Tuesday, November 27, 2018


MIGRANTE
- Nonilon V. Queano
21 July 2018

                                    “Uulit-ulitin
Ating aawitin
Ang kalayaan at pagmamahal
Hanggang ang lahat, may kapayapaan
Pagsinta’t kalayaan”   
                                    https://www.youtube.com/watch?v=GEjzZ5RTZt4
                                   

            Nagsimula ang lahat sa pangitain ng kariktang salimbayan sa lungayang guniguni ng nabiglaanang diwa isang pangkaraniwang araw sa malayong bayan.  Lagi’y pangamba at lulutang-lutang na lungkot ang dala ng pag-iisa at minsan’y bubugsong tanawin ng mga hapis, pagal, o hingalong mga mukha, na malimit tila ba walang kurap na nakamaang lamang. Nakasanayan na rin naman ni Angelo ang ganoong buhay, ‘ika nga, palipat-lipat, papalit-palit, hihimpil kung saan abutan ng pagkakataon.

Sa liblib na nayon ng Bukal, lumaki si Angelo na katulong-tulong ng amang magsaka sa niyogan at munting palayan na namana ng kanyang ama sa Tatay nito, si Lolo Isidro. Mananahi at tindera ng kakanin ang kanilang ina, at pinalaki silang sampung magkakapatid sa hirap at tiyaga dahil ganoon naman ang buhay ng karaniwang uring magsasaka sa lupaing kanilang kinalakhan.  Subali’t  may pangarap ang kanilang magulang at malimit sabihin’y, igagapang silang lahat hanggang makatapos kahit haiskul man lamang, upang kahit paano’y magkaroon ng maalwang bukas.  Masayahin at makikapuwa ang Tatay Nicanor nila, at may pagkakataon nga, laluna, pagkatapos magsulit ng kalibkib sa pamilihan sa sambat ng kanilang nayon, magaganyak makipagbarik at naroong mahandusay at makatulog sa tabing-daang kabulusan habang sisigaw-sigaw, sumusuray pauwi. Kung lumalalim ang gabi’t wala pa ang ama, sasamahan ni Angelo ang kanyang Nanay Laura sa pagsulsog sa kanyang Tatay sa kung saan ito lumugmok at nakatulog sa kalasingan. 

Yaon lamang naman ang libangan ng kanilang ama – ang pakikipagbarik sa mga kaibigang magsasaka sa tuwing may kikitaing perang kakaltas ng pambili ng lambanog upang mairaos ang awitan at inuman ng magkakaibigang magsasaka sa nayon.  Kinalaunan, yaon din ang ikinamatay ng kanyang Tatay, sakit sa atay at paninigas ng tiyan, dahil nga sa pagkahumaling sa lambanog.  Hanggang sa huling sandali, hindi naunawa ng kanyang Tatay ang sakit na dumapo sa kanya at pagkaintindi niya ay pinarayaan ng kung anong lamang lupa o maligno na kanya raw natapakan o nalapastangan nang minsang hinapay niya ang puno ng balite na tumubo sa gitna ng sinasaka niyang tubigan.  Nagpatawag pa ito ng pare upang magpabendisyon at makipagdasal para ihingi ng tawad ang paglapastangan at pagwasak niya sa tirahang balete ng mga maligno na nagparusa raw sa kanya.  Nasa tabi si Angelo at kanyang Nanay Laura, walang tigil ang pagluha at pagyakap sa patawirin at naghihingalong ama, at habang ito ay sinasabuyan ng pare ng benditadong tubig.  Ikinamangha at di  malimot ni Angelo ang nasaksihang pangyayari bago tuluyang nalagutan ng hininga ang kanyang Tatay Nicanor – may puting usok o mala-ulap na namuo, nagkahugis at bumuga sa bibig ng ama, bahagyang nagpalutang-lutang paitaas sa ulunan nito hanggang maglaho. Napahagulhol ang  kanyang Nanay Laura at mahigpit na niyakap  ang kanyang Tatay nang huminto ito ng paghinga.  Nakamata lamang si Angelo at pinag-iisipan at hinahanap pa rin kung saan pumunta ang puting usok na kumawala sa dibdib at bibig ng kanyang Tatay kasabay ng paghinto ng kanyang paghinga.  Nasaksihan din ng tiyahin niya na nakamatyag sa may pintuan ng kuwarto ng ospital ang paglutang at paglalaho ng mala-ulap na usok na yaong ibinuga ng kanyang Tatay bago ito mapatdan ito hininga, at pausal pang sinabi nito kay Angelo, na mga espiritu daw yaon ng lamang lupa na umalis sa katawan ng kanyang ama, pagkaraang madasalan at mabensiyunan ito ng pare.  Mapapayapa na raw at pupunta sa kaluwalhatian ng langit ang kaluluwa nito, lalo at iniwan na rin ito ng masamang maligno.

            Naniwala si Angelo na totoo ang sinabi ng kanyang Tiya Haning, na naitaboy ng mga panalangin ng pari at ng kanyang naghihingalong ama na hanggang sa huling sandali’y kasabot ng paring nagdadasal, na ang puting ulap ng usok na yaong lumabas sa bibig ng kanyang Tatay at saglit nagpalutang-lutang bago tuluyang kainin ng laho, ay mga lumikas na espiritu ng maligno na namahay, nagparusa at nagdala ng sakit sa ama, laluna na dahil ilang gabi pagkaraan noon, napanaginipan niya itong nakangiting tila umaawit sa ibabaw ng isang bubungan at tore ng tila mala-kastilyong gusali na nakalutang din at nakukulapulan ng maputing ulap tulad ng marahil ay kalawakang patungong langit.  Sa isipan ni Angelo, narinig niya sa panaginip ang awitan ng mga anghel na nagbubunyi at sumasabot sa paglalayag ng kaluluwa ng kanyang Tatay Nicanor patungong langit.

            Ilang kapatid ni Angelo ang nasa murang edad at nasa Elementarya pa nang pumanaw ang kanilang Tatay, subali’t sa tiyaga at pagtutulungan, laluna ng Nanay Laura nilang lalong pinag-ibayo ang kanyang hanapbuhay na pananahi at pagtitinda ng kakanin, napagsumikang makatapos ng haiskul ang lahat, at hindi lang, nakapagkolehiyo rin si Angelo at ang apat pang kapatid para sa pagsalunga nila sa haharapin pang mga hirap at pagsubok ng buhay. Hindi natapos ang pagtutulungan ng magkakapatid hanggang magkaroon ng sapat ang bawat isa sa mag-anak, at mapayapa’t makapagpahinga sa trabaho ang kanilang ina.

Nasa ikatlong taon ng kolehiyo nang hatakin si Angelo ng nakahiligan niyang trabaho bilang musikero.  Sa simula’y kinailangan niyang maghanapbuhay bilang musikero upang maitaguyod ang pag-aaral niya sa Unibersidad ng Pilipinas na kanyang  matagumpay na pinasukan.  Trabaho’t kayod upang maitaguyod ang pag-aaral ng lahat ng mga naunang lima sa magkakapatid, at kinailangang magtulungan upang mapatapos ang lahat. Matiyagang nakasubaybay lamang si Nanay Laura sa mga lima pang bunsong kailangan ng alaga at patnubay.

Papasok na ang Tagsibol, subalit nanunuot pa rin ang lamig sa tuwing bubugso ang manaka-nakang hangin sa liwasang Madison na kanyang paghihintayan.  Doon siya inihatid ng kapatid niyang babae na ilan taon na ring nagtatrabaho bilang nars sa NYU Hospital sa New York.  Sa bahay nito sa Pocono tumutuloy si Angelo tuwing madadako sa bansang dayuhan.  Gaya ng madalas mangyari, sa paglipas ng mga taon, nakaraos at nagkanya-kanyang lakad ang magkakapatid; anim ang nagsilikas ng Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bansa, apat ang piniling tumigil sa sariling lupa kapiling ang kani-kanilang asawa’t anak.  Naroon pa rin si Nanay Laura na ngayo’y inabutan na ng pagtanda, sa lumang bahay nila sa niyogan, kapisan ng pinakabunso sa lahat, si Marcela, na piniling sa kalapit bayan magtrabaho bilang guro sa eskuwelahang pang-elementarya roon. Malapit na ring malipasan ng panahon si Marcela, subalit tila namanatang ibubuhos na lamang ang kanyang buhay sa pag-aalaga sa ina.  Maganda si Marcela at hindi iilang binata ang nagtangkang manligaw sa kanya, subali’t tikom na nga ang puso at hirati nang mamuhay nang mag-isa sa piling ng kanyang ina si Marcelo. Tila sadyang magkaiba at salungatan ang naging buhay at kapalaran ng panganay, ni Angelo, at ng bunso, si Marcela.

            Hindi makatigil sa isang lugal o isang tahanan si Angelo. Tulad sa isang ibong ligaw na walang tiyak na tahanan at di matigil sa paglipad, taglay ang kanyang gitara, tila walang katapusan ang kanyang mga paglalakbay at paghahanap.  Nakatapos naman ng titulong Batsilyer sa Sining ng Paglikha sa unibersad, at ilang ulit ding umani ng tagumpay at gumawa ng pangalan sa pagsulat sa panitikan at musika, ngunit mula nang lisanin ang bayang nilakhan, di natigil sa paglalagalag. 

Minsan lamang, sa maituturing na unang yugto ng kanyang kabataan, nag-asawa at nagpamilya rin, at nagkaroon ng tatlong anak sa naging kasintahan niya at kamag-aaral sa pamantasan, si Aida. Masinop, maunawain, at mapagmahal si Aida, at dalawampung taong mahigit tumagal ang kanilang pagsasama na sa una’y tila kasintatag ng Bundok Banahaw sa isip ng lahat ngunit dumating sa puntong humapay at nawasak ang moog ng kanilang pagsasama.

Sa mga lugal na pinaglalagian bilang musikero, hindi maiwasan ang mapukaw ang puso sa alindog ng mga dalagang kaibigan at kasalamuha si Angelo.  Hindi iilang dilag, na ang iba’y nakatugtugan niya ang umakit sa kanyang marupok at di makaling puso na kalimitan’y humahantong sa lihim na pakikipagtalik niya sa nawalan na rin ng ulirat at nabighani sa kanya, laluna, pagkaraang lukubin ang kamalayan ng pagkalango at kahinaan. Sa kinalaunan, si Angelo na ang tuluyang lumayas sa kanilang tahanan, basta lang naglakbay palabas ng bansa o marahil di na mahalaga kung saang lupalop ng mundo siya ihatid ng kapalaran.  May naiwan din siyang anak sa mga babaeng lihim na nakatalik niya sa panahong sinikap niyang bumuo sana ng pamilya tulad ng pangkaraniwan at may panahong sinundan-sundan at pinagtangkaang tinutunton nila ang lakad niya subalit hindi na nga natigil sa paglipad at paglalayag si Angelo.

            Nangibang-bayan at nagpalipat-lipat siya ng tahanan sa kung saan-saang lupalop sa Asya, Europa, at Amerika at mahabang panahong hindi siya nagparamdam sa kung saang lupalop siya napadpad o kung saan nakatira.Sa isip niya’y sakupin ng kamalayan at pang-unawa ang mga katotohanan at suliranin ng buhay sa mundo.  

Kinatagalan, dumating din sa punto na nagpasiya siya na liban sa pagkakaiba-iba ng mga kulay at anyo, wala namang nabago sa noon’y matagal na niyang alam: ukol sa di matapos-tapos na pagsasamantala at pandarahas ng mga naghahari at naghahari-hariang bansa at kaurian, saan mang panig siya madako at ang palagi’y pagbabalik ng estado ng kawalang-kahulugan, laluna sa kanluran.  Marami nga ang mga paglalakbay at lakad na sinalunga niya sa kabila ng noong una’y itinuring niyang magandang palad na nakapangalap siya ng pribiliheyong makaigpaw, tulad ng tila pinagpala at biniyayaan ng Maykapal, at makapaglayag nang malayong-malayo sa kalawakan ng daigdig na kailanman’y di niya inakalang mararating, lalo na sa panahong binubuno nila ng kanyang ama ang hirap ng buhay sa bukid sa unang panahon ng kanyang kabataan. Subali’t nangyari nga yaon. Marahil, dahil panganay sa labindalawang supling ng kanyang mapag-arugang magulang at likas ang angking talino, bulalakaw siyang buong layang pumaimbulog at nakagala sa unibersong tila walang hanggan. Hindi mahinto ang paglipad; at tuwina, hindi rin tiyak kung saang lupain lalapag.  Nandoon naman lagi ang musika at sining na pang-agdon at pantawid-gutom niya saanman siya abutan.  Mahabang panahong inakala at kinasanayan niya ang ganoong buhay.  Walang himpilan, puno ng awit at panandaliang romansa, palipat-lipat saan man ihatid ng tadhana, malimit kinilala at hinangaan din sa kanyang trabahong manlilikha ng awit at bokalista.

Gayunman, mapait na pagbabalikan niya sa takdang araw ang alaala ng kabiguan niyang tumigil sa isang payapang tahanan kasama ng asawa’t mga anak.  Sa kasanayan ni Angelo na mamuhay nang malaya at malimit nag-iisa, minsan’y di rin naman niya maatim na hindi usisain ang lagay ng naiwan niyang mga anak kay Aida, at sa tatlo pang dilag na nabagat niya sa pagtugtog-tugtog at pag-awit-awit sa mga otel at bahay-aliwan sa Maynila at kinalauna’y sa Thailand at Hongkong na ilang taon din niyang tinigilan, bago sila nagkahiwalay ng kanyang asawa.  Mag-isa na rin siyang umuupa ng sariling tahanan noon, kahit paminsan-minsan, hindi niya maiwasang makapiling nang panandalian ang kanyang mga anak at kani-kanilang ina. 

Matagal na ring natanggap ng kanyang pamilya ang noong una’y hindi nila maunawa kung sa anong utak ba mayroon at kung bakit tila walang kalagyang lunan si Angelo.  Pagkaraang lisanin nito ang pamilya at walang pasabing maglagalag, lumipad o magpatihulog, sa mga walang katiyakang kalawakan, yakap ang kanyang gitara, musika, at panulat na tanging naging tagdan at sagwan niya upang matustusan lahat ng kanyang pangangailangan, hindi na nag-usisa pa ang kanyang pamilya, at mga anak, sa kung saan na nga ba siya napadpad.  Ang kanyang Nanay Laura na magnonobenta na ay hindi naman nakalimot, ngunit kawikaan’y ipinasadiyos na lamang ang lahat at lagi’y taimtim na nananalangin na sana’y ligtas ang anak saanman ito mapadpad.

Ang totoo, sa bagong panahon ng pandaigdigang electronic at social media -- ng Facebook, Twitter, You Tube, at iba pa – malinaw rin naman sa isip ni Angelo na saanman siya makaabot, saan mang lupalop sumadsad, walang pagkalimot o paglalahong mangyayari sa pagitan niya at ng kanyang mga nilisang mahal sa buhay.  Sadyang lumiit na ang mundo at maging ang sinaunang taong tulad ng kanyang Nanay Laura ay natuto na ring tumipa-tipa ng teklado ng kompyuter o pumindot ng cellphone sa tuwinang nais usisain ang lagay ng mga anak niyang nagsipangibang-bayan.  Malimit nga’y naiilang o napapangiti na lang si Nanay Laura na ang anak niyang nasa kabilang ibayo ng daigdig ay bigla na lang bubuluga sa screen ng laptop sa harap niya at kukumustahin at kakausapin siyang tila ba nasa tabi o harap niya lamang. Sasambitin na lang ni Nanay Laura at minsan’y halos mapaigtad sa tuwa ang nakagawian niyang sambit tuwing mawawala sa kanyang tabi ang alaga niyang anak, “Karahong bata ka, nasaan ka na? Saan ka nga, anak?  Ay, diyan ka ba nakatira? May ilang hibla ng puting buhok ka na, Angelo, a. Karahong bata ka, nasaan ka na.” Sasagot lamang si Angelo ng, “ Mano po, Nanay.  Mabuti po naman ang lagay ko. Ingat po kayo.  Uuwi ako pag nakaipon.  Padadalhan ko kayo ng pera, bukas, para panggastos ninyo ni Marcela.” Iglap lamang at kahit papaano, nagkakatalastasan sila lahat.  Malimit din na hindi na rin nagtatanungan sa isa’t isa, kusang nagpapaabiso at nagpaparamdam lamang sa internet media ang anak sa ama, o ama sa anak, o ama sa ina ng anak na sa salimuot o luwag ng pangyayari’y nagkalayo-layo at sa kaso ng musikerong si Angelo, ay tiyak niyang, dahil kasalanan at kagagawan din niya.

Sa kamalayan ni Angelo, inaasahan din niyang, sa kinatagalan at, laluna, sa panahon ng kanyang pagtanda, gaya rin ng inilahad niya sa mga awit na sinulat niya at ipi-nost sa You Tube, halimbawa’y dito, https://www.youtube.com/watch?v=f2wwogk2pI4, babalikan niya at patuloy ang pag-aasam na tuntunin ang pabalik sa likas at dalisay na buhay na ginugol niya sa bukid at kalikasang kanyang kinalakhan.

Doon rin sa FB niya, muling natagpuan ni Angelo si Sameera, na minsan’y nakasama niya sa banda at nakatugtugan sa mga lakaran nila sa Maynila at Hongkong.  Biyolinista at mang-aawit si Sameera at tulad niya’y nag-aral ng musika at sining sa Pamantasan.  Aktibista mula sa pamilyang muslim sa Marawi ngunit masasabing may pagka-moderna, dala rin ng pagkahilig sa musika, lalo nang makatugtugan si Angelo sa mga otel at bahay aliwan sa Maynila.  Mapang-akit ang ganda ng dalaga na, ayon sa kuwento, anak ng Arabong amo ng kanyang ina nang huling mamasukan ito bilang katulong sa bahay ng kanyang ama sa Saudi Arabia. Sa kuwento’y minaltrato at ginahasa ng Arabong amo ang kanyang ina, na tinulungan ng mga kababayan doong makatakas pabalik sa Marawi. Sa Marawi na isinilang si Sameera.  Hindi na rin bumalik ito sa Saudi, pagkaraan ipagbuntis at iluwal ang anak. Katulad ni Angelo, pinalaki sa hirap, kapiling ng mga iba pang naging kapatid niya sa ama-amahan nang kinalauna’y mag-asawa ang kanyang Nanay sa kababata nito sa Marawi. Walo pa ang naging kapatid niya sa ina, na kinatagalan ay nagkanya-kanya na rin ng buhay.

Sa tugtugan sila nagkakilala ni Angelo, parehong ginawang hanapbuhay ang pagtugtog upang pantustos sa pag-aaral hanggang nakatapos ng Batsilyer sa Sining at ilang taong nagkanya-kanya rin ng lakad, upang tulungang maitaguyod din ng pag-aaral ng mga nakababatang kapatid. May panahong naging magkasintahan ang dalawa, ngunit dala ng hirap, nabuhos ang tuon sa mga responsibilidad sa pamilya at tuluyang nagkahiwalay ng lakad.  Nag-asawa, nagkapamilya’t anak si Angelo, sabay sa tila paglalahong-bigla ni Sameera nang ito ay mangibang-bayan, ilang buwan makatapos ng pag-aaral sa Pamantasan.  Isang kapatid sa ina ni Sameera at namasukang domestic helper sa Hongkong ang nagyaya upang subukang magtrabaho rin doon. Musikera at guro sa musika ang pinasok ni Sameera at sandaling nakipisan sa kapatid, hanggang, minsan, may nakilala itong puting negosyanteng Amerikano, si Peter Anderson, sa hotel na tinutugtugan na dagling umakit upang maging kasintahan o kalaguyo niya sa panahong yaon.

Sa pagdaan ng mga taon, na nagsimula nga ang walang katapusang paglalagalag pagkaraang iwan niya ang pamilya’t anak niya sa Pilipinas, naparaan ng Hongkong si Angelo.  Doon sila muling nagkita ni Sameera, sa otel na tinutugtan nito, at sabik na sabik sa isa’t isa na bigla lang nagpatianod sa init ng gabi na tila di maibsan ang nadamang ligaya.  May dalawang supling na si Sameera sa Amerikano at nakatakdang sumunod dito upang magpakasal  pagkaraang pangakuan na idi-diborsiyo nito ang asawang naiwan sa Amerika nang di inaasahang nagtagpo sila ni Angelo.  Naganap ang ilang linggo ring pagkikita at pagtatalik ng dalawa, na di nalaman ni Anderson, ngunit di nakapigil ‘yon sa biyaheng pa-Amerika ni Sameera.  Tulad sa mga romansang dalisay na nanatiling pinapangarap o binubulay-bulay sa isipan, naghiwalay ang dalawa pagkaraang mag-iwan ng pangako sa isa’t isa na magsusulatan at sa susunod marahil, magaganap ang naantala nilang pagmamahalan.  Halos mabulalas ng tawa ang dalawa nang bago maghiwalay nagbiro pa si Angelo na sa mga mumurahing nobela ng romansa, ilang ulit nang naisulat ang walang hanggan at sadyang dalisay na pag-iibigang tulad ng sa kanila.  Mahigpit at matagal na nagyakap nang magpaalaman, at bagaman hindi tiyak kung saan o kailan, inusal sa isa’t isa na magkikita sila muli isang araw upang di na muling maghiwalay.  May luha sa mata ni Sameera nang tumalikod upang lumisan, samantalang lungkot, nakatanaw lamang si Angelo sa tuluyang paglalaho ng sinta’t kaibigan.

                                                            II.

“Kayo po si Tito Angelo?” bigla’y bati ng dalagitang bumulaga sa kanyang harapan.  Matamis ang ngiti ng marikit na dalagita na sa unang tingin ay kayumangging Pilipina na may itim ang buhok, ngunit sa malapitan, pansinin ang bughaw nitong mata.

Bahagyang nakayuko at tila inaabot ng antok na bigla’y napatunghay si Angelo.

“Ana?  Ikaw ba si Ana?”  nabibiglaanang sambit ni Angelo.

“Opo. Kapatid ni Karla at Fatima. Sinabihan ako ng Nanay na sunduin kayo, Ako ‘yong kausap ninyo sa telepono.”

“A.... kumusta ang Nanay mo?”

Tumayo si Angelo upang pulutin sa upuan ang dala-dalang pasiking.

“Naka-confined po sa ospital sa NYU.  Nakasuwero, pero nakakausap naman po.  Tanong nang tanong kung dumating na ba kayo. Nakaalis na ang kapatid n’yo?”

Bahagyang umalalay si Ana habang itinuturo ang pinagparadahan niya sa kotseng minaneho upang sumundo kay Angelo.

“Inihatid lang ako pero umuwi na rin si Jenny. Sabado’t Linggo ang off niya. Babalik daw mamayang hapon para sunduin ako,” sagot ni Angelo.

“Doon po tayo sa kabila,” pagyayaya ni Ana.

Binagtas nila ang liwasan tungo sa nakaparadang sasakyan ni Ana.  Bandang alas nuwebe ng umaga at ilan sa mga maagang namamasyal at nagpapahingalay sa ilalim ng mga puno sa umagang yaon ng Taglagas ay inot-inot na nagsisitayo upang lumisan.  Hindi pa gaanong mataas ang araw at ang simoy ng hangin, bagaman makapanuot-balat sa lamig, ay padapyo-dapyo lamang, kaya ang mga ilang matatandang nakaugaliang magpalipas-oras sa liwasan ay naghihintay pa rin sa inaasahang papatinding sikat ng araw, upang marahil namnamin ang init o alinsangan tulad ng sa kalilipas na Tag-araw.  Sa bandang gitna ng liwasan ay may restowran na pipinipilahan ng mga nais magkape o mag-almusal sa nagkalat na mesa sa paligid. Kinailangang magpaikot-ikot sa nagbalandrang kalsadahan ng Liwasan, bago marating ng dalawa ang sasakyan ni Ana.

            “Dito po,” pagyayaya ni Ana nang marating nila ang kabilang kalsada.

Sumakay ng kotse ang dalawa.  Ilang sandali pa, binabaybay nila ang kalsada mga limang bloke din lamang ang layo mula sa Liwasang pinaghintayan ni Angelo. 

“Kadarating ho ninyo galing Pinas?” tanong ni Ana habang hinihintay ang paglunti ng pulang ilaw sa kanto ng 23rd St. at 3rd Avenue na isa sa pangunahing daan patungo sa downtown area ng lunsod.

“Kahapon. Para dalawin din ang kapatid ko sa Pocono.”

“Pero napunta na kayo rito sa New York o ngayon lang?”

“Maikatlong beses na.  Ngayon ko lang nalaman na dito pala nakatira ang Nanay mo.”

“Oo nga po. Nandoon po ang kapatid ninyo noong isang araw at bumisita sa Nanay ko. Doon din lang sila nagkakilala nang ipasok ng NYU si inay.  Nars pala si Aling Jenny doon.”

Humarurot ang kotse ni Ana, patungong 1st Avenue, at pakaliwa sa 30th Street na kinatatayuan ng ospital.

“Kung hindi sa FB, di ko malalaman na sa New York nanirahan ang Nanay mo.  Nang huli kaming magkita, bandang Texas o Tenessee yata ang tungo.  Sa isip ko, maraming mga lugal doon na puwede niyang pagtrabahuhan bilang musikero.  Diyan kami matagal nagkasama sa tugtugan, a,”

May bahagyang ngiti na gumuhit sa mukha ni Angelo, pagkaalaala sa mga masasayang araw nila ni Sameera.

“Maliliit pa po kami ng kapatid ko nang pumunta kami rito sa Amerika. Kuwento ng Nanay, minsan lang kaming nagawi sa Texas at dumeretso na ng New York. Sa mga teatro sa Broadway siya nagtrabaho at doon na rin kami nanirahan mula noon.”

May namumuong tanong pa sa isip ni Angelo ukol sa kung natuloy ang kasal at nakapiling ba nila ang kanilang ama, si Peter Anderson, paglapag nila sa Amerika, gaya ng paalam ni Sameera nang huli silang magkita sa Hongkong, pero hinayaan lamang niyang magkuwento si Ana. 

“Dito na rin ho kami lumaki at nagtapos mag-aral sa New York. Kayo pala ‘yong ikinukuwento ng Nanay na musikero at kaeskuwela niya sa UP.  Magkatugtugan daw kayo noon, pero wala siyang balita, hanggang ‘yon nga, nagkita-kita sa FB. FB talaga....”

Napabulalas ng halakhak si Ana.

“Sa FB rin kami nagkita ng Nanay mo ulit....Naisipan ko lang i-goggle ang pangalan niya, pero inisip ko rin na baka nagpalit na ng pangalan ang Nanay mo.”

Sabay nagkatawanan ang dalawa.  Sa garahe, tapat ng ospital, ipinasok ni Ana ang kanyang sasakyan.  Pagkaraan, tinungo nila ang ospital, tuloy-tuloy sa kuwarto sa ICU na pinagdalhan kay Sameera, na noon’y nakaratay, tila naidlip at binabantayan ni Fatima.  Sumalubong si Fatima, may nilay na bahagyang ngiti, at nagmano kay Angelo. Pausal na nagbatian ang noon lamang nagkita, at akmang lalabas upang di mabulabog ang maysakit, nang, tila naalimpungatan, bigla itong nagsalita.

“Nandiyan na ba sila, Fatima?”

Sabay na napabaling ang tatlo.

“Ang Tito Angelo mo? Nandiyan na?” muli’y tanong ni Sameera.  Nakamulat at lubos na nabuhayang-loob ito, lalo nang mamataan si Angelo. 

Puno ng pananabik at tuwa si Angelo na napalapit at akma’y yayakapin si Sameera, ngunit ang suwero at mga karayom sa bisig ni Sameera ay sagwil sa pagyayakapan ng dalawa.  Napaluhod na lamang si Angelo sa tabi ng higaan at dinampian ng halik sa noo si Sameera, sabay usal ng, “Kumusta ka?”

“Ito, mukhang malapit-lapit na rin sa langit. Finally...” nakangiting tila pagbibiro pa ni Sameera.

Napangiti rin ngunit malamlam si Angelo.

“Hindi ko alam. Di ka talaga nagpabalita mula nang lumayas ka.”  Maraming naglalarong tanong sa isip ni Angelo.

 Tila parehong nagpipigil maluha ang dalawa samantalang nagtataka pa ring nakamaang lamang sina Ana at Fatima, nakamasid sa may paanan ng kama.  Sabay ding tumalikod ang magkapatid at sandaling nagpaalam.

“’Nay, breakfast muna kami sa Cafeteria.  Iwan muna namin kayo ni Tito Angelo.  May gusto kayong ipabili, Tito?” pakli ni Ana.

Si Sameera ang nagsalita.

“Sige, anak. Mauna kayo. Balik kayo para makapag-breakfast din ang Tito Angelo, n’yo.”

“Sige, Ana, Fatima. Bantay muna ako dito. Nag-almusal naman kami ni Jenny kanina,” pakli ni Angelo.

“Sige po.” Sambit ni Fatima. 

Lumabas sa silid ang dalawa, patungo sa Cafeteria ng ospital, na sa isip nila, tila nakaunawa na kailangang bigyan din ng pribadong sandali upang magkausap si Angelo at ang kanilang ina.  May kutob na nadarama ang magkapatid sa kung anong naging kasaysayan nila, ngunit sadyang walang ikinuwento si Sameera kundi ang minsan’y pahapyaw  na minsan daw, nang nagtatrabaho siya bilang musikera sa isang bar at otel sa Hongkong, may puting Amerikanong nagkagusto sa kanya at naging kasintahan niya.  Nagbunga ang pagmamahalan nila ng Amerikano noong nasa Hongkong pa sila at isinilang nga ang magkapatid. Naikuwento rin ng kanilang Nanay ang sana’y pagpapakasal nila ng Tatay nilang Amerikano nang pinapunta silang mag-iina sa Texas, subali’t lumabas na may ibang pamilya ang Tatay nila noon at hindi natuloy ang diborsiyo ng Tatay nila gaya ng ipinangako sa kanya.  Napaka-musmos at walang malay pa sina Ana at Fatima, para maunawaan o malinaw na maalaala ang nangyari, ngunit, limang buwan pagkaraang itira sila ng kanilang ama sa isang mapanglaw na apartment doon, nagpasiya si Sameerang lumayas nang walang paalam, dala ang kanyang mga musmos, hanggang makarating at makapanibagong-buhay nga sa Manhattan.  Ang pagka-musikero at talino ni Sameera ang naging puhunan niya upang matatag na makatayo ito sa sarili at maitaguyod nang mag-isa ang kanyang mga anak.  May hinala rin sina Ana at Fatima na may ibang kuwento ang bunso nilang kapatid na hindi na nila inusisa pa sa ina, ngunit lumaki silang likas na nagmamahalan at nagdadamayan.

“Hindi ka nagparamdam kahit kailan, kung saan ka na, kahit na sa isip ko ay marahil maligaya ka sa piling ni Anderson. Nabuhay ako sa paniwalang masaya ka at natupad lahat ng pangarap mo, kaya, gaya nang dalisay na pagmamahal, di ko inisip kahit kailan na gambalain ka,” pausal na sambit ni Angelo sa tila saglit na di makapagsalitang si Sameera, pagkaraang lamunin din ng alaala.

“Paano naman ako magpaparamdam ay matagal nang may asawa’t anak ka na. Bukod pa sa nababalita kong mga inunsiyami at binuntis mo rin....” sabay pulas ng tawa si Sameehra.

Napabunghalit din ng halakhak si Angelo at ilang saglit na tila nagkakatuwaan sila, hanggang mauwi sa impit na pag-iyak ang tawa ni Sameehra na dagling ikinabahala ni Angelo. Akmang tatawag ng nars si Angelo, ngunit kagyat ding napayapa si Sameera at pinigilan ito.

“Natutuwa lamang akong dumating ka,” usal ni Sameehra.  “Sana’y tahimik na at nakabuo ka na rin ng maayos na pamilya. Wala naman akong hinangad kundi ang maayos at mapanatag ka.”

May tila mapait na ngiting sumilay sa mukha ni Angelo pagkarinig sa sambit ni Sameehra. Sabay sa ngiti ay ang tila sasabog ding luha at habang marahang hinahagod ang bisig ng maysakit, marahang nagsalita na tila wala sa sarili, “Matagal na akong umalis ng bahay at buong buhay na naghahanap din ng panatag. Wala yatang ganoon. Dinaan ko na lamang sa paglikha.”

“Umalis ka rin?” bigla’y sambit ni Sameera.

“Nang mag-asawa ka kay Peter Anderson, nawala na rin ako.  Naglagalag, parang ganoon naman yata talaga. Kailangang i-romanticize mo lahat para magkaroon ng kahulugan. Kumusta nga pala ang asawa mong Amerikano? Bakit wala dito?”

Muli’y tila mapapabunghalit ng tawa si Sameera, dangan’t tila di kayanin ng katawan, kaya dinaan sa tila walang hanggang pagngiti-ngiti.

“Di naman natuloy ‘yon.  Limang buwan lamang ang tinagal namin at nilayasan ko, hanggang makarating ako dito sa New York. Di na rin naman naghabol ang kano.”

“Nilayasan mo, akala ko’y mahal mo siya. At papaano ang mga anak mo?”

May nangilid na luha sa mata ni Sameera, at ilang saglit na tahimik na nag-iiyak lamang ito.  Taimtim na nakamasid at nakabantay lamang si Angelo, inakalang baka may biglang dinaramdam ding sakit si Sameera.

“Ganoon yata ang kuwento ng buhay musikero, at marahil ng lagalag na migrante. Di ko rin maikuwentong lahat sa mga anak ko, dahil sila lang naman ang hindi lumalayo sa akin, kapiling ko lagi. Pinapaniwala ko na lamang na nawala’t sukat lahat ang mga Tatay nila. Para hindi ako iwang nag-iisa. Doon ako takot, e, kung biglang maghanap o ma-kidnap ng Tatay. Lalo dito sa Amerika. Kahit mga anak man lang, masabi mong may nagmamahal sa iyo at hindi pulos lungkot.  Kaya pinagkatago-tago ko kay Peter Anderson, at ok naman. Kahit kailan di na sila nagkita ng mga anak niya. Di ko na rin pinaalam sa kanila ang buong kuwento.”

Tila biglang lumakas at nabuhayan ng loob si Sameehra.       

“Buti lang aksidente kong nakilala ang nars mong kapatid dito. Nabasa ko lang ang middle name niya, kaparis ng apelyido mo at nag-message nga ako sa FB. Bilis mong dumating, a,” dagdag pa ni Sameehra.

Maluwang din, tulad ng lunting parang o ng bughaw na kalawakan, ang ngiting dagling pumuno sa mukha ni Angelo. Bahagyang nagtatawa pa nang sabihing, “Minsan nga noon, Sameera Anderson ang gino-goggle ko, e, Pamela, ang lumalabas, kaya di kita mahanap.”

Natuloy nga sa tahasang paghalakhak ang tawa ni Angelo, at sandaling tila bumalik sa kabataan ang dalawa.  Sansaglit na napatigil si Sameehra.

“Salamat at dumating ka. Bilis mo rin.  Noong isang linggo lamang tayo nag-chat sa FB, nandito ka agad?”

“Ibinili ako ng tiket sa eroplano ni Jenny, agad, pagkatapos magkakilala kayo. Semi-retired na rin, kaya marami akong oras....”

“A, sobrang salamat din kay Jenny.”

Ngiti lang ang tugon ni Angelo at muli’y hinagod-hagod ang palad at bisig ni Sameehra. Tila mahigpit na napisil din ni Sameehra ang palad ni Angelo, sabay usal ng, “May gusto pa akong sabihin sa iyo....”

“Kaya ako madaling pumunta rito para suporta hanggang gumaling ka....” sambit ni Angelo.

Muli’y mahigpit ang hawak ni Sameehra sa palad ni Angelo.

“Walang gumagaling sa kanser, ano,” tila kaswal na pakli ni Sameera na may malungkot na pagngiti pang kasama.

Nilamon ng sandaling katahimikan ang dalawa. Pagkaraan’y mariing nasambit ni Angelo, “Gagaling ka. Hindi puwedeng hindi. Gagaling ka....”

Muli’y bahagyang katahimikan.

“May gusto akong sabihin sa iyo kaya kita pinapunta rito....” mariing sambit ni Sameera.

“Ano ‘yon? Na mahal mo rin ako....?” Hindi mapigil ang pagtawa ni Angelo na sinundan pa ng tila pabirong sambit na, “Ang tatanda na natin, e....” Muling nagtawa.

Nakamata lamang si Sameera, seryoso, hindi mapatawa.

“Hindi ‘yon....may gusto akong sabihin...” sabay sa pagbukas ng pinto at pagbulaga ng magkakapatid na Ana at Fatima na ngayon’y kasama na rin nila ang bunso, si Karla.

Si Ana ang tila may pagmamalaki at masiglang nag-anunsiyo sa pagdating ni Karla.

“Inay, Tito, ito po si Karla. Tinawagan at pinapunta muna namin dito. Aktibista po ‘yan, nasa rally tungkol doon sa mga immigrants na pinauuwi sa kani-kanilang bansa, pero naiiwan naman ang mga kabataang anak nila doon sa bilangguan, daw.  Nagmamadaling umuwi nang malamang nandito si Tito Angelo.”

May kung anong ibang lukso ng dugo na nadama si Angelo, pagkakita kay Karla. Tumayo ito upang yakapin ang tila napipilan at hindi rin makapagsalitang dalagita. May gumuhit na ngiti at pagkabaghan sa mukha ni Sameera, na waring napipilan nang makita ang pagyakap at pagmamano ni Karla kay Angelo.  Yaon ang sandaling hinintay niya at kagyat walang atubiling isinawalat sa harap ng lahat ang lihim na buong akala ay dadalhin niya sa pagyao.

Matipid ang paglalahad ni Sameera at sa huli’y tanging nasambit, “Karla, anak.  Siya ang Tatay mo.”

Nagugulumihanang napabaling si Angelo kay Sameera. Hindi makahuma at nabigla rin pati si Ana at Fatima.

“Di ko nasabi sa iyo, Angelo. Dito ko rin lang nalaman sa Amerika, pagkaalis ng Hongkong nang huli tayong magkita.”

Hindi makahumang nakamata lamang si Angelo nang harapin ni Karla ang ina at sinundan ng matalas na tanong ang pahayag ng ina.

“Siya ang Tatay ko, ‘Nay? Tatay ko siya.”

Deretsahan ang tanong ni Karla na tila pinipigilang sumambulat ang loob.

“Patawad, anak...” sambit ni Saamera.

Hinarap ni Karla si Angelo na parang nanunuya ngunit halatang may pinipigil na tila daluyong sa loob.
“E, bakit ngayon lang. Saan ka galing? Saan  ka nagpunta?”

            Pasigaw ang tanong ni Karla at kagyat nilapitan at inalalayan nina Ana at Fatima.  Inilabas ito upang payapain. Hindi pa rin makapagsalita si Angelo, tahimik na lumapit sa tabi ni Sameera, hinahagod-hagod upang pahupain din ang marahil daluyong na iniinda nito. Papatindi na rin ang liwanag at init ng araw sa labas na tila bumweltang bigla ang Tag-init sa gitna ng kasagsagan ngTaglagas.

No comments:

Post a Comment