Thursday, September 30, 2010

TULA KAY P-NOY

TULA KAY P-NOY
-  Nonilon V. Queano/30 Setyembre 2010

Sakaling datnan ka ng ulirat
Pakiusap po, alalahanin, silang mga nangamatay.
Unahin na natin si Ninoy na Tatay mo
(Mahal mo kaya ang Tatay mo, di kaya po ba?)
Pagkaraan, paslit ka no’n,
Ang sinabi ng mayabang na Pangulong Macoy:
This nation can be great again.
Pero ang salita ay baliw na sa simula,
How can this nation be great again when
Pinagpapatay ang pinakamagagaling nating tao.

Umpisahan na sa Tatay mo
(Na, sa totoo lang,
Bobong-bobo ka kung ikumpara sa pusyaw ng utak,
At gift of gab niya –
Pero kahit na mas magaling ang Tatay mo sa iyo,
Sige na, tatanggapin na naming,
P-Noy, anak ka pa rin ng Tatay mo),

Pero kilo-kilometro na ang listahan ng disappeared at pinaslang
Na magsasaka, manggagawa (pati taga Hacienda Luisita kaya ),
Intelektuwal, guro, estudyante, makata,
Doktor, health worker, pintor, manlilikha,
Evelio Javier, Bobby de la Paz, Johnny Escandor,
Lorena Barros, Eman Lacaba, Lerry Nofuente,
Lando Olalia, Karen Empeño, Sherlyn Cadapan, Jonas Burgos, Kimberly Luna,
Ian Dorado, Tanya Domingo, saka
(Shet, di ko na maalala ang pangalan ng kaibigan ko)
Silang may pinakamatipunong bisig,
Pinakamatatalas na utak,
Pinakadalisay na puso. 
At kaming lahat na ginutom at nilason ng sistemang ito.

P-Noy, P-Noy
Kung sakaling magising ka,
(Na alam naming suntok sa buwan,
Dahil sino ka bang hahamon sa Kaharian ng Kapitalismo),
Sakali lang,
Alam mo na ang gagawin mo:
Magmamartsa ka sa hanay ng sambayanan,
Magtataas ng kamao,
Aawit ng pakikibaka,
Mangangarap ng tunay na kalayaan,
Tututok ng baril sa kalaban
At, malay natin, suntok sa buwan, malay natin
(Tulad ng Tatay at marahil, ng Nanay mo)
Sa tapang at tikas na ipamamalas,
Bayani ka ngang itanghal ng bayan mo.

No comments:

Post a Comment