Sunday, December 5, 2010

PANATA NG MANLALAKBAY

PANATA NG MANDIRIGMA
- Noni V. Queano/5December2010

Tila nakaitim na dilag,
Minsa’y dadalaw ang panglaw,
Pagkaraang mamaalam o dapuan ng alaala.
Bubulaga sa dilim ng gubat.
Ngunit lagi’y mapapaigtad at pupulas,
Ang gerilyerong ipu-ipo sa tulin,
Tila unos na hahampas sa kawalan.

Wala namang mamamalay ang kasama.
Sa tahimik na paglakad.

Ilang panahong pakikipamuhay sa masa’y
Sapat na ring makalimot.

Kahapon, ang martsang bayan
Laban sa kaltas-badyet sa edukasyon,
Sa kawalan ng hustisya,
Sa magsasakang pinatay sa asyenda,
Sa pagpaslang kay Leonard Co,
Sa plahiyarismo ng huwes ng Kataas-taasang hukuman,
Sa limampu’t walong minasaker sa Ampatuan,
Sa inaping mga dukha ng kuliglig
At ngayo’y ang hunger strike
Ng apatnapu’t tatlong health workers sa Morong
Na sukat lang ikinulong.
(A, kailan pa matututo ang tinamaan ng lintik na pangulo!)

Ano ba kung ang musa’y mamaalam?
Papaano susukatin ang sarili
Sa harap ng masang nalugmok
Sa hirap, inhustisya, dalamhati sa napaslang?
Patuloy ang manlalakbay sa paglaban
At makata’y patuloy ring magmamasid
Sa bundok, gubat, at parang.

No comments:

Post a Comment