Friday, January 21, 2011

KAHAPON'Y MAY DALUYONG

KAHAPON’Y  MAY DALUYONG
- Nonilon V. Queano/7January2010

Kahapon’y may daluyong sa gunita
Sa pagtugis sa banaag ng paglaya
Isang napipintong liyab ang alaalang
Muli’t muli’y sinusubhan ng panata

Papaano ba pahupain ang pighati
Ng aliping agaw-buhay araw-araw,
Pamulaklakin ang dinag-im ng dalita
O silang kinumunoy sa paglaban?

Minsan’y may kapagalang dumarating,
Itatarak, tila sundang sa damdaming
Lumalaplap sa puso o sa isipan’y humihiwa.
Minsa’y nag-aagaw-tulog

Dangan nga lang at bubuga ang gunita
Ng yumao at nagyaong kaibigan
Magdaraan ang hanay
Papatugpa sa likod ng alaala.

Dangan nga lang at pagsinta’y sintimyas
Ng bulaklak ng sampagita
At sa hinahaba-haba ng lakad
Ang landas ay di nag-iba.

Kahapon din nang mayroong paruparong
Sa panganorin’y gumuhit ng luhang kristal
Pinahupa ang daluyong, pinatibay ang panata
Tila dilag na umindak sa awitin ng paglaya.

No comments:

Post a Comment