ANG MAKATA SA PAKIKIBAKA
- NONI V. QUEANO/27November2010
“The guerilla is like a poet.”
-Jose Ma. Sison
Palagi’y kasama ko ang makata
Na tulad ng hangi’y bubugso ng tula
Upang pahupain ang tindi ng araw,
Kahit isang iglap,
Mga pangarap niya’y aking pipitasin’t
Sasamyu-samyuin
Tila ilang-ilang o sampagita,
Na pantawid-loob
Habang binabagtas ang gubat at bundok.
Bangis ng ritmo niya’y
Pansipat sa bala,
Awit ng tula niya’y likidong tutunaw,
Ng panglaw o balisa sa gabi at araw,
Sa parang at gubat
Ang metapora niya ng pakikibaka’y
Bala ng baril ko,
At pusyaw ng pag-ibig niya’y iniisip ko rin
Kung makaulayaw ang masang minahal.
Subalit kung makata’y dilag ko ring sinta,
Papangarapin kong siya’y makapiling
Kahit na sandali,
Mahagkan, mayakap
At maibulong kong bukas paglisan ko’y
Di ako yayao, di magpapaalam,
Tulad ng baril ko at ng kanyang tula,
Hindi matatapos ang paghahanapan.
No comments:
Post a Comment