Thursday, August 27, 2020

ANG BANGKAY
(Dulang May Isang Yugto\
   -Nonilon V. Queano/All rights reserved.
 
                                                            MGA TAUHAN
 
                                                FIDELA (Elang), 38, asawa ni AGUSTO
                                                AGUSTO (Usting), 39
                                                GODO, 17, anak nila
                                                DENCIA, 40, asawa ni IPE
                                                IPE, 42
                                                ISYO, 51, pulubing bulag
                                                VALDEZ, 50, guwardiya
                                                DELIO, 17
 
TAGPO
 
Sa tirahan nina AGUSTO (USTING) at FIDELA (ELANG) na  nakatayo sa bungad ng isang lumang gusali na dating ginamit na pamilihang-bayan.  May tabing na yero ang parisukat na tirahan.  Sa likuran ay ang pintuang patungo sa loob ng palengke na magkaminsan ay ginagamit ding silid ng mag-anak.  May isang bangkong kahoy sa may harap at dalawang bangkito sa kaliwang sulok.  Sinapnan ng mga kahong karton ang sementadong sahig upang pananggalang sa lamig. Sa kahangga ng tirahan, kanang bahagi, mababanaag ang mga stalls na dating ginamit ng mga lumisang tindera sa palengke.  Ang buong gusali’y napapaligiran rin ng lansangan o kalsada bagaman ang mga ito’y hindi gaano ng nadadaanan ng sasakyan, laluna ngayong ang palengke’y hindi na ginagamit.
 
                                                PANAHON
 
Kasasapit ng gabi.
 
(Pagbukas ng tabing, makikita si GODO na  nakaupo sa bangko at naglililok ng isang krus na kahoy.  Gulanit at marusing ang kanyang suot.  Makailang-saglit, lalabas si FIDELA mula sa loob ng gusali na kinalalagyan ng burol ng bangkay ni LANDO.)
 
FIDELA:  Godo?  Wala pa ba ang itay mo, ha?
 
GODO (hindi tutunghay):  Wala pa po.
 
FIDELA:  Bakit kaya nababalam si Usting? Baka maubusan tayo ng kandila, a.
 
(Hindi sasagot si GODO.  Ipagpapatuloy lamang ang ginagawa.  Patakang babalingan siya ni FIDELA.)
 
    O, Ano bang ginagawa  mo riyan?
 
GODO:  Krus po.
 
FIDELA:  Krus?
 
GODO:  Ni wala ho tayong altar sa loob, e.  Ititirik ko sa ulunan ng kuya.
 
FIDELA:  A....
 
            (Balisang tatanaw sa lansangan.)
 
      Mabuti’t may nakuha kang kahoy?
 
GODO:  Sinira ko ho ‘yong isang papag diyan sa loob.
 
FIDELA:  Huwag kang kung anu-anong sinisira diyan at baka makita ka ni Valdez.  Alam mo naman ‘yon. Sobrang bagsik.
 
GODO:  Nanggaling ho siya rito kanina, a.
 
FIDELA (maglilinis ng sahig):  Bakit daw?
 
GODO:  Pinapalayas ho tayo.  Malapit na raw gibain itong gusali.
 
FIDELA:  Hindi mo sinabing nakaburol ang  kapatid mo sa loob?
 
GODO:  Lalo pa nga hong nagalit, e.  Sa lahat ba raw ho naman ng lugal, dito pa tayo magbuburol ng patay.
 
FIDELA:  Hayop niya!
 
GODO:  Inay, totoo nga po bang espiya raw ang taong yaon?
 
FIDELA:  Espiyang papaano?
 
GODO:  Espiya ho ng sundalo.  Siya raw ho ang natuturo sa mga aktibista at ilang  mga tindera ritong sumasama sa mga rally noong araw.
 
FIDELA:  Paano mo naman nalaman?
 
GODO:  Sinasabi ho ng kuya Lando noon pa.  May suspetsa nga siyang kaya siya nakulong noon ay kagagawan ni Valdez.
 
FIDELA:  Aywan ko.  Basta ang alam ko, matandang guwardiya ‘yan dito mula pa noong hindi pa man tayo dito lumilipat.
 
GODO:  Ang ipinagtataka ko ho sa taong ‘yon ay kung saan saan ko nakikita.  Kahit ba naman sa Binondo na istambayan ng Kuya Lando noon ay nagpapanagbo kami.
 
FIDELA:  Baka naman nadestino lamang do’n.  Alam mo naman ang trabaho ng mga guwardiya.
 
GODO:  Ewan ko ba, inay. Kung minsan, pakiramdam ko’y sa akin nakasubaybay, e.
 
FIDELA:  Basta ba wala kang ginagawang kasalanan....
 
GODO:  A, huwag niya akong masyadong aasarin at hindi ko siya igagalang kahit matanda na siya.
 
(Tatapunan lamang siya ng nababahalang tingin  ni FIDELA.  Tatayo si GODO at pag-aaralan ang kanyang ginawang krus. Pagkaraa’y muling babalik sa ina.)
 
      Inay, saan ninyo naitago ‘yong panyong pula ng kuya?
 
FIDELA:  Nasa kasama ng mga damit sa loob.  Bakit ba?
 
GODO:  Naalaala ko lang ho.  Sabi ng kuya Lando noon, kung mamamatay siya, itali lamang sa kanyang braso ang panyo.
 
FIDELA:  Alam niyang mamamatay siya?
 
GODO:  Ewan ko po.  Basta ‘yon ang kabilin-bilinan niya sa akin.
 
            (Bitbit ang krus na papasok sa loob ngunit dagling mapapatda sa may pintuan.)
 
      Kailan ho ba ang libing sa kuya, inay?
 
FIDELA:  Aywan ko sa itay mo.  Limang libong mahigit daw ang kailangan lahat lahat ngunit limang daan pa lang ang nalilikom nating limos.
 
GODO:  Di magbayad ‘yong nakasagasa sa kanya.
 
FIDELA:  Paano ba magbabayad ‘yon ay hindi pa nahuhuli.  Nilakad nga ng itay mo sa pulisya ngayon.
 
GODO:  Aba, pambihira!  Maari bang makatakas ‘yon nang gayon gayon na lamang?
 
FIDELA:  Sana nga’y nahuli na.
 
GODO (anyong papasok sa loob):  Hu, talagang nakakapagngitngit nang lubha.  Gusto ko sanang iyakan ang kamatayan ni Kuya Lando ngunit mas matindi sa akin ang galit.
 
(Papasok sa loob.  Mag-iilaw ng kandila si FIDELA at ilang sandaling tatanw-tanaw na balisa sa labas.  Papasok si VALDEZ, may sukbit na pistol at hawak ang isang flashlight. Patatamaan ng sinag ang mukha ni FIDELA at bahagya itong mapapaurong na tila nagitlahanan.  Tuloy-tuloy na lalapit si VALDEZ sa kanya.)
 
VALDEZ:  Ano?  Nandiyan pa pala kayo?
 
FIDELA:  Nakaburol ang aking anak...
 
VALDEZ:  Aba, di ilibing  ninyo.  Maaari bang habang panahong....
 
FIDELA:  Wala kaming perang pampalibing.
 
VALDEZ:  Hindi ko problema ‘yan.  Ang problema ko’y malinis ang lugal na ito para   mapatayuan ng bagong gusali.  Pinahihirap ninyo ang aking trabaho, e.
 
(Tuloy-tuloy na papanhik at magpapalinga-linga na tila nagmamanman.  Akmang bubuksan ang pintuan sa loob.)
 
FIDELA:  Saan ka pupunta?
 
VALDEZ:  Siguro’y niloloko ninyo ako, ano?  Baka kung anong itinatago ninyo rito.
 
(Papasok sa loob na hawak-hawak ang ilong ngunit kagyat ding mapapasugod papalabas na  tila maduduwal sabay sarado sa pinto.)
 
VALDEZ (habang dumuduwal sa isang tabi)  Lintik!  Ilang araw na bang nakaburol ‘yan diyan?
 
FIDELA:  Dalawa.
 
            (Susungaw sa pintuan si GODO na waring nabigla.)
 
VALDEZ:  Asus!  At maghihintay pa yata kayo hanggang ‘yan ay inuuod na at umaalingasaw sa buong siyudad!
 
FIDELA:  Wala nga kaming pampalibing, e.
 
VALDEZ:  Kundangan kasi’y paakti-aktibista pa.  Hayan ang napala!
 
GODO (sasabad):  Paano naman ninyo natiyak na namatay siya dahil sa kanyang pagiging aktibista?
 
VALDEZ:  Sinabi ko ba?  Ang sabi ko’y ganyan ang dapat sa mga wala nang maisipang gawin kundi lumikha ng gulo.  Pasagasaan.
 
GODO:  Magkukunwari pa kayo.  Kayo ang lumilikha ng gulo at pagkaraan’y ibinibintang sa kabataan.
 
VALDEZ:  Hoy, bata!  Tumigil-tigil ka riyan at baka di ko mapigil ay mabaril kita.
 
FIDELA (mamamagitan):  Huwag po, Mr. Valdez.  Maawa kayo.
 
VALDEZ:  Gago itong anak mo, e! 
 
            (Mananaog at akmang lilisan.  Muling babaling at sisigawan si GODO.)
      Hoy, bata!  Huwag na huwag kang muling magkakamali at di na kita pakukundanganan.  Tarantado ka, a.
 
            (Lalabas.  Mananatiling tahimik na magkaagapay ang mag-ina na tila natuklaw ng ahas.)
 
GODO:  Hayop!
 
FIDELA:  Ingatan mo ang iyong mga sasabihin sa susunod, anak, para hindi ka mapasubo sa gulo.  Kahit pa anong tapang mo’y wala kang laban kay Valdez.
 
GODO:  Huwag kayong mag-alaala, inay.  Inaabot lamang ako  ng pagkaasar, e.  Tingnan ninyo ang ginagawa niya.  Papasok ng bahay ng may bahay nang walang kapahi-pahintulot saka kung anu-anong pakikialaman.  Pati patay ay di na nangiming insultuhin.  Anong palagay niya sa atin?  Dahil lamang sa tayo’y dukha?  Pare-pareho lang naman tayo, e.  Nabubuhay lamang ‘yan sa pagpapaalipin sa mga matataas.
 
FIDELA:  Oo man nga, anak.  Pero hayaan mo na....
 
(Hindi na sasagot si GODO.  Saglit na  mamagitan ang katahimikan sa mag-ina.  Akmang papasok na muli si GODO sa gusali ngunit mapapatigil sa tawag ng ina.)
     
      Godo?
 
GODO:  Ho?
 
FIDELA:  Wala bang dumalaw dito kaninang wala ako?
 
GODO:  Dumating ho si Ka Isyong bulag.
 
FIDELA:  Isyong bulag?
 
GODO:  ‘Yon hong malimit maglagi sa may tulay sa Escolta.
 
FIDELA:  A... si Ka Isyo.
 
            (Uupo sa bangko.)
 
      Halika ka nga muna sa tabi ko.
 
GODO:  Bakit po?
 
FIDELA:  Wala.  Basta dito ka muna.
 
(Uupo si GODO sa tabi ng ina.  Aakbayan siya nito at sandaling tahimik na hihilig si GODO sa ina.  Pagkaraan, muling magsasalita si FIDELA.)
 
      Magkuwento ka.
 
GODO:  Magkuwento po ng ano?
 
FIDELA:  Kahit na ano.  Tungkol kay Isyong bulag.
 
GODO:  Yanong iniyak ho niya kanina.  Minsan raw, niyaya siya ng kuya na mag-inuman sa isang restowran sa Binondo.  Sa gitna ng inuman, narinig niyang nagsalita ang  kuya Lando ngunit para ba raw nag-iba ang boses.  Akala nga niya’y hindi ang kuya ang nagsasalita.  Sabi raw sa kanya, “Ka Isyo, alam n’yo kung mamatay ako ngayon o bukas, bale wala na sa akin.  Basta alam kong  nakapaglingkod ako sa kapuwa kahit papaano.  Matutuwa pa nga ako dahil tiyak na mas maganda roon kaysa rito.”  Aywan ba raw kung nagkariringgan siya pero ibang-iba raw ang boses ng Kuya, e.  Kaya nga naitanong niya pagkaraan, “Ikaw ba ‘yang nagsasalita, Lando, ha?” “Bakit po ba, Ka Isyo?  Dadalawa naman tayo rito sa mesa,” sagot daw ng Kuya.  Ipinaliwanag nga ni Ka Isyo na iba ‘yong boses na nagsalita.  Nagtawa lamang ang Kuya at sabi’y, “boses lasing na po ba, ha, Tata Isyo.”  Nagkatawanan raw sila.  Pero pagkaraan noon, anhin man raw isipin ni Ka Isyo ay hindi ang Kuya Lando ang kanyang narinig.
 
FIDELA:  Marahil noon pa’y may pangitain na ang Kuya mo, ano?
 
GODO:  Marahil nga po.
 
FIDELA:  Nagtagal ba si Ka Isyo rito?
 
GODO:  Hindi ho gaano.  Pero babalik daw siya uli at maglalamay gabi-gabi hanggang mailibing ang Kuya.
 
            (Sandaling tigil.)
 
      Noong paalis na ho si Ka Isyo, sukat hong bumulalas uli ng iyak at pahinagpis na sinabing hahanap-hanapin daw niya ang mga katas ng tubo na ipinaiinom sa kanya ng Kuya Lando tuwing umaga.
 
FIDELA:  Katas ng tubo?
GODO:  ‘Yon daw ho ang ugaling almusalin ng Kuya tuwing umaga.  ‘Yong katas ng tubong hilaw na tinda ng intsik sa Binondo.
 
FIDELA:  A, katnig ng Tatay mo ‘yon sa kanya.
 
            (Sandaling tigil)
 
      Noong isang gabing abutan ko kayong nagkakatuwaang paharap sa isa’t isa?  Natatandaan mo ‘yon?  Noong punong-puno ang bibig mo’t kamuntik ka nang mabilaukan sa pagtawa?
 
GODO:  Opo. Kasi nagkukuwento siya noon tungkol sa diyan din sa Binondo isang araw.  Naglalako siya ng pahayagan, kung ano ba namang pumasok sa isip niya at bawa’t babaeng intsik na magdaan ay binabati niya ng, “gua ay di, gua ay di.”  Yumuyukod pa raw siya nang bahagya saka uusal ng “gua ay di....”  Kasi, ‘yon daw lamang ang alam niyang salitang intsik.  E, biglang natapatan niya’y buntis pala. Napagmumura siya ng kung anu-anong wasenga, wasenga....
 
(Mapapahalakhak nang bahagya.  Magkakatawanan ang mag-ina.  Pagkaraan, muling titigil. Makakarinig ng isang huning mataginting na tulad sa ingay ng isang ibinubukas-sarang gunting.  Mapapatunghay si GODO at nababaghang makikinig.)
 
      Inay.  A- ano ‘yon?
 
FIDELA:  Alin?
 
GODO:  ‘Yong humuhuni.  Parang naggugupit ng buhok sa barberya.
 
FIDELA (makikinig rin):  Gunting-gunting.
 
GODO:  Gunting-gunting po?
 
FIDELA:  Ganyan raw pag may namamatay.  Dinadalaw ng gunting-gunting.
 
GODO:  Ano poong  itsura ng gunting-gunting?
 
FIDELA:  Hindi pa ako nakakakita pero insekto raw ‘yon.  Parang kuliglig.
 
GODO:  A, akala ko ho’y aswang.
 
FIDELA:  Sa hatingabi  lamang lumalabas ang aswang.
 
(Patuloy na maririnig ang huni.  Maghihigab si FIDELA.  Tatayo at muling tatanaw sa lansangan.)
 
      May sindi pa ba ang kandila sa loob, Godo?
 
GODO:  Opo, inay.  Pero malapit nang matigpos, e.
 
            (Tatalikod papuntang lansangan.)
 
      Maghahanap ho ako ng bulaklak.  Baka makakagawa ko ng korona para sa kuya.
 
FIDELA (tila balisa):  Saan ka hahanap ng bulaklak?
 
GODO:  Diyan sa may simbahan, inay.
 
FIDELA:  Huwag kang lalayo.  Mag-iingat ka....
 
GODO:  Opo.
 
(Lalabas.  Bahagyang ihahatid siya ng tanaw ni FIDELA. Makailang-saglit, papasok si USTING kasama ang mag-asawang IPE at DENCIA na parehong anyong limahid.  Sasalubong si FIDELA.)
 
FIDELA:  Tuloy kayo, Mareng Dencia.  Pareng Ipe.
 
DENCIA (AAKBAYAN SI fidela):  Mareng Elang, nakikiramay kami.  Kabait-bait ba namang bata ni Lando.
 
FIDELA:  Talaga yatang kapus-palad ang batang ‘yon, Mare.  Kalalabas sa Bicutan ay ‘yon, nasagasaan naman.
 
IPE:  Wala kaming kakutob-kutob na sasamain ang bata. Kung di pa kami nagpangita ni pareng Usting sa liwasan, di namin malalaman.
 
FIDELA (sa asawa):  E, Usting, nakabili ka ba ng kandila?
 
USTING (iaabot ang bitbit na balutan):  May tinapay at kape rin diyan.
 
(Kukunin ni FIDELA ang mga kandila at ilalapag ang pagkain sa bandang paminggalan.  Yayayain ang mag-asawa sa loob.)
 
FIDELA:  Pasok kayo rito.
 
(Susunod ang mag-asawa kay FIDELA.  Mananatili si USTING sa labas at ihahanay ang  pagkain sa lapag.  Makailang-saglit, papailanlang ang panangisan ng mga babae sa loob, lalo na si DENCIA.  Tila gulantang na mapapatingin si USTING sa bandang may burol.  Pagkaraan, lalabas ng silid si IPE at makikiumpok kay USTING.)
 
IPE:  Bakit nga ba nagkaganyan ang aking inaanak, ha, pare?
 
USTING:  Binuindol ng isang kotseng puti raw sa Abenida.
IPE (mapapasaltak):  Tsk. Tsk. Tsk.  Basag pati bungo.
 
USTING:  ‘Yon ba namang patpating patpatin ng katawan ni Lando.  Pagkatilapon ay nadaganan pa raw ng gulong sa katawan.
 
IPE:  E, ang kriminal?  Nahuli ba?
 
USTING:  ‘Yon nga ang nilakad ko sa pulisya kanina.  Wala pang ulat.  Halos ayaw akong pakinggan, e.  Alam mo naman, pag kagaya natin ang dumudulog sa kanila....
 
            (Muling maririnig ang malakas na panangis ni DENCIA sa loob.)
 
IPE: Pasensiya ka na sa asawa ko.  Ganyan umiyak ‘yan, e.  Masyadong maingay.
 
USTING:  Hindi naman.  Dalang-dala lamang ng kanyang damdamin.
 
            (Kukuha ng pagkain at aalukin si USTING.)
 
      Heto, kape ka muna.
      (Aabutin ni IPE.)
 
      Pero nakakaubos rin pala ng luha pag nagtagal, ano?
 
IPE:  A, oo.
 
USTING:  Lalo na kung naubos mo nang ikuwento ang buhay ng namatay at nakita mo ang lahat ng kanyang paghihirap, nawawala na tuloy ang iyong panghihinayang sa pagkatapos ng lahat.  Baka ikatuwa mo pa.
 
IPE:  Gaya ng maraming pulubing kilala ko, natutuwa pa pag binawian ng buhay ang kanilang mga anak.
 
USTING:  Hindi naman ‘yon ang ibig kong sabihin.  Wala namang katuwiran ‘yon.
 
IPE:  Bakit?  Sa buhay ba ng pulubi, may makikita ka pang katuwiran?  Halimbawa, makatwiran bang itayo mo ang iyong tahanan sa bungad ng palengke o sa mga ilalim ng tulay?
 
USTING:  Tama ka.  Pero hanggang may natitirang damdamin sa tao, hindi maaaring hindi ikalungkot ang kamatayan ng isang mahal sa buhay.  Kahit pansumandali lamang.  Habang ang alaala ng paghihiwalay ay sariwa.
 
IPE:  Oo.  Mabuti nga sana kung ang mga pulubi’y matitirhan pa ng makataong damdamin.  Magugulat ka pag natuklasan mo isang araw na ang marami sa kanila’y hindi na nakadarama ng mga pangkaraniwang damdamin ng tao – ng pag-ibig, tuwa, o kalungkutan.
 
(Biglang tatamaan ang dalawa ng isang nakasisilaw na liwanag na tila galing sa headlights ng isang sasakyan.  Magngangalit na mapapasigaw si USTING at haharapin ang pinanggalingan ng liwanag.)
 
USTING:  Hoy, mga lintik kayo, a.  Patayin ninyo ‘yan!  Nakakasilaw ‘yang ilaw n’yo!  Di ba n’yo nakikita, patayin n’yo ‘yang ilaw!
 
(Papanaw ang liwanag at maririnig ang harurot ng isang kotseng papalayo.  Sandaling tigil na babasagin ng panaka-panakang pananangis ng babae sa loob.)
 
IPE:  Sino ‘yon?
 
USTING:  Di ko mahitsurahan....
 
IPE:  Ang alam ko, walang sasakyang maliligaw dito kung hindi talagang sasadyain.
 
USTING:  Hindi ko agad naisip, e.  Siya kaya ‘yong nakasagasa kay Lando?
 
(Mapapatakbo sa may gilid ng lansangan at hahanapin ang sumibad na sasakyan. Kasunod na tatanaw din si IPE at ilang sandaling nanghahaba ang leeg na magmamanman ang dalawa.)
 
May nakikita ka ba, pare?
 
IPE:  ‘Ayon!
 
USTING:  ‘Asan?
 
IPE:  ‘Yan sa kanto ng Echague.
 
USTING:  Sssssh!  Huwag kang maingay.  Subukan natin.
 
(Maingat na anyong lalapit ang dalawa sa dakong tila may humintong sasakyan.  Biglang muling haharurot ang kotse papalayo at patakbong mapapasunod ang dalawa.)
 
      Hoy!  Kriminal!  Hayop ka!
 
(Lalabas ang dalawa na anyong tinutugis ang sasakyan.  Makailang-saglit, lalabas naman ng silid sina FIDELA at DENCIA na parehong lumong-lumo.  Uupo sa bangko si DENCIA at mapapatungo na tila muling hindi mapigilan ang pag’iyak.  Idadantay ni FIDELA ang kamay sa balikat ng kaibigan at yayaing magkape.)
 
FIDELA:  Kumain muna tayo, Mare!
 
DENCIA:  Ay, naku, Mare.  Talagang hindi ko malimut-limutan ang batang ‘yon.
 
FIDELA:  Salamat, Mare.  Said na ang luha ko sa dalamhati.  Ano pa kayang magagawa natin kundi manalangin.  Halika.  Magkape ka muna.
 
DENCIA:  Sige na.  Wala akong gana.
 
FIDELA:  Baka sumakit ang tiyan mo niyan. Hindi ka pa yata nagtanghalian?
 
DENCIA:  Talagang ganito ako, pag nalulungkot.
 
FIDELA:  Magkaiba pala tayo, Mare.  Ako, wala nang maginawa kundi kumain pag inaabot ng pangungulila.
 
            (Maglalagay ng plato ng tinapay, baso ng tubig, at tasa ng kape at ilalapit kay DENCIA.           
            Kakain at muling yayayain si DENCIA.)
 
      Ito.
 
DENCIA (mapapatda):  Lumilindol yata, Mare, a.
 
            (Tila inaabot ng pagkahilong mapapahawak sa upuan.)
 
            Lumilindol?
 
FIDELA (makikiramdam):  Wala akong maramdaman. 

DENCIA (tutunghay):  Pati ‘yong mga ilaw sa poste  ro’n nauugoy, o.
 
FIDELA:  Baka nahihilo ka lamang.
 
(Magsisikap tumayo si DENCIA ngunit muling mapapaupong tutop-noo na tila mabubuwal.  Mabilis na aalalayan ni FIDELA.)
 
      Masama ba ang katawan mo, Mare?  Uminom ka kahit kaunti nitong kape, o.
 
            (Ibibigay ang hawak na tasa ng kape at sandaling iinom si DENCIA.)
 
DENCIA:  Tila umiikot ang ulo ko.
 
            (Maglalatag ng banig si FIDELA sa isang sulok.)
 
FIDELA:  Mahiga ka muna rito.  Siguro’y nagugutom ka nga.  Ayaw mong kumain, kasi.
 
(Aalalayan si DENCIA at ihahatid sa higaan.  Tatahimik at sandaling maiidlip si DENCIA. Tatanaw si FIDELA sa labas, inaaninag kung saan nagpunta sina USTING at IPE.  Papasok sina GODO at DELIO.  Taglay ni GODO ang ilang damo at bulaklak samantalang bitbit ni DELIO ang isang kalawanging timbangang bakal.)
GODO:  Inay, ang kaibigan ko, si Delio.  Doon ho siya sa pier nakatira pero nagkataong namumulot siya ng bakal diyan sa likuran.
 
FIDELA:  A... tuloy ka, Delio.  Tuloy ka.
 
DELIO (lalapitan si FIDELA at kakamayan):  Nakikiramay po ako, Aling Fidela.
 
FIDELA:  Salamat, anak.
 
DELIO (iaabot ang bitbit na kalawanging timbangan):  Wala ho akong maitulong sa inyo kundi ito.  Nahukay ko ho riyan sa may likuran ng palengke.
 
FIDELA (aabutin ang timbangan):  Naku, anak.  Salamat.  Ano ba ito?
 
DELIO:  Nakabaon po sa  putik. Siguro ho’y naiwan ng isang dating magkakarne riyan.
 
            (Ibibitin ni FIDELA ang timbangan sa isang sulok.)
 
FIDELA:  Kumusta ang mga magulang mo, Delio?
 
DELIO:  Wala po akong magulang.
 
FIDELA:  Wala kang magulang?
 
DELIO:  Namatay na po ang Nanay ko.
 
FIDELA:  E, ang Tatay mo?
 
DELIO:  Aywan ko po.  Wala po akong nagisnang Tatay, e.
 
(Anyong papasok si GODO sa loob, bitbit ang mga damo’t bulaklak ngunit mapapatda pagkamasid sa nakahimlay sa sulok.)
 
GODO (babaling sa ina):  Inay, may bisita po tayo?
 
FIDELA:  A, si Aling Dencia.  Nakatulog yata, ano?
 
GODO (kay DELIO):  Halika, Delio. Tingnan mo ang kuya ko.
 
(Papasok ang magkaibigan sa loob.  Mula sa pagmamatyag sa labas, papasok sina USTING at IPE. Mapapabaling at sasalubong si FIDELA.)
 
FIDELA (kay USTING):  O, saan kayo...?
 
USTING:  Hindi namin inabot.  Pero tiyak ko, ‘yon ‘yong kriminal.  Ha’an mo.  Oras na maligaw uli rito, magbabantay tayo at tiyak wala nang kawala.
FIDELA:  Ano ‘kamo?
 
USTING:  ‘Yong sumagasa kay Lando.  Boiglang sumulpot diyan kanina at pinasinagan kami ng ilaw.
 
FIDELA:  Susmaryosep!
 
USTING:  Anong Susmaryosep?
 
FIDELA:  Ngayon ko lang naisip.  Kamakatlo o kamakapat ganyang-ganyan din ang nangyari.  Nakatayo kami ni Lando rito nang may biglang may humintong sasakyan diyan sa harap.  Sa simula, walang ilaw ngunit nang matapat na sa amin, biglang binuhay at sinilaw kami sa sinag.  Pinagsabihan sila ni Lando at akmang lalapitan nang biglang sumibad papalayo.  Saglit na sinundan-sundan ng tanaw ni Lando diyan sa labas.  Akala ko naman’y kung sino lamang napadpad diyan sa harap natin kaya hindi ko gaanong pinansin.
 
USTING:  Kung gayo’y siya nga ang may pakana ng lahat.  Hindi aksidente lamang ang nangyari.
 
FIDELA:  Tumawag ka ng pulis.
 
USTING:  Para ano?
 
FIDELA:  Para hindi tayo gambalaing  muli ng mga iyon.  Paano kung mamaya’t biglang sumulpot na naman diyan?
 
USTING:  Akala mo ba’y poprotektahan tayo ng pulis?  Baka arestuhin pa tayong lahat dito.
 
FIDELA:  Hindi namna siguro.  Saka namatay ang ating anak.  Tungkulin nilang hulihin ang pumatay sa kanya.  Papaano kung guluhin na naman tayo ng mga ‘yon?
 
USTING:  Kaya nga ako ang haharap sa kanila.
 
FIDELA:  Hindi maaari ang ganyan.  Anong magagawa mo?
 
USTING:  Maaari bang hindi maaari.  Basta tumigil ka riyan.  Ako ang bahala.
 
            (Lalabas ng silid sina GODO at DELIO at saglit mapapatigil ang mag-asawa.)
 
GODO:  Inay, itay.  Tingnan ninyo.  Nilagyan ko ng mga bulaklak ang palligid ng burol ni Kuya.
 
USING:  Hoy, Godo.  Nandiyan ka na pala.
 
GODO:  Kilala ninyo si Delio, Itay?
 
USTING:  Oo.  Hindi ba kasama mo siya sa Sta. Ana no’n?  Kumusta na ba ang kuya mo?
            (Sunod-sunod na magsisipasok na muli sa silid ang tatlo.  Akmang susunod rin si                       
            FIDELA ngunit mapapatigil pagkarinig kay IPE.)
 
IPE (sa may paanan ni DENCIA):  A, nakatulog pala itong si Dencia, a.
 
FIDELA:  Oo. Nahilo yata kanina.  Mayroon nga palang kape’t tinapay riyan, pare.  Bahala na kayo.
 
IPE:  Oo, mare.
 
(Papasok sa loob si FIDELA.  Pupulot ng pagkain si IPE.  Makailang-saglit, magpapawala ng isang  makapanindig-balahibong pagdaing-daing si DENCIA na ikagugulantang ni IPE._
 
DENCIA (alumpihit):  Ooooo... !
 
            (Dadalo si IPE.)
 
IPE:  Dencia?  Dencia?  Hoy, aba’y ano ang nangyayari sa iyo?
(Patuloy ang pag-ungol at pagdaing ni DENCIA.  Yuyugyugin at gigisingin ni IPE ang asawa.)
 
      Dencia! Gising, hoy!  Napapaano ka?  anggang ditoHHbhhhHHHHhhh Binabangungot ka?
 
(Matatauhan si DENCIA at anyong tatayo sabay palis sa asawang nasa harapan niya saka lilingid ang paningin na tila may hinahanap.)
 
IPE:  Bakit?  Ano ýon?
 
DENCIA:  Umalis na ba?
 
IPE:  Anong... Binanbangungot ka.
 
(Babalikwas si DENCIA at aalalayan at iuupo ni IPE sa bangko .  Tila ganap na malilinawan si DENCIA.  Aabutan ni IPE ng tasang kape at tinapay.  Sandaling payapang kakain si DENCIA.)
 
      Kahit saan ka matulog, ano?
 
DENCIA:  Ano?
 
IPE:  Hindi ka hiwalayan ng mga bangungot mo.
 
DENCIA:  Napangarap ko na may pagkalalaking puting tao diyan at balak nakawin ang bangkay ni Lando.  Hinarang natin pero wala tayong nagawa.  Ubod ng lakas ang tao.  Hinataw ko sa ulo at tuloy-tuloy na pumasok sa loob.  Nang ako’y humadlang sa pintuan, tinabig lamang ako ng kanyang tila bakal na kamay.  Saka pasan-pasan niyan itinatakas ang katawan ni Lando.  Nang gisingin mo ako’y muli tayong nakikipaglaban sa puting tao at pinipilit na pigilang makuha ang bangkay.
 
IPE:  Hu, malakas na lubha ‘yang pagka-nerbiyosa mo, e.  Kaya ka ganyan.
 
DENCIA (mapapakislot):  Ano nga kaya’t...  baka nawala na nga ang bangkay, a.
 
IPE: Hu...naloloka ka na ba?
 
DENCIA:  E, nasaan sila?
 
IPE:  Nandoon sa loob at pinagyayaman ang burol.
 
            (Susngaw si USTING sa pintuan at tatawag.)
 
USTING:  Pareng Ipe, Mare.  Tingnan ninyo ang ginawa ng aming anak.  Pinalamutihan ng bulaklak ang katawan ni Lando.
 
(Susunod ang mag-asawa sa loob. Sandaling katahimikan.  Papasok si ISYONG BULAG, may taglay na gitara’t silindro.  Mangangapa ng daan habang hinahanap ang paakyat sa tirahan nina USTING at FIDELA.  Magtatawag.)
 
ISYO (habang pumapanhik):  Ka Usting!  Aling Fidela!  Nandiyan ba kayo?  Tao po.  Tao po.
 
            (Paharap sa manonood.)
      Bakit tila walang tao?  Dito nga kaya sila nakatira?
 
            (Muling magtatawag.)
 
      Tao po!  Tao po! Pero tiyak kong dito ang kanilang bahay.
 
(Ibaba sahig ang dalang gitara, mangangapa ng upuan at lilikmo. Pagkaraan, pupulutin ang kanyang gitara at magkakanta ng isang popular na awitin.  Ilang sandaling papailanlang ang awit ni ISYO.  Magsisilabasan ang mga nasa loob.)
 
USTING (lalapit kay ISYONG BULAG):  Hoy, Ka Isyo.  Dumating na pala kayo?
 
            (Titigil sa pagtugtog si ISYO at mapapabaling.)
 
ISYO:  Ka Usting?  Aling Fidela?  Akala koý walang tao, e.
 
FIDELA:  Nasa loob po kami.
 
IPE (lalapit rin kay ISYO):  Ka Isyo, ano ba.  Kumusta?
 
ISYO:  Sino ba ito?
 
IPE:  Si Ipe po.
 
ISYO:  A, si Ipe.  O, Ipe.  Kanina ka pa ba?
 
GODO (lalapit sa may harapan ng bulag):  Magandang gabi po, Mang Isyo.
 
ISYO:  Godo?  Si Godo ka?  Nandito na naman ako.  Hindi ako matahimik, a, hanggang hindi ko nalalamang payaapa na ang kapatid mo sa libingan.  Kailan ba ang libing ni Lando, ka Usting?
 
USTING:  ‘Yon nga po ang problema, e.
 
GODO:  E, itay?  Kailan nga po ba ang libing sa kuya?
 
USTING:  Ha, e, ewan ko ba.  Bahala na.  Maghihintay tayo.  Baka may maaawang tumulong.  Lumapit na ako sa DSWD.  May pupunta raw dito.  Saka kung mahuhuli ang nakasagasa sa kuya mo, tiyak na magbabayad ‘yon.
 
DELIO:  Gayon din po ang nangyari nang mamatay ang inay ko.  Halos naka-sanlinggong  nakaburol sa aming tirahan bago ang tulong.
 
USTING:  Delio, marami na akong naringgan ng kuwentong ganyan sa mga katulad natin.  Kaya naman sinisikap kong mabigyan ng magandang libing man lamang si Lando.  Dalawang araw na ngayong wala akong ginawa kundi maghanap ng delihensiya.  Mabuti sana noong dito pa ang pamilihang bayan.  Marami tayong kakilalalang tindera riyan na tiyak na dadamay.  Pero ngayon, pati ‘yong mga kakilala natin’y hindi ko matunton kung saan nangapadpad.  Siguro bukas….
 
ISYO:  Kung sasapat itong mga instrumento ko para mailibing si Lando ay ibibigay ko.
 
USTING: Bayaan na ninyo, ka Isyo.  Saka hindi rin magkakasya, e, dahil mga limang libo raw ang kailangan.
 
(Dagling puputulin ang usapan ng pag-usal-usal ni DENCIA ng, “Lumayas ka, masamang espiritu, lumayas ka, masamang espiritu,” habang lumiligid sa lugal at iminumuwestra ang kamay nang pa-krus na animo’y nagtataboy ng kung ano.  Matitigagal na pagmamasdan siya ng lahat.)
 
IPE (sa asawa):  Ano’ng ginagawa  mo?
 
DENCIA:  Sssssss!  Huwag kang maingay.  May aali-aligid na masamang espiritu riyan sa labas. Mare?  Mareng Fidela?
FIDELA: Bakit, Mare?
 
DENCIA:  Wala ka bang benditadong palaspas o agua bendita riyan?
 
FIDELA:  Wala, mare.  Ano ba ‘yon?
 
DENCIA:  Kahit na benditadong krus o santo rosario?
 
FIDELA:  A, may santo rosario sa loob.
 
            (Tutungo sa loob.)
 
DENCIA (mapapatunghay sa labas):  Hayan!
 
(Muling liligid sa lugal habang umuusal-usal ng “Lumayas ka, masamang espiritu, lumayas ka, masamang espirity,” at tila kasunod-sunod na itinataboy ang di nakikitang itinataboy na kausap.  Sandaling magmamasid ang iba pa.  Lalabas si FIDELA, taglay ang isang rosaryo.)
 
FIDELA (iaabot ang rosaryo kay DENCIA):  Heto, mare!
 
(Kukunin ni DENCIA ang rosaryo at itataas habang pikit ang matang tila umuusal ng panalangin.  Patuloy na susundan ang umaaligid na espiritu.  Itataboy hanggang makababa ng bahay.  Pagkaraan’y uusal ng panalangin.)
 
DENCIA:  Ipag-adya mo po ang kaluluwa ng namatay at lahat ng naglalamay ngayon sa dilang masasama.  Amen.
 
            (Haharap sa nangatigagal na kasamahan.)
 
      Napalayas ko na.  Tiyak kong hindi na tayo muling gagambalain noon.
 
ISYO:  ‘Yon siguro ang naririnig kong siyap nang siyap sa itaas kaninang dumating ako.  Mabuti na lamang at mayroon tayong kasamang espiritista.  Mahirap daw kalabanin  ang mga ganyan.  Kung anu-anong pananakit ang ginagawa sa tao. May narinig na akong kinabayo sa likod at sinakal hanggang halos tumirik ang mata.
 
IPE:  Baka mismong multo ng namatay ang sumakal.  Siguro’y may atraso o ano?
 
ISYO:  Walang makapagsabi.  Basta ang tiyak ay salbahe ‘yang masamang espiritu.  May sa demonyo….
 
DENCIA (kay FIDELA):  Mareng Fidela:  Samahan mo akong magdasal ng santo rosaryo sa loob.  Para tiyak na ligtas sa diyablo.
 
FIDELA:  Aba, oo, mare.   Halika.
GODO (yayayain si DELIO):  Maglalakad-lakad ho muna kami ni Delio sandali.
 
FIDELA (sa anak):  Godo, huwag kang lalabas.
 
GODO:  Bakit po, inay?
 
FIDELA:  Basta huwag ka munang lalabas ngayong gabi.
 
GODO:  Para namang hindi kayo sanay, a.  Gabi-gabi’y nawawala ako….
 
FIDELA:  Oo.  Pero hindi ngayon.
 
GODO:  Diyan lang ho kami sa kalapit, inay.  Maghahalungkat kami ng bote’t bakal sandali sa paligid. Baka  may kasama pa ‘yong timbangang napulot ni Delio…
 
FIDELA:  O, siya.  Kung diyan lang sa kalapit.  Pero, mag-iingat kayong mabuti.  Naku….
 
(Papasok sa may burol sina DENCIA at FIDELA sa may burol.) 
 
USTING (kay GODO):  Huwag kayong kalalayo, Godo.  At uwi agad, lumalalim na ang gabi….
 
GODO:  Opo, itay.
 
(Mananaog ng bahay sina GODO at DELIO. Sandaling katahimikan.)
 
USTING (tila sasagilahan ng pagkabalisa) :  Nalulungkot ako, a.  Bakit kaya?
 
            (Magtitigis ng tatlong tasang kape.)
 
      Ngayon lamang ako nakaramdam ng ganitong kalungkutan.  Tumugtog ka nga, Ka Isyo.
 
(Hihihip ng maikling nota sa silindro si ISYO ngunit puputulin ang kanyang pagtugtog ng isang malakas na busina ng sasakyan mula sa kung saan.  Kagyat na mapapatakbo si USTING sa lansangan.)
 
USTING:  Sige, magpakita ka sa akin! Subukan mong magpakita sa ‘kin!
 
            (Walang matatanaw kaya’t  muling papanhik.)
 
IPE:  Bakit, pareng Usting?
 
USTING:  Akala ko’y bumalik ang diyablo, e.
 
            (Muling tutugtog nang mahina si ISYO.)
 
Wala ka bang napupunang tila paligid-ligid na anino diyan sa labas, pareng Ipe?
 
IPE:  Wala, a.  Bakit ba, pare?
 
USTING:  Aywan ko.  Pero pakiramdam ko kanina pa’y para bang may nagmamanman sa atin.  Tila nakabantay sa lahat ng ating ginagawa.
 
IPE:  Hindi kaya guniguni mo lamang?
 
USTING:  Kanina ko pa nararamdaman ito, e.  Hindi espiritu ang itinataboy ni Mareng Dencia kundi tao.  Nasa isang sulok siya ng gusali at nakatunghay sa atin.
 
IPE:  Siguro may balak magnakaw?
 
            (Magtatawa.  Makakarinig ng tila ngsasagutang paswit sa labas.  Mapapatigil si ISYO.)
 
ISYO:  Usting. Ipe.  Wala ba kayong naririnig?
 
USTING:  Bakit po?
 
ISYO:  Parang may kakaibang huni na sumalit sa aking silindro.
 
IPE:  Baka naman hihip ng hangin.  Lumalalim na kasi ang gabi kaya munting kalasti lamang, akala mo’y kung ano na.  Saka ano namang pag-iinteresan nila sa atin?
 
            (Tatayo si USTING sa may harap at sisigaw.)
 
USTING:  Hoy, sino ka mang nandiyan sa labas.  Magpakita ka!  Alam naming nandiyan ka’t nagmamanman.  Naduduwag ka bang humarap sa amin?  Tao ka nga ba o aswang na nagbabantay sa paglilibing sa aking anak?  Hoy, lumabas ka riyan…!
 
            (Sandaling katahimikan.  Babalik sa umpukan si USTING.)
 
ISYO:  Usting?
 
USTING:  Bakit, ka Isyo?
 
ISYO:  No’ng makulong si Lando, natagalan ba siya sa istakeyd?
 
USTING:  Mga isang taong mahigit din.  Pinagsuspetsahang inorganisa raw ang mga tindera rito sa palengke natin.  Hindi ko rin ganap na maunawaan kung ano ang ginagawa niya.  Pero pinahirapan siya nang husto ng mga umaresto sa kanya.  Binugbog daw siya.  Inilipat sa kung saan-saang kulungan at kung anu-anong mga pananakit ang ginawa sa kanya.  Kaya nang lumabas, lalong nanghina ang mahina na niyang katawan.  Buto’t balat siya noon.  Nakainitan pa nga raw siya ng isang sarhento sa loob kaya kamunti nang hindi siya palayain.
 
ISYO:  Noong bago siya maaksidente, palaging nakabuntot sa akin ‘yan.  Takot lumakad nang mag-isa.
 
IPE:  Ang natatandaan ko, ka Isyo, ay noong namataan nating kasama sa rali sa Mendiola.  Mayo uno yata ‘yon.
 
USTING:  Talagang mahilig ang batang ‘yan sa mga gano’n, e.
 
(Tila humahangos na lalabas sina FIDELA at DENCIA mula sa pananalangin nila sa may burol.)
 
FIDELA (magtatawag):  Usting!  Usting!
 
USTING:  Bakit?
 
FIDELA:  Halika dito sa loob.  Naglalagitikan ang bubong at dinding ng gusali.  Parang babagsak na kung paano, a….
 
USTING:  Ano’ng babagsak….?
 
(Mapuputol ang sasabihin ni USTING, pagkamasid kay GODO na tumatakbong pabalik sa tirahan.)
 
GODO (habang tumatakbong papalapit):  Itay!  Itay…!
 
(Patatamaan ng matingkad na lente o flashlight si GODO habang tumatakbo papalapit sa bahay.  Sabay sa paglapit niya sa may pagpanhik ay makakarinig ng isang nakatutulig na putok at mahahandusay.  Dadalo sina USTING at FIDELA sa bumulagtang anak.)
 
FIDELA (kakandungin ang anak):  Godo, anak…!
 
(Tigagal na mapapatayo si USTING sa tabi ng mag-ina habang lalapit na nakapalibot ang iba pa.  Ang buong tagpo’y patatamaan ng matinding liwanag.  Mapapako ang lahat sa pagkakatayo hanggang magdilim.)   
 
                                                            (TABING)

No comments:

Post a Comment