Monday, March 21, 2011

SA ALAALA NG MGA BIKTIMA NG TSUNAMI AT LINDOL SA JAPAN

SA ALAALA NG MGA BIKTIMA NG LINDOL AT TSUNAMI SA JAPAN
- NONILON V QUEANO/ 21Marso2011

Sa kasamaang-palad
Ang daigdig ay hindi tulang
Inuuyayi sa puso
Kapag lumilindol
O may tsunaming sasagupa:
Hindi sumasayaw ang lupa,
O kumukutitap na tila lasing ang langit,
O umaatungal ang dalampasigan
Dahil lamang sa lungkot at pag-iisa;
Ang mga bahay na yaon
(Kahit turingang pugad ng pag-ibig)
Ay sinawaling bubog at bato rin;
Mga gusaling kay tayog
(Na pahingahan, bangko,
Sanlaan, pagawaan):
Buhangin, semento’t bakal din lamang;
At ay! hinagpis ng langit,
Mga mina’t plantang nuklyar,
(Na di maaaring panustos-gatong
Ngayon at magpakailanman),
Sadyang walang pakialam kung, sa pagsabog,
Patayin ng singaw nito ang lahat lahat,
Pati pangarap, lunggati’t pag-aasam,
Tula, awit, larawan,
Mga alaala’t pagmamahal.
Takda yaon ng kalikasan:
Ang pagkagawak ng lupa,
Pagligwak ng dagat,
Pagguho’t pagkalunod ng maaanuran.
Papaano magiging tula
Kung hatid ay kamatayan?

Ngunit totoo ring tayo’y di mabanaag na batik
Lamang sa liit,
Kudlit sa katiting na espasyong
May buhay na hamak maliit pa sa sindi’t patay
Ng kandila sa iglap
Na binabayo ng unos ang gabi.
Sa maliit na sandaling ito,
Sa sasang-iglap kong buhay,
Hindi mangyayari sa panahon ko
O ninuman,
Saanman, kailanman
Na maglaho ang mundo

Kaya’t hahanapin ko pa rin ang tula
Kung saan may puso,
Kahit sa takot at pighati,
Pag-iisa’t kawalan ng  sinalanta.
Lilikumin ko
Ang mga pangarap at pagmamahal,
At walang humpay na lalabanan
Ang pangwawasak
At libong higit na mapamuksa sa lindol o tsunami man,
Na pananalakay ng imperyalistang
Mga ganid at gahaman,
Kahit sa kabilang ibayo ng mundo,
Kahit na batik lang ako,
At buhay ay iglap lamang.

No comments:

Post a Comment