HAWLA
(Dulang may isang
yugto)
-Ni Nonilon V.
Queano
MGA TAUHAN:
ANONG, edad 36
DULCE, 36
MARING, 35
MANDO, 50
ELA, 46
LAURA, 14
LUPO, 11
TOTOY, 8
DODI, 5
DON DOMINIKO, 62
BADIGARD NI DON DOMINIKO
MGA ISKUWATER
MGA DEMONSTRADOR
TAGPO:
Magaganap ang dula sa dalawang daigdig:
ang aktuwal at pangkasalukuyan at ang gunita o mala-ilusyong habi sa
isipan ng pangunahing tauhan. Sa kasalukuyan, mangyayari ang aksiyon sa isang
estasyon ng tren, makalabas ng lunsod.
Gawing kaliwa, matatanaw ang isang ulilang kubo na napapaligiran ng
talahiban. Sa malayo, ang kalansay ng isang itinatayong pabrika. Nagkalat ang
labi ng pinagbabaklas na mga barung-barong at kubo sa paanan nito. Sa malayong-malayo pa, nanganganinag ang mga
umuusok na tuktok ng kung anu-anong pabrika.
Ang dula sa isipan ng tauhan ay
mangyayari naman sa tuktok ng isang tila namamanaag na burol. Nakatayo sa gitna nito ang isang upuang yari
sa kawayan. May balangkas ng riles ng
tren sa may kanang gilid. Sa kaliwang
gilid, may hiwatig o anag-ag ng isang giray na bakod na bumubulusok tila
patungo sa kawalan.
PANAHON:
Hapon
Papasok ang ilang iskuwater
at kabataang nagdedemonstrasyon – ang ilan, may taglay na plakard na
nagpapahayag-protesta, tulad ng, “Ibagsak ang Imperyalismo!,” ““Hustisya sa
mahihirap at pinagsasamantalahan!” atbp. Sandaling sigawan ng mga hinaing at
ipinaglalaban. Pagkaraan, papasok si
MARING, mula sa kabilang bahagi ng entablado, nakadamit ng may puti, pula, at
bughaw na kulay. Sandaling mapapatigil
at magmamatyag ang mga demonstrador. Magpapaligid-ligid si MARING na tila may
hinahanap. Lalapitan siya ng isa sa mga demonstrador.
MARING (bahagyang lilingap): Hinahanap ko ang aking mga anak…. Nakita ba n’yo?
(Magdidilim. Sa muling pagliliwanag, papasok ang mga iskuwater
na nagkakaingay – mula sa tila kung saang mundo ng gunita’t alaala. Pagkaraan, maririnig ang paghimpil ng isang
sasakyan. Papasok si DON DOMINIKO,
kaantabay ang dalawang badigard. Haharapin at pagsasabihan ang mga iskuwarter.)
DON DOMINIKO: Hanggang ngayon ba’y nandito pa kayo? Lampas na kayo sa taning. Dali- dalian ninyo ang paglikas at naabala ang
konstruksiyon. Hindi ba kayo marunong
umintindi?
ISKUWATER 1: Limampung taon na kami rito. Anong karapatan ninyong palayasin kami?
DON DOMINIKO: May titulo ba kayo?
ISKUWATER
1: Titulo? Dito kami ipinanganak. Dito nagkangmamatay ang aming mga ninuno.
DON DOMINIKO: Nasa akin ang titulo ng pagmamay-ari. Ito’y akin, naiintindihan n’yo? Ngayo’y, pinalalayas ko kayo!
ISKUWATER 1: Ang titulo ninyong huwad…!
DON
DOMINIKO: Aba, ang lintik na ito’t
matigas mangatwiran!
(Haharap sa MGA BADIGARD.)
Mga bata, ayusin ‘yan. Napakahirap kausapin.
MGA BADIGARD
(haharapin ang iskuwater): Ikaw ba ang
matigas? Ha? Ha…?
(Bubugbugin ng mga BADIGARD)
ISKUWATER NA BABAE (papagitan): Huwag po.
Maawa kayo. Huwag ninyong saktan
ang asawa ko.
(Sasaklolo ang ilang kasamahang iskuwater ngunit , uumangan ng baril,
at patuloy ang pambubugbog.)
Diyos ko, Pepe. Pepe!!!
(Magpapatuloy ang pambubugbog ngunit pagkaraan, muling magsasalita si DON DOMINIKO.)
DON DOMINIKO: Magtatanda na ‘yan. Bibigyan ko kayo ng isa pang linggo para
lumisan. Kung maabutan ko kayong muli
pagbalik ko, kasamang matutupok ng mga talahiban ang inyong mga kubo. Mga hampaslupa!
(Lalabas
sina DON DOMINIKO at mga Badigard nito.)
ISKUWATER 3: May araw din ang mga hayop na
‘yan.
ISKUWATER 4: Matapang lang dahil may
armas.
ISKUWATER 2: Saan kaya tayo tutungo ngayon?
(Magsisilabasan habang nagbabalangkas ng kani-kanilang hakbang at
patutunguhan. Unti-unting mapapawi ang
kaingayan. Aawitin ang temang himig ng
dula habang unti-unting nagliliwanag ang entablado at mahahantad ang estasyon
ng tren. Papasok si ANONG, nakasambalilong
balanggot, mula sa di kalayuang gubat katabi ng itinatayong pabrika, sukbit ang
kaluban ng itak sa tagiliran, may bitbit na piko at pasan ang ilang piraso ng
kahoy na panggatong. Tutungo malapit sa
estasyon ng tren. Sandaling mauupo na tila inabot ng pagkapagal. Papasok ang
tatlong batang may taglay na mga patpat – magtataguan, magsusubukan, at
magbabaril-barilan. Babalingan ni ANONG
ang mga bata.)
ANONG:
Totoy!
TOTOY (magugulat): Itay!
(Maglalapitan
ang mga bata.)
LUPO:
Nandiyan pala kayo.
ANONG:
Ang Nanay n’yo.?
TOTOY:
Umalis ho.
ANONG:
Ha? Sa… saan nagpunta?
LUPO: Ewan ho namin. Basta lumabas.
ANONG:
Bakit ninyo pinabayaan?
TOTOY:
Hindi ho namin napansin.
DODI:
Naglalaro ho kami sa may gusali.
ANONG: Anong naglalaro sa… Hindi ba sinabi
ko sa inyong huwag kayong makalapit-lapit doon at baka kayo mabagsakan ng bato?
TOTOY:
Ang kuya ho, e.
LUPO:
Anong ang kuya?
DODI:
Ikaw naman talaga ang nagyaya, e.
(Tatahimik si LUPO at mapapatungo.)
LUPO (tutunghay na tila maiiyak): Wala ho kaming mapaglaruan. Nakakainip sa atin.
DODI:
Saan nagpunta ang mga kalaro namin, itay? Sina Pol, si Nilo, si Ana, si Neneng….
TOTOY:
Hindi ho ba sila babalik?
ANONG (matitigilan): A… hindi na.
Giba na ang kanilang bahay. Saan
pa sila titira?
TOTOY: Bakit di pa tayo umalis na rin,
itay?
LUPO:
Buti pa nga ho. Hanapin natin
sila.
DODI:
Napapanglaw dito sa atin.
ANONG (hihimas-himasin ang ulo ng mga
bata.) : Oo. Pero… saan ba tayo tutungo?
(Sandaling
tigil.)
TOTOY:
Saan kaya nagpunta ang inay, itay?
ANONG:
Nandiyan lang ‘yan. Ang Ate Laura
n’yo? Nakauwi na ba?
(Aakbayan
ang mga bata.)
Sige
na. Doon na kayo maglaro sa tabing
bahay. Bantayan ninyo ang inyong inay.
(Malakas-lakas
ang boses.)
Huwag
kayong lalapit sa gusali.
ANG TATLO:
Opo.
(Akmang
lalabas ang mga bata. Mapapabaling si
ANONG at tatawagin ang panganay na
Tila
may naalaala.
ANONG:
Lupo!
LUPO:
Po?
ANONG:
Huwag mong kalilimutang pandawin ang mga bitag bago dumilim.
LUPO:
Opo.
ANONG:
Nandiyan ‘yong mga hawla sa batalan.
LUPO:
Opo.
(Lalabas ang mga bata. Maiiwang
nag-iisip si ANONG. Maririnig ang tila
papalapit na ugong ng tren at hunihan ng
nalilibo at nagliliparang mga ibon. Bahagyang liligid si ANONG na tila
tinatanaw at makikiramdam. Hahagilapin ang sombrerong balanggot at magpapaypay. Muling tatayo, tatanawin ang araw na
nakahilig na at malapit na ring lumubog sa kanluran. Pagkaraan’y hihilig at tila bahagyang
naidlip, habang lumalamlam ang liwanag habang marahang pumapailanlang ang “Awit
ni Anong.” Sandaling tigil habang inaawit ang “Awit ni Anong.”)
AWIT NI
ANONG
Saan ka
tutuloy,
Saan ka lulunsad,
Bukbuking
katawang
Naghahanap
landas?
Lulutang-lutang
ka
Na
sisinghap-singhap
Sa labi ng
dilim
Burang
pangitain’y
Gimbal na
humapon
Sa iyong
talukap.
Patay ang
liwanag
Na sa ‘yo’y
tatanglaw
Luksa ang
gunitang
Sa iyo’y
dadalaw
Sa
hampas-lagapak
Ng puthaw na
tangan
Ang bahaw na
taghoy
Ang kinig na
hiyaw
Ng apat na
sulok
Sa iyo’y
sasampal.
Saan ka
tutuloy.
Saan ka
lulunsad,
Bakit di
akyatin’y
Bundok na
mataas
At nang sa
kabila’y
Sumapit na
ganap?
( Papasok ang mag-asawang MANDO at ELA, bitbit ang mga gamit patungo sa
estasyon ng tren, upang tuluyan nang lisanin ang lugal. Ibaba ang mga bitbit na
gamit at lalapitan si ANONG na tila tuluyan ngang naidlip. Hahawakan ito sa balikat at bahagyang
yuyugyugin upang magising.)
MANDO:
Pareng Anong! Pare, ano bang kay
liwanag pa’y tila binabangungot ka na yata?
Hoy… Pareng Anong…!
(Tila
naalimpungatang mapapabalikwas si ANONG.)
ELA (nangingiting babatiin si ANONG): Ano bang nangyari kay Ka Anong at dini pa
nakatuwaang magpahingalay sa may estasyon?
ANONG (maghihikab): Kayo pala, pare.
MANDO:
Mukhang napagod ka nang husto.
Nang datnan ka namin ay tila binabangungot ka.
ANONG (tuluyang malilinawan): Wala.
Nag-iisip lamang ako. Damdam ko’y
hindi ko alam kung saan kami pupuntang mag-anak.
ELA:
Si kumareng Maring? ‘Asan si kumare?
ANONG: May nilakad lang. Paalis na kayo
niyan?
MANDO:
Wala tayong magagawa. May hawak
na kasulatan ang matanda. Hindi ba kayo ginagambala. Kakampi niya pati ang pamahalaan.
ANONG:
May pabalik-balik ngang bataan si Don Dominiko sa bahay. Iginiit kong
hindi kami aalis. Malayo naman ang bahay
namin sa pabrika. Sinabi kong pabayaan na muna akong makiusap kay Don
Dominiko. Pero, ewan ko. Pinagbabantaan ako, e. Susubukan kong makiusap muli.
MANDO:
Mag-iingat ka. Kung pupuwede nga
lamang ba ang pakiusap, e, di hindi na nagsialisan ang mga tao rito.
ANONG:
Nasa labas ng bakod ang kubo namin.
Wala silang karapatang palayasin kami.
MANDO:
Ay, pare. Para sa mga ganid na
imperyalista at kapitalistang ‘yan, lahat na ng karapatan ay kanila. Kanila ang
karapatang mang-alipin. Pati
pangungurakot ng yaman ng bansa natin’y inaari nilang karapatan.
ANONG:
Hindi. Hindi nila kami mapapalayas. Nandiyan ang aking hanapbuhay… ang maliit
kong gulayan… ang mga ibon… ang lahat nang natitira pa sa amin. Saan kami pupunta? At paano ang aking mag-anak?
MANDO:
Lahat naman tayo, ganyan ang iniisip.
ANONG:
Talaga kayang hindi maaaring makiusap?
MANDO:
Maniwala ka sa akin. Hindi uubra
ang pakiusap.
(Sandaling
katahimikan.)
ELA:
Kumusta ba si kumare, ka Anong?
ANONG:
Mabuti. Malimit nawawala sa
bahay. Lalo no’ng tila nga nagsilikas
lahat ng ating kapitbahay.
ELA:
Kawawa naman. Napadaan siya sa may amin kanina. Nagbatian kami. Nginitian pa nga ako.
ANONG:
Sinabi ba kung saan siya tutungo?
ELA:
Parang may sinasabi siya pero hindi ko maunawaan. Naglakad siya at pinagtitingnan ang labi ng
mga ginibang kubo.
ANONG:
A….
ELA:
Dinadalaw rin ng panglaw marahil si kumare, ano, Ka Anong?
ANONG:
Oo nga.
(Tigil.)
Pasaan
ang tungo n’yo n’yan?
MANDO:
Kahit saan. Sa Timog. Kung saan tumigil ‘yong tren.
ANONG:
Magulo roon, a. Hindi ba ninyo
nababalita? Nagsisilikas ang mga tao sa
Timog.
MANDO:
Baka may natitira pa kaming kamag-anak sa Timog. Hahanapin ko sila. Malay mo, baka pagbabang-pagbaba namin ng
tren, nandoon silang sasalubong.
ANONG:
Alam ba nilang darating kayo?
MANDO:
Ni hindi ko nga alam kung may kamag-anak pa kami roon.
ANONG:
Sana’y makatagpo kayo ng tunay na tahanan.
MANDO:
Salamat. Sakaling lumisan kayo at walang mapuntahan, hanapin ninyo kami
sa Timog.
(Sislipin
ni ELA ang bandang panggagalingan ng tren.)
ANONG:
Oo. Maghahanapn tayo. Mabuti ka pa.
May babalikan kang kamag-anak at kaibigan. Masarap siguro ýon, ano. Kuwentuhan, halakhakan, yakapan….ng mga
matagal nagkalayo….
MANDO:
Sana nga nandoon pa sila. Sa
simula, magkukunwari akong pinalad at maligaya….
(Bahagyang
mapapahalakhak si ANONG. Napapatakang
babaling si MANDO.)
MANDO:
Bakit?
ANONG:
Wala.
(Muling
magtatawa.)
MANDO (makikitawa): Katulad din kung muli tayong magkita. Sa simula, marahil, magkukunwari muna tayong
maligaya.
(Magtatawanan.)
ELA:
Mando? Hindi ba wika moý may
ibibigay kay ka Anong?
MANDO: Ku, e, buti’t pinaalaala mo.
(Tutunguhin ang dala-dalahan at maghahalungkat.)
ELA (alangang kay ANONG, alangang sa
sarili): Saan na kaya nangapadpad ang
ating mga kapitbahay?
(Tatanawin
ang bandang may pabrika.)
Hinapay
nila ang mga punongkahoy. Hinawan ang
talahiban. Baka nangalibo nang lahat ang
mga ibon, ano, pare?
ANONG:
Hindi naman marahil.
ELA:
Pero pag natapos maitayo ang pabrika, siguradong lalamunin ng itim na
usok ang paligid. Patay ang negosyo mo.
ANONG:
Maaari bang lumayas nang basta-basta ang mga ibon?
ELA:
‘Yon na nga, pag nilamon ng itim na usok ang paligid, may makakatagal pa
bang hayop diyan? Makikita mo. Mga ibong bakal na lamang ang lilipad sa
langit.
(Lalapit
si Mando, taglay ang isang paris ng glab na pamboksing.)
MANDO (iaabot ang
glab kay ANONG): Iiwan ko na sa iyo ito.
ANONG (matatawang nabibigla): Putris! E, anong gagawin ko rito?
MANDO: Itago mo. Malay mo, baka may tumubong boksingero riyan
sa mga anak mo. Akoý walang pamamanahan.
ANONG (kukunin at pagbibiling-bilingin ang
glab): Salamat. Wala man lamang akong maipabaon sa iyo.
MANDO:
Huwag mong isipin ýon. Pag nagkita uli tayo, sana pareho na tayong
maykaya….
(Magkakatawanan.)
ANONG:
Teka…
(Hahagilapin
ang kanyang sambalilong balanggot, iaabot kay MANDO.)
Kunin
mo kaya ito.
MANDO:
Hindi, a. Pare, kailangan mo ýan.
Saka na, yang glab talagang di ko
papakinabangan.
ANONG:
E, ito rin. Di ko naman maipanghuhuli ng ibon?
MANDO:
E, buong buhay ka na lang bang manghuhuli ng ibon?
ANONG (ibababa sa torso ang
sambalilo): A, e, ikaw ang bahala. Talagang wala akong maipababaon sa iyo.
(Tatapikin lang ni MANDO si ANONG sa balikat. Mula sa malayo, maririnig
ang ugong ng papalapit na tren. Babaling si ELA sa asawa.)
ELA: Mando!
(Bibitbitin ni ELA ang
balutan. Kakargahin ni MANDO ang iba pa
nilang dala at magkasunod silang lalabas.)
MANDO: Sige, pareng Anong. Magkita na lamang tayo sa Timog.
ANONG
(kumakaway): Hahanapin namin kayo pag
nadako kami roon.
ELA: Ikumusta mo na lamang ako kay kumare. Ipapanalangin kong gumaling siya.
ANONG: Salamat.
Ingat kayo.
(Patuloy na kakaway si ANONG hanggang makalayo ang tren. Pagkaraan,
titingin sa malayong tila sinasalamin ang
kalawakan. Magdidilim. Magliliwanag sa burol. Pagkaraan ng sandaling
katahimikan, muling maririnig ang ragasa ng papalapit na tren. Hihinto at pagkaraaný muling hahagibis na
palayo. Hindi titinag si ANONG. Pagkaraan, papasok si DULCE, nakaluksa, at
may bitbit na maletang tila bagong kalulunsad.
Lalapit kay ANONG.)
DULCE (ibaba ang
maleta): Mama, maaari po bang magtanong?
ANONG (hindi
pansin ang babae): Oo.
DULCE: Papaano po ba ang daan papuntang San Antonio?
ANONG
(ingunguso): May kalye roon.
DULCE: Saan po?
ANONG
(mapapatunghay): Doon.
DULCE (bahagyang
magugulat pagkamalas kay ANONG): Doon
po?
ANONG (lalakad pakaliwa): Halikayo…
(Bibitbitin ni DULCE ang maleta at
susunod kay ANONG.)
ANONG:
Natatanaw ninyo ýong bakod na kawad?
Sa kabila noon ay may kalsada.
Maglakad- lakad kayo nang kaunti
pakanan at makakakita kayo ng naghimpil na dyip. Papunta ‘yong San Antonio. Mga tatlong kilometro mula rito.
DULCE (matamang pag-aaralan ang mukha ni
Anong): Salamat po.
(Babalik sa upuan si ANONG. Ang
babaeý mananatili sa pagkakatayo. Walang
tinag na waring nag-iisip.)
ANONG (nakatanaw sa babae): Deretsuhin lamang ninyo yang lana diyan. Hindi kayo maliligaw.
(Hindi
titinag ang babae.)
Bakit
po?
DULCE (babaling at muling pagmamasdan si
ANONG): Wa… wala. May lusutan ba sa bakod na kawad?
ANONG:
Deretsuhin nga ninyo ýong lana.
May guwang do’n na puwede kayong lumusot.
DULCE:
Sige po.
(Bibitbitin ang maleta at akmang lilisan ngunit muling
mag-aatubili. Pagmamasdan siya siya ni ANONG
. Lalakad nang kaunti. Muling babaling. Magkakatinginan ang dalawa.)
ANONG
(kukutuban): Bakit po?
DULCE (akmang
lilisan): Wala.
ANONG
(pasigaw): Ale!
(Mapapahinto si DULCE.)
DULCE: O…?
ANONG: Wala… kasi… sa San Antonio ba talaga ang
punta n’yo?
DULCE: Oo.
(Tatalikod.)
ANONG (malakas, habang akmang lulusot ng
bakod ang babae): Ang boses n’yo, parang
di bago sa akin. Saan ko kayo nakita?
DULCE (mapapabaling): Anong?
Sinasabi ko na ba’t ikaw si Anong!
ANONG:
Dulce?
DULCE (lalapit): Ikaw nga si Anong. Si Anong ka ba?
ANONG (mapapakamot sa ulo, ilaladlad ang
kamay at pagmamasdan ang babaeng hindi makapaniwala): O, anong laking himala….
DULCE:
Anong ginagawa mo rito?
ANONG:
Bakit ka napadpad rito? Saan ka nagbuhat?
DULCE:
Dito ka ba nagpunta nang mawala ka?
ANONG (mababalisa): O…
DULCE:
Mahigit nang dalawampung taon.
Baka hindi mo alam. Ilang taon
muna kitang hinintay noon bago ako umalis sa atin.
ANONG:
Hindi nga ako nakabalik.
DULCE:
Nangako ka.
ANONG:
Matagal na ‘yon.
DULCE:
Matagal na nga. Pero nasa isip ko
pa.
ANONG (tila nanunuyang mangingiti): Ibig mong sabihin, mahal mo pa ako?
DULCE:
Nasisiraan ka ba? Ang ibig kong sabihin
ay ‘yong mga kataksilang ginawa mo.
Diyos ko, ‘yong mga kataksilang ginawa mo….
ANONG (tila mabubunghalit ng tawa): Hindi ko akalain… mahal mo pa nga ako.
DULCE:
A, lintik! Ngayon tayo magtuos.
ANONG:
Matagal na ‘yon.
DULCE:
Hindi. Nilayasan mo ako’t sabi
moý makikipagsapalaran ka sa Maynila.
ANONG:
Oo.
DULCE:
Namuti ang mata ko nang kahihintay sa ‘yo. Saan ka nagsuot?
ANONG:
Nag-asawa.
DULCE (tataas ang boses na waring
napahiya): Ha? Nag-asawa ka?
ANONG:
Oo. Ikaw? Wala ka pa?
DULCE:
Kamamatay lang.
ANONG (iaabot ang kamay): Nakikiramay ako.
DULCE:
Salamat.
ANONG:
Kumusta naman ang buhay mo nang halos dalawampung taon na ba ‘yon?
DULCE: Walong taon pa lamang kaming nakakasal. Ilang
taon muna akong nagbakasaling babalik ka.
Naglagalag din ako.
ANONG:
Akala ko nga’y makakabalik ako.
Pero naaksidente.
DULCE:
Naaksidente?
ANONG (bahagyang mapapahalakhak): Ha, ha… Naaksidente. Nasilo.
DULCE:
Ang walanghiya!
(Mapapahalakhak
din. Pagkaraan’y tatahimik.)
ANONG:
Ikaw?
DULCE:
Doon ako nakapangasawa sa Mindanao.
(Dudukot
at magsisindi ng sigarilyo.)
Sigarilyo?
ANONG:
Sige. Hindi.
DULCE:
Sige na.
(Aabutin ni ANONG ang sigarilyo. Magsisindi, hihithit, uubuhin. Itatapon ang sigarilyo.)
DULCE (magbubuga
ng usok): Mayaman ang asawa ko. Nakalayaw ako nang husto.
ANONG: Pang-ilan ka?
DULCE: Pang-apat.
ANONG: Hindi na masama.
DULCE: Talaga. Marami akong natipong alahas.
(Tatayo. Tatango-tango si ANONG na nakamalas kay DULCE
at tila humahanga.)
May sarili akong silid. Napakaganda.
May latag na alpombra ang sahig.
Malaginto ang kurtinang nangingintab lalo pag nasikatan ng araw. Sa may pintuan, nakasabit ang gandingan na
ginto rin at siya kong tinutugtog kung nais kong tumawag ng alila. At
napakalambot ng higaan. Malayong masarap
higaan kaysa papag. Sa umaga, ginigising
ako ng huni ng loro sa hawlang nakabitin sa tapat ng aking bintana. At saganang-sagana ako sa pagkain – prutas,
malalaking isda. Natatandaan mo ‘yong napanood natin sa sine no’ng ating
kabataan – ‘yong “Bagong Buwan?” Ganoon
ang buhay ko. Tulad ng prinsesa sa sine.
ANONG:
Walong taon kang nakabilanggo?
DULCE:
Anong nakabilanggo? Kailangan ko
pa bang lumabas samantalang nandoon nang lahat ng pangarap ko sa buhay?
ANONG:
Naaawa ako sa ‘yo.
DULCE:
Lintik na… puweee! Ano ka?
ANONG:
Bakit namatay ang asawa mo?
DULCE:
Ha?
(Lalakad
na tila nag-iisip.)
May labanan sa Mindanao.
ANONG:
Napatay sa labanan?
DULCE:
Sagana kami ngunit hindi ang karamihan.
Nagkakagutuman sila.
Nagsipag-aklas. Kinulimbat ang
yaman ng aking asawa. Malalakas
sila. Walang nagawa ang mga
maykapangyarihan. Hindi nailigtas ang
aking asawa nang ito’y bihagin, kaladkarin sa lansangan, at pagbabarilin ng mga
rebelde.
ANONG:
Ibig mong sabihin ay galit nag alit ang mahihirap sa mayayaman?
DULCE:
Galit na galit.
ANONG (sa sarili): Putang-inang mayayaman.
DULCE:
Ano kamo?
ANONG:
Wala. Mabuti’t di ka nasaktan.
DULCE:
Hinuli ako. Nguni’t pinalaya
rin. Sabi nila’y biktima lang ako ng
kabuktutan ng matataas.
ANONG:
Naintindihan mo ‘yong sinabi nila?
DULCE:
Aywan ko. Kailangan pa ba? Nakaligtas naman ako.
(Bahagyang
hahalakhak si ANONG.)
DULCE:
Anong nakakatawa?
ANONG:
Ang buhay.
DULCE:
Aling buhay?
ANONG: Ang buhay ng dalawampung taong yaon.
DULCE: Anong nakakatawa roon?
ANONG: Ikaw.
DULCE (tataas ang
boses): Akoooo???
ANONG: Nalimot mo na ang iyong pinagbuhatan. Basura
ka lamang nang ligawan kita noon….
DULCE (tataas ang
boses): Ang lintik at sinong basuraaaa ???
ANONG: Ang ibig kong sabihin ay…. Totoo bang lahat
ang sinasabi mo?
DULCE: Totoong totoo. Bakit?
Hindi ka makapaniwala?
ANONG: Naniniwala akong may labanan at napatay ang
asawa mo.
DULCE:
Hindi ka nga naniniwala. Dahil
hindi mo nararanasan. Dahil patay gutom
ka na, ano? Tingnan mo ang hitsura mo.
Ni wala ka na yatang maisuot.
Ooooo…. salamat po sa Diyos at hindi tayo nagkatuluyan.
ANONG (natutubigang tila nababalisa): Sinong patay gutom?
DULCE:
Ikaw.
ANONG: ‘Tang na. Hindi.
Nataunan mo lamang ako na ganito ang suot dahil kagagaling ko sa
trabaho.
DULCE:
Bakit ano bang trabaho mo?
ANONG:
Nagkukumpuni ng riles ng tren.
DULCE:
Ayon! At paano ka mabubuhay sa pagkukumpuni ng riles ng tren?
ANONG (tila napahiyang maghahagilap ng
sasabihin): Aba… may… may asawa naman
ako, a.
DULCE:
Anong magagawa ng asawa mo?
ANONG (mapapangiting tila nangangarap): Mayaman ang asawa ko. Naglalako ng bulaklak.
DULCE:
Naglalako ng bulaklak?
ANONG:
Oo. ‘Yon ang negosyo n’ya. Noong binata pa ako, napapadaan ako sa
tindahan n’ya. Doon ko siya
nakilala. Kaunting kindat, kaunting ngiti,
nalamukot ang puso. Nagtipan kami isang
gabi. Madilim noon. Nakalimot. At ‘yon nga, napakasal ako.
DULCE:
Napakasal ka.
ANONG:
Napakasal ako.
DULCE:
Nasa bahay ngayon ang asawa mo?
ANONG (kakapusin): Ewan....
DULCE:
E, saan ka ba talaga nakatira?
ANONG (atubiling ituturo): Do…doon.
Doon sa malayo.
DULCE:
Diyan sa barong-barong?
ANONG (may kaunting panginginig ng
boses): Hi… hindi. Titira ba ako riyan? Sa kabila niyan. Malapit sa nagtataasang gusaling yaon.
DULCE:
Mabuti naman.
(Mapapaupo si ANONG at bahagyang
mapapahalakhak.)
O,
Anong nakakatawa?
ANONG:
Ang buhay.
(Aalik-ik
ng tawa si DULCE. Mapapatanga si ANONG.)
Anong
nakakatawa?
DULCE:
Ang buhay.
(Hihithitin
nang mahaba ang sigarilyo. Magbubuga ng
usok at itatapon ang upos.)
Kumusta
ang mga anak mo?
ANONG (tila nangangarap): Malulusog sila.
DULCE:
Malaki na siguro ang panganay mo,
ano?
ANONG (magpapawala ng maikling
halakhak): Nag-aaral sa pribadong
eskwelahan sa bayan...
DULCE:
Mabuti ka pa.
(Pagmamasdan
si ANONG at mapapakunot-noo.)
Pero...
bakit ganyan ang suot mo? Namamayat
ka. Hindi ako makapaniwala...
ANONG (nakatungo, hindi kaagad
makasagot): E, kagagaling ko nga sa
trabaho.
(Tutunghay
bigla.)
Sa’n
ka ba nakakita ng nagkukumpuni ng riles ng treng nakadisente? Ano ang inaasahan mong makita? Naka-barong ako, hawak ay piko’t hinahampas
ang daang-bakal? Gaga ka ba?
DULCE:
Hindi ako naniniwala.
ANONG: Di huwag!
DULCE:
Totoo ba?
ANONG (magpapawala ng maikling halakhak
saka ihahampas ang glab) : O, panginoon
ko, oo....
DULCE (tataas ang boses): E, bakit mo ako iniwan noon?
ANONG:
E, nag-asawa nga ako...!
(Papasok si LAURA, may taglay ng dahon ng laing at mga bulaklak ng
rosal at sampagita.)
ANONG (pausal):
Ang aking anak....
(Nakatanaw lamang si DULCE.
Lalapit si LAURA at akmang sasalubungin ni ANONG.)
Laura,
anak. Saan ka nagbuhat?
LAURA (nakangiti, nakasulyap bahagya kay
DULCE): Diyan lang, itay. Inutusan ako ng inay manguha ng lain para
hapunan. Namitas rin ako ng bulaklak. Bango ng ilang-ilang, ‘tay, o....
(Napapatakang nakatingin pa rin kay
DULCE. Lalapit si DULCE sa mag-ama.)
ANONG:
A, ito si Aling Dulce. (kay
DULCE) Si Laura, panganay ko.
LAURA (aabutin ang kamay ni DULCE): Kumusta po?
DULCE:
Mabuti.
(Hahawakan
sa balikat, mangingiti, at bahagyang yayakapin ang bata.)
LAURA (ipagpaparangalan ang mga
bulaklak): Hindi ba kayo nagagandahan sa
mga bulaklak ko?
DULCE (hahagkan ang mga bulaklak): Pagkagaganda.
Halika, sandali. Mamumupol pa tayo.
(Babaling
si LAURA kay ANONG.)
LAURA:
Itay...?
ANONG (kukunin ang bungkos ng dahon ng
lain at mga bulaklak sa anak): Sige,
anak....
(Lalabas sina DULCE at LAURA, tungo sa bandang gubat. Tila nalimutang ganap ang walang tinag na si
ANONG. Maririnig na muli ang tinig ni
LUPO sa dilim habang naglalaho ang burol.)
LUPO (humahangos
na lalapit sa ama): Itay! Itay!
ANONG (tila
nagulantang): Bakit, Lupo?
LUPO: Nagpunta muli ro’n ang mga guwardiya ni Don
Dominiko. Hinahanap kayo.
(Unti-unting liliwanag sa may
estasyon ng tren.)
Babalik
daw mamaya....
ANONG (hahagilapin ang piko at hahawakan
ng mahigpit): Nando’n pa ba ang mga
hayop?
LUPO:
Umalis po nang sabihin kong kayo’y wala.
Nguni’t babalik daw.
ANONG:
Ano ba sila? Malayo naman ang
bahay natin sa pabrika. Anong gusto
nilang mangyari?
LUPO:
Natatakot po ako.
ANONG:
Huwag kang matakot. Hindi nila
tayo mapapakialaman.
LUPO:
Palaging pumapatrulya ang mga mamang nakabaril.
ANONG:
Wala tayong mapupuntahan.
LUPO:
Hindi ba minsan may nabanggit kayong mga Lolo natin sa Palawan, itay?
ANONG:
Patay na silang lahat.
LUPO:
Patay na po sila?
ANONG:
Malaon na. Ang itay ay
namamasukan no’n sa pabrika ng troso.
Tagapagtaas ng kahoy at tagakamada sa lagarian. Sumusuweldo ng sandaang piso ang araw. Matiwasay na sana ang buhay namin kahit mahirap
kundi sinamang-palad na maaksidente ang Tatay sa lagarian ding yaon.
LUPO:
Naaksidente po?
ANONG:
Nagulungan ng troso. Isang
tanghali, nagkakamada ang itay nang mapatid ang tanikalang nakahadlang sa
salansan. Nalasog ang katawan. Sumabog ang utak. Maraming nakipagluksa at
dumamay. Sinikap bumangon ng Lola mo,
pagkaraan. Nagtayo ng isang munting tindahan ng pagkain. Maayos naman sana
dahil, pinag-aaral ako nila sa kolehiyo sa Maynila, ngunit di rin nagtagal ang
Inay. Pagka-limang taon, pumanaw rin.
Napulmonya. ‘Yong dalawa ko pang kapatid, naglagalag din hanggang
Bikol. Doon na sila sa Bikol, nagkaasawa
at nagkapamilya. Nasa Maynila ako noon, at isang taon na lang ay naging
inhinyero sana kung di lang namatay nga ang Lola mo at natigil na ako sa pag-aaral.
Nakipagsapalaran, pumasok sa
konstruksiyon, hanggang magkita nga kami ng Nanay mo.
LUPO:
Sa Maynila po?
ANONG:
Nagtitinda siya ng kuwintas ng sampagita sa harap ng simbahan ng Quiapo.
Basta na lang kami nagtanan, sumakay ng tren, at pupunta sana sa mga kuya ko sa
Bikol, ngunit hanggang dito lang sa San Juan kami umabot, dahil may ilang
kakilala ang Nanay ninyo dito nga sa mga nagkumpol-kumpol na kabahayan dito sa
baybay ng riles ng tren. Maayos naman
sana ang buhay natin dito, kundi nga lang sa mga kapitalistang ‘yan na
biglang-sulpot at gustong kamkamin ang lahat ng lupa dito para sa kanilang
pabrika. Halos tatlumpong taon na rin tayo rito.
LUPO:
Oo nga po. Pinaggi-giba na rin
ang bahay diyan sa kabila. Tayo na lang
po yata ang natitira, pero nando’n na naman po ang nagpapalayas sa atin.
ANONG (aaluin ang anak): Huwag kang matakot, nandito ako. Saka kung makahanap tayo ng matutuluyan diyan
sa kabayanan o sa bandang Timog... sa Bikol, baka mahanap natin ang mga
kuya. Kailangan din lang maiayos ang
inyong ina.
(Maalaala at hahagilapin ang glab na iniwan ni MANDO at ELA, kalilisang
kapitbahay at kaibigan nila. Iaabot ito sa anak.)
O,
ito, anak. Sa ‘yo na ito.
(Isusuot
ang glab sa kamay ng bata.)
Ganyan...
(Pabirong aambaan ng suntok.)
Sige,
suntukin mo ako.
(Mapapangiti si LUPO. Pagkaraan,
magkakatuwaan ang mag-ama.
Halakhakan. Magboboksingan. Pagkaraan’y parehong malulupasay sa upuan.)
LUPO:
Magboboksingero na lamang po yata ako paglaki ko, itay. Siguro’y maraming pera ro’n.
ANONG:
Kung magboboksingero ka, kailangang matibay ang katawan mo.
LUPO (tatayo at ipagmamayabang ang kanyang
katawan): Malaki po naman ang katawan
ko, a. O....
ANONG (magtatawa): Hahaha... malaki ang buto. Hahaha...
LUPO:
Pero lalaki po ‘yan, itay. Mas
mabuti naman ang boksingero kaysa piyon sa konstruksiyon....
ANONG:
Magtatapos ka muna ng pag-aaral.
Hayaan mo...
(Sandaling tigil. Mula sa malayo, maririnig ang ugong ng tren
papalapit. Mapapatda si ANONG.)
Ang
inay mo, hindi pa ba umuuwi ang inay mo?
LUPO:
Hinahanap na po nina Totoy at Dodi.
Naroon daw po sa rali ng mga kapitbahay natin kanina, tapos naglakad na
lang palayo sa gubat. Baka samahan si
Ate Laura para mamitas sa gulayan.
ANONG:
A, babalik din ‘yon. May huli ba
ang mga bitag?
LUPO:
Meron po. Ipinagsisilid ko sa
hawla.
ANONG:
Mabuti. Mabuti.
(Mangingiti.)
Sinabi ko na ba’t hindi pa nasasaid ang mga ibon.
(Babaling
kay LUPO.)
Magbantay
kang muli sa bahay. Hihintayin ko ang
mga Nanay mo.
LUPO (akmang lilisan): Opo.
(Lalabas ang bata. Pupunta si ANONG sa may gawing kanan at
anyong tatanawin ang hinihintay.
Nakatitig sa malayo. Pagkaraan, sisipol-sipol na atila ginagagad ang
huni ng mga ibon. Magdidilim sa
estasyon. Maliliwanag sa burol. Ngayo’y magkaagapay na nakaupo sina ANONG at
DULCE, animo’y parehong nangangarap.
Makaraan ang ilang saglit, papasok ang BALIW (MARING) at aaligid sa
dalawa. Kakanta-kanta, iindak-indak,
hahala-halakhak. Tila nahihintakutan si
ANONG pagkakita sa baliw ngunit hindi magpapahalata.)
AWIT NI
MARING: Kami po ay naghahanap
Ng nawaalang
bulaklak
Nasaan bagan
nasaan
Dilag na
mutya ng parang
DULCE (mapapakapit kay ANONG): Sino
‘yon?
ANONG: Baliw.
Hindi mo ba nakikita? Baliw.
MARING
(ipagpapatuloy ang pag-awit habang nakaharap sa manonood):
Ang tangi
kong sinta’y lumisan
Tungo
sa dako na abot ng ‘yong pananaw
Ang tangi
kong mutya’y naglakbay sa kaitaasan
Bukas,
babalik ding taglay ang ningning ng araw
(Aalik-ik ng tawa. Muling
liligid sa dalawa. Makailang-saglit,
biglang titigl sa harap
Ni ANONG at susurutin ito.)
Ikaw, lalaki. Mamamatay na sa gutom ang mga anak mo,
nakikipaglandian ka pa!
(Muling aalik-ik ng tawa. Hindi kikibo
si ANONG, ngunit, pagkaraan, tatayo at makikipagtudyuhan kay MARING. Halakhakan
t kikilitiin ito sa tagiliran.
Natutulalalng nakapanood si DULCE.
Maririnig ang pag-usal ni ANONG ng “kiliti, kiliti, kiliti” habang
sinusurot sa tagiliran si MARING na patuloy namang umaalik-ik ng tawa. Makailang-saglit, lalayo ang BALIW at
haharapin si DULCE. Hihilahin ito sa
kamay.)
MARING:
Dalahira!
(Aalik-ik) Sayaw tayo... sayaw...
(Kakanta
at aalik-ik ng tawa): Ang dilag kong
rosal sa hardin
Ninakaw ng kung sinong haling,
Bubuyog, bubuyog
Ibalik ang kinuha sa ‘kin.
Aba hari na walang muwang
Si paruparo ang nagnakaw
Sinimsim ang nektar
At saka pinupod sa tangkay
(Mahihilang
papalapit si DULCE, halos mahandusay.)
DULCE (pasigaw): Anong! Ano ba? Tatanga-tanga ka riyan!
(Hindi kikibo si ANONG.
Magpapambuno ang dalawa at mapapasalya ang BALIW habang kumakawala naman
si DULCE. Hahalakhak si ANONG.)
DULCE (duduraan
ang baliw): Puweeee!
(Haharapin si ANONG) Ikaw, kita mong nasasaktan akoý wala kang
ginagawa!
ANONG (tatayo at pagsasabihan
si MARING): Umuwi ka na sa bahay! Hala, uwi. Alis na!
(Patuloy na aawit habang lumalabas
si MARING.)
MARING: Kami po ay manlalakbay
Na sa inyoý namamaalam
Ang bulaklak na pumanaw
Nasaan o nasaan?
(Lalabas. Lilikmo si ANONG at magpapawala ng maikling
halakhak.)
DULCE (haharapin si ANONG): Talaga palang hayop ka, ano? Binubuno na ako ng anak ng putang baliw ay
nakatanga ka lamang.
ANONG:
Putang ina!
DULCE:
Ano kamo?
ANONG:
Wala.
(Saglit
na katahimikan.)
DULCE:
Tagasaan ýong babaeng ýon? Bigla
na lang sumulpot.
ANONG:
Ewan ko.
DULCE:
Tagarito kaý hindi mo alam?
ANONG:
Hindi sabi ako tagarito. Tagaroon
ako sa malayo.
DULCE (tatayo, titingnan nang matalim ang
manonood): Marami na yatang nasisiraan
sa mundo. Sa palagay mo, Anong, ilan sa
kanila ang nasisiraan?
ANONG:
Baka nasisiraang lahat.
DULCE:
Sino nga bang hindi masisiraan kung nagugutom ka na’y tuyong-tuyo pa ang
paligid?
ANONG:
Aba, hindi. May natitira pang
ibon diyan.
DULCE:
Saan?
ANONG:
Diyan sa paligid.
DULCE (tutungo sa may gilid at
magmamasid): Paano magkakaibon diyan, e,
puro bato ang nakikita ko – gusaling bato, parang na bato, taong bato... puro
bato!
ANONG:
Di mo matanaw dito. Pero doon
sa malayo, may natitira pang gubat at
talahiban.
DULCE: Mabuti pa sa Mindanao.
ANONG: Ano sa Mindanao?
DULCE:
Kung hindi nga lamang nagkagulo, disiný mananatili ako sa silid kong
ginto.
ANONG:
Nakabilanggo.
]
DULCE: Kahit na nga.
Nakapanungaw naman ako sa napakagandang tanawin—dagat, bundok,
kakahuyan. Saka hindi nasasaid ang ibon
doon.
ANONG:
Napuntahan mo na ba ang mga bundok at kakahuyan yaon?
DULCE:
Hindi pa.
ANONG:
Paano mo masasabing maganda?
DULCE:
Natatanaw ko nga.
ANONG:
Hu, alam mo bang doon sa mga gubat na yaon nagtatago ang mga
sundalo? Lalong maigting ang labanan
doon. Kita mo, pag nagputukan at
naghulog ng bomba, mangangalibong lahat ang mga ibon.
DULCE:
A, kahit anong sabihin mo... sagana ang buhay ko roon.
ANONG:
Sa iyong bilangguan.
DULCE:
Anong bilangguan?
ANONG: ’Yong gintong kuwartong
pinagtalikan ninyo ng asawa mong
dayukdok.
DULCE:
A, lintik! Patay gutom!
ANONG:
Hindi.
(Sandaling
tigil.)
Maganda
nga ba ang buhay sa Mindanao, Dulce?
DULCE:
Magulo nga lamang sa ngayon.
ANONG:
Pero may lugal na matahimik.
DULCE:
May ilang pook na hindi inaabot ng labanan.
ANONG:
Kung lilipat ba kami roon, may mabubungkal ba akong lupa?
DULCE:
Bakit ka lilipat doon, e, sagana ka naman dito?
ANONG (maikling halakhak): Hu, bakit nga ba?
DULCE:
Kung gusto mo naman, sumama ka na lamang sa akin. Baka bumalik ako roon,
ANONG:
May pamilya ako.
DULCE:
A, siyanga pala.
ANONG:
Bakit ka pa babalik doon? Bakit
hindi na lamang dito. Sa San Antonio ba
‘kamo?
DULCE:
Hindi maaari.
ANONG:
Hindi maaari?
DULCE:
Alam mo naman ang mga tao rito sa amin.
Balitang-balita roong asawa ako ng asawa kong maraming asawa.
ANONG:
Patay na ang asawa mo.
DULCE:
Kahit pa. Lalo pa ngang magtatawa. Sasabihing, “Ayon ang napala....”
ANONG:
Huwag mong pansinin.
DULCE:
Papaanong hindi? Ikaw ba
matatagalan mo ‘yon?
ANONG:
Ha?
DULCE:
Uuwi ka pa ba sa atin?
ANONG:
Patay na ang magulang ko. Sino
pang uuwian ko ro’n?
DULCE:
Hinintay kita nang matagal.
(Tila
maiiyak.)
Pinangarapan
kong pagbalik mo’y marami kang dala at magpapakasal na tayo. Magkakaanak.
Mabubuhay nang tahimik. Magiging maligaya.
A, ang mga dalamhating tiniis ko sa paghihintay sa ‘yo. Ano kang tao ka? Nawala lamang ako sa paningin mo, nakalimutan
mo na?
ANONG:
Wala... nagkaasawa ako. Anong
magagawa ko?
DULCE:
Ganoon ba talaga ang buhay?
ANONG:
Siguro.
DULCE:
Pero maligaya ka?
ANONG:
Aba, oo. Maligaya. Oo. Oo.
DULCE:
Gusto kong dumalaw sa inyo minsan.
(Hindi
sasagot si ANONG.)
Selosa
ba ang asawa mo?
ANONG:
Hindi naman.
(Sandaling
katahimikan.)
Sinong
pupuntahan mo sa San Antonio?
DULCE:
May pinsan ako riyan.
ANONG:
Bakit ka nag-iisa? Papaano ang
mga anak mo?
DULCE:Wala.
ANONG (bahagyang mapapahalakhak): Wala kang anak?
DULCE:
Anong masama roon sa walang anak?
ANONG:
Wala.
DULCE:
Nalulungkot din nga ako.
(Sandaling
katahimikan.)
Ganoon
pala ýon, ano? Pag wala ka nang kasama sa buhay. Habang nandoon sila, wala kang nadarama. Kung minsan, kinaiinisan mo pa ang
lahat. Pag naglisanan na, saka ka
maghahanap.
ANONG:
Sa simula lang ‘yon.
DULCE:
Pero araw-araw, tumitindi ang damdamin ko. Baka mamatay akong nakaluksa.
ANONG:
Maghubad ka. Itapon mo ang lahat
ng napulot mong yaman sa asawa mo.
DULCE:
Bakit ko itatapon? Di naghikahos
ako?
ANONG:
‘Yon na nga. Para mawala ang
iyong pangungulila. Pag mahirap ka na,
wala kang madarama kundi galit kapag ikaw’y nagugutom o tuwa kung nakakakain
ka. Payak lamang ang damdamin ng
mahihirap. Kung minsan nga, walang
damdamin, pulos paghihirap.
DULCE:
Hayop lamang ang walang damdamin.
ANONG:
Malimit nagmimistulang hayop ang mahihIrap. Tila asong gutom na lawit ang dila at
naghihintay ng iduduldol ng kanilang panginoon.
DULCE:
Nasisiraan ka na ba, Anong?
ANONG:
Hindi. A... Akoý nangungulila.
(Tigil.)
DULCE:
Aalis na ako.
ANONG:
Alam mo na ang pupuntahan mo?
DULCE (tatanaw sa kaliwa): Oo.
Lalabas ng kawad. Pakanan... sasakay sa dyip...
(Bibitbitin
ang maleta.) Sige. Aalis na ako....
ANONG:
Mag-ingat ka....
(Lalabas si DULCE. Sandaling aaninagin ni ANONG ang lugal na tinungo ni DULCE. Magdidilim. Aawitin ang temang himig ng dula habang unti-unting nagliliwanag sa estasyon. Isusuot ni ANONG ang sambalilong balanggot, pupulutin ang piko at mga pinanguhang kahoy panggatong at akmang maglalakad pauwi. Papasok si LAURA, akay-akay ang ina, si MARING, mula sa pamimitas ng gulay at mga bulaklak. Sasalubong sa ama.)
LAURA: Itay!
Itay!
ANONG: O,
nandiyan na pala kayo. Mabuti’t umuwi na
rin ang Nanay mo.
LAURA:
Naroon po siya sa makaahon ng ilog, may puno ng mangga. Hinila kong pauwi. Mukhang
namamanglaw nang makitang nagsilayasan na rin ang ating mga kapitbahay sa
malapit sa tinatayong pabrika. Aalis rin
po ba tayo? Nagpunta na naman daw po ang
mga guwardiya ni Don Dominiko.
(Papasok sina TOTOY at DODI, bitbit ang mga hawla ng mga ibong nabitag
sa gubat. Ipapakita ang mga hawla ng ibon sa ama.)
TOTOY: Itay! Ito po ‘yong napandaw namin.
(Aabutin ni ANONG ang hawla at sandaling sisilipin ang mga lamang ibon
nito. Lalapit si DODI sa magkaagapay na
MARING at LAURA.)
Inay, Ate Laura!
Saan kayo nagpunta?
MARING (hahawakan ang anak na tila
nakaunawa, mangingiti ngunit tila patuloy na wala sa sarili): Do’n! Do’n
lang!
DODI: Do’n po? Sa’n po do’n?
MARING:
Gubat! Sa gubat!
(Ngingiti na tila may di nakikitang
kausap)
Hinahawan
na nila ang gubat natin. Sa atin ‘yon,
e.
LAURA (magyayaya): ‘Nay, ‘Tay, uwi na tayo....
(Papasok si LUPO, kaagapay ang GUWARDIYA ni DON DOMINIKO.)
LUPO:
Itay! Itay! Nandito po ‘yong guwardiya!
GUWARDIYA (lalapit kay ANONG): Mang Anong! Pinapunta po ako ni Don Dominiko.
Bibigyan daw po kayo ng isang linggo pa
para magbaklas ng bahay at lisanin ang lugal.
ANONG:
Naiintindihan ko. Pero saan kami pupunta?
GUWARDIYA:
Kayo na lamang po ang natitira doon. Nagsialis na lahat ng iskuwater.
ANONG:
Matagal na kami roon.
Magtatalumpong taon na....
GUWARDIYA:
Wala po tayong magagawa, Manong.
Pag may-ari ang nag-utos, puwersahang gigibain ang bahay n’yo!
ANONG:
Makikiusap ako. Kahit kaunting panahon pa, habang naghahanap ng
lilipatan...
(Biglang papagitna si MARING at paali-alik-ik at paindak na aawit. Mapapako sa pagkakatayo ang lahat at
magmamasid.)
MARING (malakas na sigaw): Ano ba!
Sisirain ninyo ang lahat ng sa
amin! Mga sakim! Mga lintik kayo! Mga demonyo...!
(Papagitna, sandaling aawit)
Kami po ay naghahanap
Ng nawawalang bulaklak
Ang tangi kong sinta'y lumisan
Tungo sa lupa na ang tuwa'y walang hanggan
Ang tangi kong sinta'y naglakbay sa kalawakan
Bukas, darating ding taglay ang ningning ng araw
Kami po ay manlalakbay
Na sa inyo'y namamaalam
Ang bulaklak na pumanaw
Nasaan, o,
nasaan....
(Maririnig ang malakas na pagragasa ng tren. Kasunod ang kaingayan ng
mga demonstrador na iskuwater at aktibista laban sa mapang-aping sistema at iba
pang usaping panlipunan, tulad ng sa pagsisimula ng dula. Unti-unting
magdidilim. Mapapako sa pagkakatayo ang lahat.)
No comments:
Post a Comment