lang,
a.
BASYONG (may garalgal ang tinig):
Bakit ayaw ninyo akong pag-aralin?
Gusto ninyo akong maging pangkaraniwang sanggano? Hindi ba ganito kumilos ang sanggano? Bastos.
Walang galang. Palaboy sa
lansangan.
LUCIO: At ‘yan ba ang ipinuputok
ng butsi mo? Alam mo namang mahirap lamang tayo.
Nabubuhay lamang tayo sa pagbabakya, pagtitinda ng maha, budin,
kutsinta, puto!
BASYONG (tatayo at dadalhin ang kinanan sa paminggalan): Gumawa ka ng paraan. Bilang magulang,
tungkulin mong bigyan ako ng magandang kinabukasan.
LUCIO: At ano bang ginagawa
ko? Hindi ba tinuturuan kitang gumawa ng
bakya noong una, para may makatulong ako’t mapaunlad natin ang ating negosyo?
BASYONG: Pagbabakya? Habambuhay bang hanggang pagbabakya na lamang
tayo? Ilang taon ka na bang
nagbabakya? Yumaman ka ba? Wala na tayong ambisyon sa buhay kundi gumawa
ng bakya at magtinda ng puto kutsinta?
LUCIO: Hindi mo ba nakikita? Mahirap nga lamang tayo.
BASYONG: Maraming paraan sa
mundo. Puwede akong mag-aral, makatapos
at magkaroon ng magandang trabaho.
Puwede rin akong maging sanggano at magpayaman sa pagnanakaw.
(Magpapahid ng kamay.)
Pinipilit kong maging
sanggano.
LUCIO: Bonifacio, maghintay ka,
anak. Pipilitin natin sa pasukan….
BASYONG: Dalawang pasukan nang
ganyan ang sinasabi mo. Palaging
pipilitin natin…. Pipilitin natin.
Nagpipilit ka nga ba?
LUCIO: E, paano’y lubog tayo sa
utang tuwing darating ang pasukan. Kita
mong pati puhunan sa pagluluto ng paninda ng Nanay mo’y utang sa tindahan.
BAGYONG: Kaya nga. Kung hindi mo magawan ng paraang mapaghandaan
ang kinabukasan ko, ako ang gumagawa ng paraan.
(Tuloy-tuloy papalabas
ng bahay. Hahawakan ng ama sa balikat.)
LUCIO: Saan ka pupunta?
BASYONG: Mamimista. Hindi mo ba nakikitang pista? Pistang-pista’y hindi ka makatikim ng
masarap-sarap na ulam. Sige pa rin tayo
ng kadidildil ng asin.
LUCIO: Huwag kang kung saan saan
suot nang suot. Bakit ganyan kang bata
ka?
(Tatalikod si BASYONG.)
Tulungan mo ang Nanay mo sa
pagtitinda. Ihatid mo sa plasa ang mga
bakya para mabenta na. Hinihintay ko ang
iyong Lola.
BASYONG: Ayoko. Ayokong pumarada sa lansangan at
ipagparangalan na ako ang pinakapulubing magbabakya at tindera ng kutsinta’t
puto!
LUCIO (sasampalin ang anak): Anak
ka ng….! Ka salbahe mo….
(Sandaling titingnan ng
anak ang ama nang may pagkabaghan, saka tatalikod at lilisan.)
Bonifaciooooo!!!
(Sa malayo
muling maririnig ang tugtog ng musiko.
Mananatiling nakamaang si LUCIO.
Pagkaraan, yukod-ulong papanhik ng bahay. Patuloy ang tugtog ng musiko habang pumapasok
naman sina ENTENG, MARSO, at TALYO, mga magsasakang ma-eedad na rin at tulad ni
LUCIO ay mahilig ding manugtog. Gulanit
ang suot ng tatlo at anyong mga pulubi.
May taglay na bandurya si ENTENG, si MARSO’s may gitara, samantalang si
TALYO’y bitbit ang baho at lulugo-lugong balot ng lumang kamisadentro. Kakatok ang tatlo.)
ENTENG: Tao
po. Pareng Lucio!
(Mapapatayo
ang naguguluhang si LUCIO. Samantalang
sa may hagdanan.)
LUCIO: Nandiyan
na pala kayo. Tuloy muna sa loob.
(Papanhik
ang tatlo.)
Maupo kayo.
(Bahagyang magugulat
pagkakita kay TALYO.)
O, ka Talyo. Akala ko’y
maysakit ka?
TALYO (bahagyang tutunghay, pinanginginigan ng boses): Tu…tubig.
Bigyan mo ako ng kaunting tubig.
(Tutungo sa
kusina si LUCIO. Si TALYO ay
hahalukipkip at tila nauupos na mapapasalagmak at hihilig sa dinding. Lalapitan ni LUCIO agt aabutan ng tubig.)
LUCIO: Higa
muna, pare.
(Dadamhin
ang noo ni TALYO.)
Mukhang mataas ang
lagnat. Giniginaw ka ba?
TALYO (magpipilit ngumiti): Bale wala ito. Hihiga lamang ako sandali.
(Aalalayan
ni LUCIO patungo sa papag upang mahiga.)
Kung dumito ka na lang
muna? Tingnan mo ang hitsura mo. Nanginginig ka, a.
ENTENG: Baka nga naman hindi mo
kaya, Talyo. Babahaginan ka na lamang
namin ng aming makukuha sa pananapatan.
MARSO: Oo nga, pare.
TALYO (paimpit): Sasama ako, ano
ba kayo? Minsan santaon lamang ito,
a. Hindi lamang naman pera ang
mahalaga. Gusto kong tumugtog. Kung pera lamang, mamamalimos na lamang ako.
MARSO (natatawang mapapailing):
Baka hindi ka tumagal, Tayo.
Napakainit sa plasa. Puno ng tao.
TALYO: Maaari bang hindi? Habang naiikilos ko ang dalawang paa, hindi
ako susuko.
LUCIO: O, siya. Sasama kung sasama. Magpahinga ka muna.
(Bubulagta si
TALYO sa papag na patuloy na pinanginginigan ng laman. Mapapailing sina ENTENG at MARSO at naaawang
titingnan ang maysakit. Hahagilapin ni LUCIO ang kanyang bandurya at
makikiumpok sa dalawa.)
O, paano. Kinakalawang na yata itong aking
bandurya. Tuwing pista’t pasko lamang
nahahagilap.
ENTENG: Anu-ano bang piyesa ang
tutugtugin natin?
MARSO: Dati rin. Pasakalye.
Pandangguhan. Nang Pista sa
Nayon. Kundiman….
(Kanya-kanyang kalabit
ng instrumento upang magtugma-tugma ang tono.)
LUCIO: Makagawa kaya tayo ng anim
na daan man lamang ngayon?
MARSO: Pilitin natin. Makabili man lamang ng isang kabang
bigas. Di, libre ang pagkain namin ng
isang buwan.
ENTENG: Oo. Kailangang-kailangan ko rin nga. Lalo ngayong tuyong-tuyo ang bukid.
LUCIO: E, sino bang hindi
nangangailangan?
(Tutugtog ng isang
piyesa at magtatawanan.)
MARSO (magyayaya): Tena. Ano pang hinihintay natin?
(Tatayo si LUCIO at
tatanaw sa lansangan.)
LUCIO: Pagkatagal naman ni
Clara….
(Dilim.)
2.
Sa Plasa
Mula sa gawi ng
manonood biglang susulpot ang tatlong lalaking may dalang tigi-tigisang
kahon. Ang isa’y naka-polo barong, may
hawak na loud speaker at magtatawag ng tao. Magliliwanag.
Matitipon ang ilang taumbayan sa paligid ng lalaki, bagaman ang mga
manonood ay magiging bahagi ng nagpipistang taumbayan Mula sa kung saan, susulpot si CLARA at
tatanghod rin. Papasok si Aling TUNYING
na makikipanood rin sa may tabi ni
CLARA. Magbabatian ang dalawa.
TUNYING: Clara,
anak! Ano ba itong palabas nila?
CLARA: Inang Tunying! Nagkakasayahan lang po. Nagbebenta ng gamot, pero madyikero rin raw po
‘yong mama.
(Mangingiti.)
TUNYING: Ang nanay mo? Saan si mare?
CLARA: Nandoon po sa may
peryahan. Naglalako.
TUNYING: ‘Yong mga tsikiting ko,
di mo ba namataan kaya?
CLARA: Parang naglilibot din po
roon sa may perya. Malapit sa may ferris wheel pagala-gala….
TUNYING: A, di ko na namalayan,
biglang nangawala….
CLARA: Nandiyan lang po ‘yon. Pinapanood ko po ito. Sabi ng Nanay, baka makabuti sa Lola.. Inutusan akong bumili ng gamot nila….
TUNYING: A, kumusta ang Lola
Candida…?
CLARA: Nasa bukid sa mga Tiyong
ko po. Iuuwi raw po sa amin mamaya. Parang
malala raw po, e.
(Magsasalita ang
LALAKI sa loud speaker at saglit na manonood sina CLARA at TUNYING.)
LALAKI (magsasalita sa loud
speaker) : Magandang umaga po sa
kanilang lahat. Magandang umaga po at
masanang pista rin sa lahat! Napakaganda
ng umaga at lalo namang napakaganda kung lalapit kayong lahat sa banda rito
upang saksihan ang aming palabas.
Ito po’y libre. Wala kayong gagawin
kundi tumayo sa paligid k o at manood.
Nanggaling pa po kami sa malayo ngunit di namin alintana sapagka’t
hangad naming makatulong. Pista ngayon
sa inyo. Hindi naman sa kami’y
nangiinsulto, ngunit totoo pong bagman maraming mapapanood sa plasa na sirko,
karera ng daga at kung anu-ano pang kababalaghan, mainam ‘yong nakapanood nang
wala kayong gastos ni isang sentimo.
Hindi po ba? Kaya lapit, lapit
kayo rito at magsisimula na ang palabas.
(Saglit na muling babaling si Aling TUNYING kay CLARA.)
TUNYING (hahawakan sa balikat si CLARA):
Sige, Clara, anak. Maglilibot
muna ako. Pakisabi lang kung mamataan mo
‘yong mga tsikiting ko na umuwi muna sa bahay.
May iuutos lamang ako.
CLARA: Sige po, Inang Tunying.
(Lalabas si
Aling TUNYING, habang muling magsasalita ang LALAKI. Matamang magmamasid si
CLARA.)
LALAKI (itataas ang hawak na loud
speaker): Siguradong masisiyahan
kayo sa aming ipapakita. Pakikitaan ko
kayo ng madyik na tinuklas ko pa sa Amerika.
Ang totoo’y ipinadala ako rito ng aming kumpanya, una, upang
magbigay-aliw at ikalawa, upang magpakilala ng bagong kagagawa nilang
gamot. Promotional offer ito at hindi pa matatagpuan saan mang botika sa
Pilipinas o saan man botika sa mundo.
Inimbento ang gamot ng isang henyong Tsino, si So Ma Tan, sa atas ng
LOCLO Laboratories, pinakamalaking kumpanya ng gamot sa Maynila, pagkaraan ng
masusing pag-aaral sa mga sakit na laganap na laganap sa mga lalawigang katulad
nito. Nguni’t bago ko ipakilala ang
milagrosang gamot, panoorin muna ninyo ang aming mahiwagang palabas. Ayan, ayan.
Maraming marami nang tao. Ngayon.
Handa na ba kayo? Okey?
(Maglalabas ng dalawang latang
magkataklob at isang pirasong papel.)
Nakikita ba ninyo itong hawak
ko? Ano ito?
BATA (mula sa manonood): Papel!
LALAKI: Tama ‘yong bata. Papel.
Tunay na papel nga po. Hayan,
inilipad pa ng hangin.
(Pupulutin.)
Sa isang ihip lamang at
kaunting orasyon, ang papel na ito’y gagawin kong pera. Baka sabihin ninyong may nakatagong pera sa
ilalim ng mahiwagang lata. Ito po.
Pagmasdan ninyo.
(Pagbabali-baligtarin
ang lata at ipapasilip sa manonood.)
Ito po. Wala.
Talagang orasyon po lamang ang kailangan. Ngayon, para naman hindi ninyo masabing
dinadaan ko sa bilis ng kamay, pahahawakan natin sa bata ang papel at lata.
(Tatawagin ang BATA.)
Totoy, halika
nga.
(Papagitna ang bata. Pahahawakan ng lalaki ang papel dito.)
Hawakan mo ito.
(Babaling sa manonood.)
Ngayon mga
kaibigan. Huwag kayong kukurap sapagka’t sa ilang saglit lamang ang papel na
hawak ng bata ay gagawin nating sandaang piso.
Isisilid po lamang natin sa pagitan ng dalawang mahiwagang latang ito at
oorasyonan. Handa na ba kayo? O, sige.
(Sa BATA.)
Totoy, ipatong
mo sa lata.
(Ipapatong ng BATA ang papel sa ibabaw ng
latang hawak ng lalaki.)
‘Yan. Ngayon panoorin ninyo. Tatakpan na natin ang papel ng mahiwagang
lata at bubulungan ng orasyon upang maging pera. Huwag po lamang kokontrahin ng mga nanonood,
sapagka’t dito’y kailangan ng konsentrasyon.
Pakiusap din na huwag po tayong
mag-iingay habang binubulungan ko ng orasyon ang mahiwagang lata. Tahimik lamang. Ngayon na po.
(Ipipikit ang mata. Hawak ng isang kamay
ang lata habang iwinawasiwas ang isa pa.)
Kang kang
telembang perang nakaukangkang
Toktok palatok
peratok kalogkog
Rasik, rasik
dominus
Perang
tatalsikus!
( Sisilipin ang lata at bubuksan. Ilalaladlad ang sandaang pisong buo.)
Ito po ang papel
na naging pera. Sandaang pisong
maliwanag.
(Muling pagbabali-baligtarin ang lata at
ipapakita sa manonood.)
‘Yan po. Wala na.
Naglaho ang papel. Basta may mahiwagang lata, madali pong gumawa ng
pera. Nguni’t huwag kayong mangangahas
gumamit ng kahit anong lata, sapagka’t anumang orasyong gawin ninyo, hindi kayo
makakabuo ng pera. Ang sikreto po’y nasa
lata at ang lata’y mabibili sa liblib na pook ng Dibisorya. Kaunti po namang
palakpakan diyan, para ganahan!
(Magpapalakpakan. Yuyukod ang LALAKI, namumutiktik sa ngiti.)
Salamat po. Ngayon naman’y balingan natin ang ikalawang
palabas, ang promotional offer ng aming kumpanya. Ang gamot pong ito’y naksilid sa napakaliit
na bote lamang ngunit gaya ng malimit sabihin, nasa pinakamaliliit ang yaman at
lakas. Gamot sa asthma, TB, pulmonya,
rayyuma, sakit sa balat, pangangati ng lalamunan, malarya, trangkaso, kagat ng
insekto, sakit ng ulo, sakit ng rtiyan, sakit ng balakang, galis aso, buni, at
kung anu-ano pang karamdamang lahat ay napapalaman sa polyetang kasama sa kahon
ng gamot. Ang pangalan ng gamot ay cecanap at napakadaling gamitin. Ipahid lamang sa bahaging apektado,
halimbawa, sa likod at dibdib kung ubo o pulmonya; sa paa o balakang kung
rayuma; sa noo, kung sakit sa ulo; at sa tiyan o puson, kung sakit ng
tiyan. Madali’t sabi sa tapat ng anumang
bahagi ng katawang may karamdaman.
Garantisadong epektibo. Sa loob
ng dalawang linggo o labing-apat na araw mawawala ang sakit na parang hinipan
ng hangin. Tunay na miracle drug. Saka, guaranteed money returned if not satisfied.
(Ipaglalabas ng dalawa pang lalaki ang mga
bote ng gamot at liligirin ang mga manonood.)
Naglalaman po
ang gamot ng eliksir na inimbento gaya ng nabanggit ko na ng dakilang
siyentipikong nagbuhat pa sa Amerika, Si Soc Ma Tan at kaya nga ako pinaparito
ng aming kumpanya ay upang ipamalita sa mga tao, lalo pa po sa mahihirap na
malapit nang magamot ang kanilang karamdaman.
Lalong-laluna nga po sa mga maralita na araw-araw ay dinadapuan ng sakit
ng kahirapan. Kaya kung kayo’y may sakit
ng kahirapan, ipahid lamang ang gamot sa apektadong lugal at tiyak ang inyong
paggaling….
(Magtatawa)
Hahaha…
nagbibiro lamang po. Ngunit hindi po ba
totoong kung magagamot ninyo ang lahat ng sakit ng katawan sa pamamagitan ng
makapangyarihang eliksir ng gamot na ito, magagamot din ninyong tuluyan ang
sakit ng kahirapan. Tama po? Tama.
Ngayong magkano
ko ipagbibili ito. Sabi ng boss sa
kumpanya, mahihirap ang pagdadalhan mo nito kaya humingi ka na lamang ng kaunting abuloy. Magpapakalugi na tayo. Ang mahalaga’y nakakatulong tayo sa
kanila. Kaya po sinabi ko sa kanya,
Boss, kung magkano man ito ipagbibili sa botika, hatiin natin ang halaga. At hindi lamang pumayag ang boss sa mungkahi
ko,; iginiit pa niyang magbigay kami ng regalo sa sinumang bibili ng gamot dahil pista sa bayan
ninyo at upang maipakita rin ang taos-pusong
malasakit sa lahat, laluna sa kapuspalad. Kaya ano ang napagpasiyahan ng boss. Sa botika, ipagbibili raw ito ng siyento
singkuwenta. Dito, kalahati lamang ng
halaga. Samakatwid, magkano?
TINIG MULA SA MANONOOD: Sitenta y singko pesos!
LALAKI: Tama. Sitenta y singko po lamang. Bukod pa sa regalo naming napakagandang kuwintas na tubog sa gintong
Intsik.
(Ilalabas ang kuwintas at ipapakita sa tao.)
‘Ayan po. Para sa mga dalaga, binata, matanda, bata,
may ngipin o wala. Ang kuwintas pong
ito’y nagkakahalaga ng hindi kukulangin sa limampung piso ngunit ipinamimigay
namin bilang alaala upang kahit wala an kami’y magunita man lamang ninyong may
mga tao pa ring sa inyo’y nagmamalasakit.
Kaya’t magmadali. Lumapait na po
kayo’t baka kayo maubusan.
(Unang lalapit
si CLARA upang bumili ng gamot, saka tuloy-tuloy na lalabas. Masisibili rin ang iba pa. Patuloy na magsasalita ang LALAKI.)
‘Yang ale do’n,
abutan ninyo. Ia pa roon…. Isa pa roon….
‘Yan. Kakaunti na lamang ang natitira.
(Maglilibot ang
mga lalaki hanggang maubos ang tinda.
Pagkaraan, magyuyukod ng ulo ang LALAKI at nakangising magpapasalamat.)
Salamat po sa
inyong pagtangkilik. Ikinalulungkot ko
para sa mga naubusan. Ngunit asahan
ninyong magbabalik kaming muli.
(Lalabas ang mga
nagpropaganda ng gamot. Kanya-kanyang
lisanan ang pulutong habang nagdidilim.)
3.
Sa Bahay
Magliliwanag
habang pumapanhik si CLARA. Iaabot ang
bote ng gamot sa ama.
LUCIO pagbibiling-bilingin ang bote): Ano ito?
CLARA; Nabili
ko po sa plasa. Gamot daw po sa lahat ng
sakit.
LUCIO (kunot-noo):
Gamot sa lahat ng sakit?
(Tutuloy
si CLARA sa paminggalan upang magligpit.)
CLARA: Huwag
raw po kayong magtatagal, sabi ng
nanay. Napakarami ng tao sa plasa.
LUCIO (lalapitahn si TALYO, hawak ang bote ng gamot): Pareng Talyo, magpahid ka sa dibdib nito. baka
nga mabisa.
(Uunngol si TALYO.)
Ano? Lalakad na kami. Maiiwan ka na dito?
TALYO (magpipilit bumangon):
Ha? Lintik na…. sinabing sasama
ako, a!
(Papahiran ni
LUCIO ng gamot sa dibdib, likod, at lalamunan.
Pagkaraan, tatayo si TALYO na animo’y nagkaroon ng panibagong
lakas. Pupulutin ang kanyang
instrumento.)
LUCIO: Baka
hindi mo kaya?
TALYO: Anong
hindi kaya?
(Kikilos
na animo’y walang sakit ngunit biglang masusungaba at dadaluhan ni LUCIO.)
MARSO: Sinabi
na naman naming babahaginan ka ng kikitain sa pananapatan.
TALYO (tutunghay, tutop-dibdib):
Kaya ko. Maaari bang makahingi ng
kaunting tubig, pareng Lucio. Bakit ba
palagi akong nauuhaw?
LUCIO (kay CLARA): Clara, magdala
ka ng tubig dito.
CLARA: Opo, itay.
(Sasalok ng
tubig sa tapayan at iaabot kay TALYO.
Tutunggain ni TALYO ang tubig na tila
uhaw na uhaw. Hahagilapin ni
LUCIO ang kanyang bandurya at magyayaya.)
LUCIO: Tena.
(Papasanin ni
LUCIO ang mga bigkis ng bakya at sunod-sunod silang lalabas na nakasuot ng
bakya ring maingay na tumataguktok habang sila’y naglalakad patungong plasa. Samantalang papasok naman mula sa kabilang panig
ng entablado sina MARTIN at JUANING, nakababatang kapatid ni SABING, na
pasan-pasan si LOLA CANDIDA, ina nila.)
MARTIN (habang pumapanhik): Sabing!
Lucio!
(Sasalubong
si CLARA sa may pintuan.)
CLARA: Nandiyan
na pala kayo, Tiyong.
(Aayusin
ni CLARA ang papag at ibababa ng magkapatid ang matanda.)
JUANING: Ang
mga Nanay mo?
CLARA; Wala po, Tiyong. Nanapatan po ang itay. Ang inay naman ay naglalako sa may peryahan sa
may patyo….
MARTIN: Mag-isa ka? Si Basyong?
CLARA: Hindi pa po umuuwi….
MARTIN:
Talagang sakit ng ulo ang kapatid
mong ýan, a.
CLARA (lalapit sa matanda): Lola, kumusta po?
(Gagagapin
ng matanda ang ulo ni CLARA.)
LOLA (paimpit, halos pabulong, habang haplus-haplos
ang buhok ni CLARA): Anak….
JUANING: Wala ba
kayong makakain diyan kahit ano? Umuugak
ang tiyan ko, a.
CLARA: May
iniwan pong kutsinta ang nanay sa paminggalan.
MARTIN: May
kutsinta ‘kamo? Gutom na
gutom na rin ako, a.
(Paduhapang na pupunta sina
JUANING at MARTIN sa paminggalan at lalaklakin ang kutsinta. Ni hindi makuhang maghugas ng kamay. Matamang nakamasid lamang si CLARA sa LOLA.)
CLARA: Mukhang malubha po yata ang lagay ni
Lola. Tila nahihirapang huminga.
MARTIN: Pakainin mo kaya ng kutsinta. Baka nagugutom.
(Aabutan ng isang platong may
kutsinta si CLARA.)
CLARA
(kay LOLA CANDIDA): Lola? Kumain muna kayo, Lola?
(Hindi titinag ang matanda. Akmang susubuan ni CLARA ngunit tila walang
narinig ang matanda. Sa halip, si CLARA
ang kakain ng kutsinta.)
JUANING
(habang umiinom ng tubig sa paminggalan):
Bahala ka na sa inay, Clara. May
trabaho pa kami ng kuya Martin sa koprahan.
Nagpaalam lamang kami sandali.
CLARA: May trabaho kayo, Tiyong, kahit
pistang-pista?
MARTIN: Maaari ring hindi magtrabaho pero walang
kita. Alam mo naman, Clara. Hindi kami makapag-aaksaya ng kahit isang
araw dahil kailangang kumita para sa pamilya.
JUANING
(yuyukod at kakausapin ang ina): Inay,
tutuloy na kami. Kung may kailangan
kayo, sabihin lamang ninyo kay Clara.
(Uungol ang matanda.)
MARTIN: Clara, tutuloy na kami. Bahala ka na sa inay.
CLARA: Opo, Tiyong.
JUANING: Sige, Clara.
CLARA:
Opo.
(Pupulutin ng dalawa ang natitira
pang kutsinta sa plato bago magkasunod na mananaog ng bahay. Lalabas.
Sandaling katahimikan. Pagkaraan,
bahagyang sasasalin ng pag-ubo ang matanda.
Nagmamadaling tutungo si CLARA sa batalan upang kumuha ng arinola. Ilalagay ang arinola sa tabi ng papag at
hahagurin ang likod ng matanda pagkaraang ibangon ito nang bahagya. Titigil ang pag-ubo saka kikibot ang labi ng
LOLA at magtatawag.)
LOLA: Sabing.... Sabing....
CLARA: Po?
LOLA: Mabuti’t nandiyan ka.
CLARA: Si Clara po ito. Nagtitinda ang inay sa may peryahan.
(Tila wala sa sariling magsasalita
ang matanda.)
LOLA: Sabing....napakain mo ba ang mga hayop? Gabi na, a.
Saan ba nagsuot ang ama mo’t gabi na’y wala pa?
(Nagugulumihanang mapapatayo si
CLARA at nagtatakang pagmamasdan ang LOLA.)
Hoy, Sabing. Kinakausap kita’y hindi ka sumasagot? Ano ka bang bata ka?
CLARA; Lola.
Anong nangyayari sa inyo.... Lolo?
LOLA: Ang kalabaw?
Naula na ba ni Martin? Kay dilim
ng langit,a. Saan ba nagsuot ang ama
mo’t ginagabi nang husto? Nakailang
kaban ba raw ang ani ng Tatay mo?
(Mangingiti na tila namatanda.)
Maganda ba ‘kamo ang ani natin? Mabuti naman.
Matirhan man lamang tayo ng mga limang kabang palay pagkabayad kay
Kabesa, ligtas na tayo sa gutom.
Naririnig mo ba ‘yon, Sabing.
Kanina pa walang tigil nang kaaaligid ‘yang paniking ‘yan sa looban,
a. Kagabi’y nandiyan rin ‘yan. Tila nanginginain....
(Tulalang nakamasid si
CLARA. Hindi maisipan ang gagawin.
Patuloy na tila nagmamangmang si LOLA.)
Namumulaklak na ang mga lansones, a. Isang linggong pagpapausok, marahil, ganap na
mamimilaylay ang mga lansones. Huwag ka
lang liliban ng pagsisiga at pagpapausok, Sabing. Tuwing umaga.... bago lumubog ang araw sa
hapon....
(Tigil.)
Talaga namang durong kapagpapagabi ng
mag-aama, a.
Sandaling tigil. Maghihigab ang LOLA at bahagyang
tatahimik. Hahagurin ni CLARA sa noo. Muling maririnig ang tugtog ng musiko at
kaingayang nagmumula sa perya.
Makailang-sandali, tila nagulantang na mapapabalikwas ang LOLA at
pasigaw na tatawag kahit tila hirap na hirap.)
LOLA: Gregorio....Goyo!
CLARA
(GIMBAL NA MAPAPATAYO): Diyos ko! Lola!
LOLA(paimpit
na maghihinagpis): Goyo, asawa ko! Anong ginawa mo? Maaari ka namang makiusap na lamang. Anong naisipan mo’t tinaga mo si Kabesa? Bakit ka pumatay
ng tao? Ibibilanggo ka nila! Goyo…!
(Patuloy na
maghihimagpis habang natataranta si CLARA.)
CLARA(hahawakan ang LOLA at magtatawag):
Lola! Lola! Ano pong pakiramdam
ninyo? Lola?
(Biglang sasasalin ng
pag-ubo ang matanda.)
CLARA: Ano bang nangyayari sa
Lola? Lola?
(Mamataan ang
gamot at hahagilapin ito. Papahiran ang
likod ng matanda. Pagkaraan, ipipihit
ang nakabaluktot nitong katawan at ipapahid ang gamot sa dibdib. Bahagyang hihinto ang pag-ubo. Mag-iinat ang matanda, pilit iuunat ang kamay
at muli wala sa loob na magtatawag.)
LOLA: Anak…
Aanak….
(Gagagapin ang
ulo ni CLARA at ilalapit sa kanya.
Ilalapit ni CLARA ang tainga sa bibig ng matanda at pakikinggan ang
inuusal nito. Ilang sandaling taimtim na
makikinig, tatango-tango ngunit tila maluluha.
Makailang-saglit, biglang aatakihing muli ng dalahit na pag-ubo at tila
hirap huminga. Matataranta si CLARA.)
CLARA: Lola?
Lola Candida?
(Yuyugyugin
ang matanda na patuloy na dinadalahit ng ubo. )
Lola? Huwag kayong mamamatay! Diyos ko po…. Saan ba ako hihingi ng tulong?
(Dudungaw sa bintana at
magtatawag.)
Mga kapitbahay! Mga kapitbahay! Tulong po…. Ang Lola ko…. Aling Tunying,
patulong po…!
(Lalabas si Aling
TUNYING mula sa kanila at humihingal na papanhik kina CLARA.)
TUNYING: Bakit ba, anak?
CLARA: Aling Tunying. Patulong po.
Nagdedeliryo ang Lola.
(Lalapit si
TUNYING sa tabi ng matanda habang nagsisiakyatan naman ang ilan pang nakarinig
sa tawag ni CLARA. Babaling si CLARA sa pulutong na nagsidalo.)
Maari po kayang makisuyong pakitawag sa mga Nanay at Tatay sa
liwasan po, sa may peryahan?
TUNYING (babalingan ang isang lalaking may katamtamang edad): Goring, pakisuyo na….
GORING: Opo. Opo.
(Tatalikod at
nagmamadaling lalabas. Patuloy na
hahaplusin ng gamot at hihilutin ni TUNYING si Lola
CANDIDA.)
TUNYING (kay CLARA) :
Magpainit ka ng tubig, anak.
CLARA : Opo.
(Tutuloy sa
kusina. Haharapin ni Aling TUNYING ang
nakapalibot na karamihan’y mga batang gusgusin at pagsasabihan.)
TUNYING: Hoy, kayo. Huwang kayong nagtunganga riyan. Kita ninyong hindi makapasok ang hangin.
(Maglilisanan
ang pulutong habang unti-unting lumalabo ang ilaw sa bahay hanggang magdilim.)
4.
Sa Plasa
Bahagi ng
perya. Tindera ng laruan, damit, kakanin
at kung anu-ano pa. Maglalako si SABING
ng kanyang tindang kakanin. Yaot-dito
ang mga tao. Sandaling kakalat ang
kaingayang likha ng perya sabay sa pagliliwanag ng liwasan. Bahagyang papanaw ang kaingayan habang
pinatatamaan ng spotlight si SABING na patuloy na naglalako ng kanyang
tinda. Papasok si BASYONG, tuloy-tuloy
ba lalapit kay SABING.
SABING: Bili,
bili na kayo! Mama, Ale! Mainit-init pa… puto, kutsinta po…. maha,
budin...
Mama! Ale!
Kakanin… meron din pong bakya…!
BASYONG (lalapit sa ina): Inay!
SABING (babaling, tila bahgyang nagulat): Basyong, anak! Saan ka ba suot nang suot at lagi kang nawawala, ha?
BASYONG (dadampot ng puto at isusubo):
Bigyan mo nga ako ng singkuwenta, inay.
SABING: Bata ka! Kung tumutulong ka sa paghahanapbuhay di may
mapapakinabang sa iyo. Hindi ganyang
layas ka nang layas….
BASYONG: Hahapbuhay…. Palagi na
lamang ninyong pinaggigiitan ‘yang hanapbuhay, batang-bata pa ako’y gusto
ninyong isabak sa trabaho?
SABING: Anak….
BASYONG: Pista ngayon, a. Hindi ba ako makapag-aaliw man lamang?
SABING: Oo man nga, anak. Nguni”t….
BASYONG: Wala na ba kayong
gagawin buong buhay kundi magpakahirap?
Bakit ang iba? Namamasyal….
Nagsasaya…?
SABING: Wala tayong magagawa,
anak. Maraming tao kung pista. Ngayon lang ang pagkakataon nating kumita
nang malaki.
BASYONG: Anak ng buwisit.
SABING: Kung tayo nga ba’y may
salapi…. Kung hindi natin pino-problema araw-araw ang ating kakainin…
BASYONG (SA MANONOOD):
Bakit? Ano bang uring lipunan
ito? Lipunan ng mga palabas? Hindi tama ito, a. Sila lamang ba ang paparada sa kalsada at
mamamasyal? At ano tayo? Panoorin?
Perya?
SABING: Ano ba ‘yang mga
pinagsasabi mo, Bonifacio?
BASYONG: Pahingi nga ng
singkuwenta lang, inay.
SABING: At anong gagawin mo?
BASYONG: Magsasaya….
Mamimimista….
SABING: Maghintay ka, anak. Mamaya.
Pagkaubos ng tinda…. Tulungan mo muna ako.
BASYONG: Singkuwenta lang….
SABING: Gaya rin ng sinabi mo,
anak. Ano’ng uring lipunan itong puro
palabas? Bakit hindi mo
muna unawain ang ating kalagayan?
BASYONG: Kaya nga ako magsasaya,
upang makaunawa, inay!
(Humahangos na papasok
si GORING.)
GORING: Aling Sabing! Aling Sabing!
SABING: O, bakit, ka Goring?
GORING: Ipinakakaon kayo ni Lola
Candida.
SABING: Anong nangyayari sa
Nanay?
(Nabibiglaanang
babaling kay BASYONG.)
Basyong, huwag ka munang aalis
dito. Bantayan mo ang mga paninda. Sasaglit lamang ako sa bahay.
(Hahagilapin ang
kanyang bag at susunod kay GORING papalabas.)
BASYONG (pasigaw): Hindi ba ninyo
ako titirhan kahit singkuwenta lang?
(Tila walang
narinig si SABING. Haharapin ni bASYONG
ang paninda at maghahalungkat.)
Anak ng buwisit, a! Walang itinera kahit isang pera. Ginawa pa akong tindera.
(Pupulot ng
ilang paninda. Lalapit at patuyang
iduduldol ang mga paninda sa manonood.)
Bili-bili na kayo riyan ng
bakya’t puto kutsinta. Bakya kayo
riyan. Puto, kutsinta. Mga ale, mga mama. Hoy!
Bili-bili na kayo ng bakya’t puto kutsinta.
(Saglit na mamasdan
nang pamaang ang manonood.)
Putang-ina’y hindi ba kayo
bibili???
(Ibabagsak ang
paninda at tuloy-tuloy na lalabas. Iiwan
ang tindang nakatiwangwang. Muling
kakalat ang kaingayang likha ng perya.
Tugtugin mula sa laro ng daga, anyaya ng nagpapalabas ng sirko at iba
pa, habang dumadako naman ang spotlight sa gitna ng liwasan. Papanaw ang mga ingay habang uugod-ugod na lumalakad
ang apat na manunugtog –LUCIO, TALYO, ENTENG, at MARSO – patungo sa may
unahan. Mananapatan sa may bandang
gitna. Si TALYO ay halos malupasay sa
hirap ngunit patuloy na makikisabot sa tatlong kasama. May maghahagis ng barya sa kanilang harap at
ilang sandaling maririnig ang bagsakan ng barya. Pupulutin ng apat ang mga inihagis na barya,
pagkaraan. Papasok si BASYONG at lalapit
sa ama.)
BASYONG:
Balatuhan mo nga ako kahit singkuwenta.
(Tila
nagulantang na mamasdan siya ni LUCIO.)
LUCIO: Ang lintik at ‘yan na
lamang ba ang alam mong gawin? Maglayas
at manghingi ng singkuwenta?
BASYONG: Bakit? Para ano ba’t naging ama kita? Tungkulin mong ibigay sa akin ang aking
singkuwenta.
LUCIO: At tungkulin mong tulungan
kaming maghanapbuhay!
BASYONG: Wala akong tungkuling
ganyan!
LUCIO: Kailan ka titino,
Bonifacio? Wala ka na bang pagtingin sa
iyong mga magulang?
BASYONG (patuya) Mahal na mahal
ko nga kayo, e. Kaya ayaw kong
magpakabusabos ng tulad mo.
LUCIO: A, lintik! Ano kang bata ka?
BASYONG: Hindi ba ninyo ako
bibigyan ng pera?
(Hindi sasagot
ang ama. Tahimik na titingnan lamang ang
anak na tila nahihiwagaan. Sandaling tigil. Pagkaraan, akmang tatalikod si BASYONG.)
Kung wala kayong maibigay,
magnanakaw ako….
LUCIO: Bonifacio….
(Mapapatigil si
BASYONG. Aabutan ni LUCIO ng pera.)
Saan ka pupunta?
BASYONG: Mamamasyal…. Manonood ng
palabas… sasakay sa ferris wheel… mamimista.
(Lalabas.
Babaling si LUCIO sa mga kasama. Si
TALYO ay nakatalungkong tila nauupos at pinanginginigan ng laman.)
LUCIO:
Pasensiya na kayo sa aking bata.
Talagang sagad ang tigas ng ulo, e.
(Lalapitan
si TALYO.)
O, ano, pare. Kaya mo pa ba?
TAYO (tutunghay, nakapinta sa mukha ang sakit na taglay): Oo…aba…oo….
(Magpipilit
tumayo. Pangangatugan ng tuhod ngunit
muling makikisabot sa tatlo.
Papailanlang ang tugtog habang unti-unting nagdidilim ang liwasan.)
5.
Sa Bahay
Pagliliwanag, makikitang magkatulong na pinupunasan nina Aling TUNYING
at CLARA ng maligamgam na tubig ang
matanda. Ilang saglit pagtkaraan,
maririnig ang paghinto ng sasakyan sa tapat ng bahay. Papasok si SABING kasunod ang isang
manggagamot. Aanyayahan ni SABING ang
DOKTOR papasok ng bahay.`
SABING: Pasok
po. Pasok po.
(Tutuloy ang
mangagamot. Mapapatayong akmang
sasalubong si CLARA pagbulwag ni SABING sa bahay.)
CLARA: Inay.
SABING (lalapit):
Kumusta ang Nanay? Kumaon ako ng
doktor para matingnan siya.
CLARA: Para pong
nagdedeliryo. Buti lang po at agad
dumating si Inang Tunying nang magtatawag ako ng saklolo sa mga kapitbahay
natin.
SABING (hahawakan sa kamay si Aling TUNYING): Salamat, Mareng Tunying….
TUNYING: Mukhang naginhawahan
nang kaunti pagkapunas namin sa katawan.
Pero hinahabol pa rin ang paghinga at hindi makausap.
SABING (babaling sa DOKTOR): Doktor,
siya po ang Nanay.
(Lalapitan ng
DOKTOR si LOLA CANDIDA. Bibigyan ni
CLARA ng upuan ang manggagamot.)
DOKTOR: May
ibinigay ba kayong gamot sa kanya?
CLARA (iaabot ang bote ng gamot ): Pinahiran ho namin siya nito.
(Nagtatakang
pagmamasdan ng DOKTOR ang bote.)
DOKTOR: Ano
ito?
(Bubuksan
ang bote at aamuyin.)
Aceite de manzanilla?
CLARA: Sabi po noong
nagpopropaganda kanina, e, gamot ýan sa lahat ng sakit?
DOKTOR: Kabag
lang ang nagagamot nito, iha.
TUNYING (galit na
mapapahinagpis): Ha? Tinamaan ng lintik na manggagantso pala ang
putang-in, a. At may pamadyik-madyik pa.
DOKTOR: Huwag po kayong
magpapaniwala agad sa kung sinu-sinong tao lamang kung hindi kayo sigurado.
CLARA: Kay daming ginago po ng
taong ‘yon.
(Bahagyang
mangingiti ang DOKTOR. Ilalabas ang stethoscope
damhin ang paghinga at pakinggan ang puso ng matanda. Kukunin ang presyon. Pakikinggan ang pulso. Susuriin ang mata. Tila nagugulumihanang mapapailing. Tatayo at
babaling kay SABING.)
DOKTOR: Aling
Sabing, halikayo.
SABING: Ho?
DOKTOR: Ano
ninyo siya?
SABING: Nanay
ko po.
DOKTOR (mahina, tila ingat):
Huwag kayong mabibigla. Malubha
ang lagay ng Lola. Nasa comatose state siya at kung hindi
madadala sa ospital, oras na lamang ang bibilangin. Beinte cuatro oras ang pinakamatagal.
SABING: Kung dalhin sa ospital,
gagaling ho ba ang inay?
DOKTOR (lilingunin ang matanda):
Alanganin. Matanda na siya. Delikado kung ooperahan. Kung madala naman sa ospital,
matatagal-tagalan marahil bago matuluyan dahil sa gamot, pero ‘yon din ang
kauuwian noon.
(Matamlay na
pagmamasdan ni SABING ang matanda. Tila
maiiyak.)
SABING: Dito na lamang po
siya. Hahanggang doon na lamang pala ang
buhay ng inay.
DOKTOR: Gusto ba ninyong lagyan natin
ng suwero?
SABING: Para ano pa ho?
DOKTOR: Para magpatuloy ang
paghinga at hindi kaagad matuluyan.
SABING: Para magkagastos kami
nang walang katuturan? Hindi na po.
DOKTOR (tila napahiya): A,
sige. Tutuloy na ako, ano po.
SABING: Magkano, Doktor?
DOKTOR: Bigyan mo lang ako
ng minimum
consultation fee. Singkuwenta.
SABING (dudukot ng salapi sa lukbutan at iaabot sa DOKTOR): Ito po.
Salamat po.
DOKTOR: Wala pong anuman.
(Lalabas ang
manggagamot. Maiiwang tila natulala ang
mag-ina. Saglit na katahimikan. Pagkaraan, sandaling aakbayan ni Aling
TUNYING si CLARA, saka lalapitan si SABING.)
TUNYING (hahawakan ang kamay ni SABING):
Talagang ganyan ang buhay.
Matanda na naman si Lola.
SABING (ngingiti nang bahagya):
Salamat uli, Mareng Tunying.
Pistang-pista, wala man lamang tayonng mapagsaluhan. Tuyong-tuyo ang pista natin, mare.
TUNYING: Naku, mare. Sa amin man.
Kahit yata saan ngayon’y tuyo. Bakit?
Ano nga ba ang pista kundi para sa mayayaman lamang. Siya.
Lalakad na muna ako.
SABING: Salamat, mare. Maraming salamat.
(Ngingiti si
Aling TUNYING, pipisilin ang kamay ni SABING at mananaog ng bahay. Lalaganap na muli ang sandaling
katahimikan. Pagkaraan, mauupo si SABING
sa harap ng mesa at babalingan ang anak.)
SABING: Clara.
CLARA: Po?
SABING: Kanina,
nang nag-iisa ka, hindi mo man lamang ba nakausap ang inay?
CLARA (lalakad paunahan): May
ibinubulong siya, inay. Ipinakakaon niya ang lahat ng kanyang mga anak
sapagka’t pakiramdam niya’y hindi na nga siya magatagal. Ititinatanong pati ang Kuya Basyong. Malimit palang pumupunta ang kuya sa kanya
upang maghinga ng sama ng loob. Wala raw
naman siya maibigay na tulong. Saka tila
naghihinagpis siyang hindi ko
maunawaan. Parang nalulungkot na
wala man lamang daw siyang maiiwan sa kanyang mga anak. Ni hindi raw makatulong sa ating
paghihirap. Tila humihingi siya ng
paumanhin. Kay laki raw pabigat niya
gayong napakarami na nga ninyong pasanin.
Napakatanda na raw niya, bakit hindi pa siya mamatay-matay. Nababaghan siya kung bakit nga ba habang
lumalakad ang araw, papahirap nang papahirap ang ating buhay. Hindi naman ganito noong una. Parang may kamalian daw sa daigdig na hindi
niya maunawaan. At natahimik siya’t
humigpit ang hawak sa akin. Tila nais
akong yakapin ngunit inatake nga at tila nawalan ng malay.
(Tutop-noong
mapapatungo si SABING.)
SABING (paimpit na naghihinagpis):
Ang inay… Kawawa naman ang inay….
(Mapapalapit si
CLARA. Luluhod sa tabi ng ina.)
CLARA: Inay? Bakit po?
SABING: Wala. Wala.
(Sandaling tigil.)
Hindi naman totoong wala
siyang ginawa para sa kapakanan ng kanyang mga anak. Talaga lamang hindi tayo makaahon-ahon sa
hirap sa mula’t mula pa.
(Patuloy na
kakandungin ang anak at lalatag ang sandaling katahimikan. Pagkaraan maririnig ang tugtog ng musiko sa
labas. Papasok si LUCIO, bitbit ang
kanyang bandurya at tila lulugo-lugo.
Magtataka sa aabutang tagpo ng mag-ina.)
LUCIO:
Sabing? Dumating ka na pala. Kumusta ang lako mo?
(Hindi
sasagot si SABING. Mapapatunghay si
CLARA. Tatayo at uupo sa may tabi ng
papag.
Lalapit si LUCIO sa matanda.)
O, kumusta ang inay, Clara? Ha?
CLARA: Malubha po.
LUCIO: Malubha?
(Hahawakan si Lola
CANDIDA at yuyugyugin sa balikat)
Inay? Inay. Hoy, Inay?
SABING: Hindi mo siya makakausap, Lucio.
LUCIO: Bakit? Anong…?
SABING: Ang sabi ng manggagamot,
oras na lamang ang kanyang hinihintay.
LUCIO: Ha? Ano?
(Tatapunan lamang siya
ni SABING ng isang malamlam na tingin.)
Kailan ko ba huling nakausap
ang Lola. Idinadaing ko ang ugali ni
Basyong.
(Maiiling na tila
napapaiyak sa sarili.)
Ano ba ito? Bakit ba ganito? Wala na akong nakikita kundi sakit at
kamatayan, a.
(Lalakad na hindi malaman ang gagawin nguni’t pagkaraan’y
tatalungko sa hagdanan.)
Kagagaling ko lang sa Center,
heto pala’y dito sa mismong bahay ko’y….
SABING: Kagagaling mo sa Center?
LUCIO: Si pareng Talyo. Nabulagta
sa daan.
SABING: Kumusta naman.
LUCIO: ‘Yon nga. Alanganin ang lagay.
(Mapapailing na pigil
ang damdamin.)
Santisima! Nagsasaya ang mga tao sa labas. Pero ilan ba silang katulad natin kaya?
(Pipigain ang
ulong tila nagagalit na naiiyak. Lalapitan
ni SABING at hahawakan sa balikat.)
LUCIO: Huminahon ka, Lucio. Lilipas din ito.
(Lilikmo sa tabi ng asawa.)
LUCIO: Paano ba tayo aahon? Saan ba tayo makakahagilap ng tulong
kaya. Hindi ko rin masisisi si
Bonifacio. Talaga namang pag ganito ang
buhay hindi katatagal tumigil ng bahay.
SABING: Ano ka ba, Lucio? Ano’t napakababa ng loob mo? Parang hindi ka hirati sa hirap, a.
(Mapapatunghay
si LUCIO na tila natatauhan.)
LUCIO: Pag sumipot ang anak mo, ikaw ang kumausap sa
kanya. Ipaliwanag mo lahat. Kung bakit tayo nagkakaganito. Kung bakit pistang-pista’y walang laman ang
ating paminggalan. At sabihin mo sa
kanya, papasok siya sa bukasan kahit pa anong mangyari. Bibigyan natin natin ng magandang bukas ang
mga anak mo kahit pa sa papaanong paraan.
Baka kulang nga lamang ako ng lakas at tatag ng loob. Sa lipunang ito, kung hindi ka mangangahas,
kung mananatili kang payapa, habambuhay kang lulutang sa hirap at maghihintay
na lamang ng tiyakang pagkalunod. Kaya,
pag dating ni Bonifacio, ikaw ang magpaliwanag.
SABING
(kakandungin ang ulo ni LUCIO): Oo. Oo.
Ngunit ano ka ba naman? Mga bata
lamang ang naghihinagpis, a.
(Sandaling katahimikan. Tila batang hinahagod ni SABING ang ulo ni
LUCIO sa kanyang kandungan. Pagkaraan, waring namamatandang magsasalita si
SABING.)
SABING: Kumusta ang inyong pananapatan?
LUCIO
(tutunghay): ‘Yon na nga. Kanina’y nagkakatuwaan pa kami, laluna nang
dumugin ng tao sa plasa. Panay ang hagis
ng barya. Pero, ‘yon na nga. Nasa kalagitnaan ang kasayahan nang biglang
mabulagta si Talyo. Nagkagulo. Isinugod namin siya sa Center. Umjuwi sina pareng Enteng sa bukid upang
abisuhan ang kanyang pamilya.
SABING: Hindi siya dapat sumama.
LUCIO: Oo nga sana.
(Muling
tututupin ang noo at mapapailing.)
‘Yong taong ‘yon, oo. Napakalakas ng loob. Hindi na madala ang katawan ay sige pa rin
ang kakakalabit ng gitara. At nang
mabulagta’t lahat, may nakita pa akong namulaklak na ngiti sa labi niya. Tila
ba siyang-siyang nakapagbigay-aliw at pinapanood ng maraming tao....
(Mapuputol ang iba pang sasabihin
ni LUCIO sa biglang malakas na pagtawag ni CLARA.)
CLARA: Itay!
Inay!
(Mapapabaling ang mag-asawa.)
Bakit tumigil yata ang paghinga ng
Lola?
(Nagugulumihanang lalapit ang dalawa
sa tabi ni Lola CANDIDA.)
SABING
(hahawakan at yuyugyugin ang ina): Inay? Inay!
CLARA
(paimpit): Patay na ang Lola... patay na
ang Lola...?
(Nakatungong aakbayan ni LUCIO
ang mag-ina at aaluin. Ilang sandali ang
lilipas na nakapanunghay lamang ang tatlo sa bangkay ng matanda. Papasok si BASYONG, tatapunan ng dagling
tingin ang magulang at kapatid ngunit hindi papansinin. Tuloy-tuloy sa kusina.)
BASYONG: Anong nangyayari sa inyo’t nagtayo kayo
riyang parang namatayan? Nagsipananghali
na ba kayo? Ipaghain mo nga ako, Clara.
CLARA: Kuya...!
BASYONG: Ipaghain mo ako. Buti kayo’t nakapananghali na.
CLARA
(pasigaw): Kuyaaaaaa!
(Mapapabaling
si BASYONG at galit na susurutin ang kapatid.)
BASYONG: Aba, ang lintik na ito’t huwag mo akong
sisigawan!
(Mapapatungo si CLARA,
LUMULUHA. Hahntong ang paningin ni
BASYONG sa bangkay. Nababaghang
lalapit.)
Anong nangyayari? Bakit...?
(Mapapansin
at pagmamasdan ang matanda.)
Lola?
Ang Lola...?
(Mapapatungo. May kaunting panginginig ang boses.)
Bakit?
Patay na ang lola? Lola? Patay na ang...
(Idadantay
ni SABING ang kamay sa balikat ni BASYONG at mahinahong tatawag.)
SABING: Anak....
(Mapapako sa pagkakatayo ang lahat at
unti-unting lalamlam ang ilaw samantalang papailanlang ang ingay na nagmumula
sa perya. Sa simula’y mahina, papalakas
nang papalakas at sasaliwan ng tugtog ng banda ng musiko. Mananatili ang kaingayang halos
makabingi. Kasabay ng pagdidilim ng
entablado, papanaw ang kaingayan at sandaling mananatili lamang ang tugtog ng
musiko. Sa gitna ng piyesa titigil ang
tugtog at bababa ang tabing.)
(TABING)