APATNAPU’T TATLONG PUSO
(Alay sa Morong 43)
-- Nonilon V. Queano/6Nobyembre2010
Hindi naman mabigat na unawaing mabilanggo
Ang maysala,
Hindi.
Hindi sana iindahin ang parusa
Kung may dapat pagbayaran,
Bagkus, puso’y magtitika’t
Ligayang mapapanatag pagkaraan.
Ngunit yao’y okasyon ng pagsisilbi at paglingap,
Apatnapu’t tatlong pusong nag-alay ng kalinga:
Mga doktor, narses, tagaluwal ng sanggol
Na isang araw ay dumalaw sa mga kapuspalad,
Pinagbuklod ng adhikang makatulong,
May hatid na panlunas sa maysakit na mahirap
Kaya’t nang lusubin ng sambatalyong sundalo’t
Paratangang tagalabas;
Nang hinuli’t piniringan,
Pati dampang pahingahan ng apatnapu’t tatlong puso’y
Nagtatakang napamaang,
Bugso ng hangin’y huminto sa paghihip,
At kalupaa’y natigagal,
Tila hindi maniwalang
Silang nagbibigay-lunas at nag-alay sa mahihirap
Pinosasan, kinaladkad masahol pa sa kriminal,
Inabuso’t kulang na lang na bistayin sa bala ng mga hunghang.
Hindi sana iindahin ng apatnapu’t tatlong puso
(Dalawa sa kanila’y inabutan pa ng pagluwal
Ng kanilang sanggol sa kulungan),
Kung hindi lamang nalabag ang batas ng tama at kamalian:
Papaanong nagpipista ang kriminal
At mga pusong naglingkod sa maysakit na hikahos
Ngayo’y pinaparusahan.
Hindi naman mahirap na maunawa
Kahit na ng taong mangmang.
Kung ang bayan'y bumalikwas at kamao'y mangagliyab,
Upang ituwid ang mali at ikalat ang liwanag,
Kagaya ng sagitsit ng nagsusungit na panahon
O di maampat na kampana kapag langit ay luhaan
Para sa apatnapu’t tatlong pusong matatapat at dalisay,
Ang paglaban’y walang patid hanggang laya’y masilayan.
No comments:
Post a Comment