ANG KAHAPIS-HAPIS NA BUHAY AT PAKIKIPAGSAPALARAN NI KAIGOROTAN
- Nonilon V. Queano/UP CB/18Nov.1982
Ako si Kaigorotan,
Taong tulad ninyo,
Hindi isang palabas sa Grand Canao o sa anupaman.
Noong una, ako ang hari ng mga lupaing ito,
Inut-inot,
Nakapagbangon ako ng mga bantayog sa bundok,
Nkalikha ng mga terasa ng palayan,
Malayang tumawid-tawid sa mga ilog,
Pahihip-hihip sa plawta
Habang kinakalaro ang hangin at araw.
Sa lupaing ito sumupling ang aking pagsinta
At kaligayahan,
At dito rin napanday ang tatag at tigas ng loob ko
Sa pakikibaka sa kaaway.
Malaya ako
Tulad ng ibon,
Tulad ng hangin,
Tulad ng araw.
Hanggang magsiahon ang mga dayuhan
At ako’y nawalan ng kapayapaan.
Noon, nang lumunsad ang mga Amerikano,
Agad-agad, hinimas-himas muna ako
Saka sabi’y,
“Kaigorotan, heto ang piso,
Dagdagan ko pa ng singko, akin na ang bundok mo,”
At ako nama’y walang muwang na nagsabi,
“Oo, oo… salamat, oo.”
Kinalaunan, nagsipaghukay na ang mga diyablo,
At muli akong tinawag,
“Kaigorotan, heto ang piso, dadagdagan ko pa ng diyes,
Sumuot ka sa lungga at ipaghakot mo ako
Ng asero’t ginto!”
At ako nama’y walang muwang na umoo-oo,
Kaya, sumuot-suot sa lungga,
Pukpok nang pukpok sa lupa,
Paroo’t paritong naghahakot ng mga gold nuggets
Na dinadagit naman ng mga imperyalistang ganid.
At sa hirap at pagod,
Magha-maghapon,
Unti-unti,
Ako’y hindi na tao kundi mistulang daga,
Labas-masok sa lungga.
Sa paglipas ng mga taon,
Pagkalagas ng mga araw,
Nang maitayo sa kapatagan
Ang kung anu-anong mga dambuhalang pabrika
At plantang mutinasyonal,
Nagsiahon naman ang mga ahente,
Este, ahensiya ng pamahalaan na may konsorte pang
Militar, at sabi’y,
“Kaigorotan, kailangan mong magsakripisyo
Para sa kapakanang pambansa, este,
Kapakanang pang-mulinasyonal.
Kailangan naming ang iyon glupa para pagtayuan
Ng dam – Ambuklao dam, Chico dam,
At kung anu-ano pang dam!”
“Damn you!” sabi ko ngunni’t hindi ako makaangal,
Dahil, bawa’t bukas ng bibig ko,
Bawa’t kalabit sa sibat at kalasag
Ay sinasalubong nila ng,
“Ratatatatatatat! Ratatatatatatatat!”
“Damn you!” sabi ko
At nang hindi makatagal,
Nagsukbit na rin ng armas,
Tumalilis pasa-gubat at lumaban.
Samantala, habang nanlalagas ang mga araw,
Ang lupain namin’y patuloy nilang kinakamkam.
At ako, si Kaigorotan
Ay hindi na tao kundi bagay.
Nagdagsaan ang mga turista at sabi’y
“Kaigorotan, heto ang piso, dagdagan ko pa ng singko,
Sumayaw ka lamang
At nang kita’y maretratuhan!:
At ako naman si gago’y.
Sayaw, sayaw, sayaw
Sayaw, sayaw, sayaw
Dahil kailangan ko ng kanilang piso, este, dolar
Para ako’y mabuhay,
Kaya hindi na ako tao,
Ako’y bagay na lamang,
Isang panoorin,
Isang palabas,
Laluna sas tuwing nagdaragsaan ang mga turista’t panginoon!
Tulad sa Highland Festival, este, Grand Canao daw--
Kislapan ng mga flashbulbs,
Habang ako’y sayaw, sayaw, sayaw
Sayaw, sayaw, sayaw….
Ay! Anong hapis!
Nguni’t hindi likas sa aking tumangis!
Ang dugo ko’y sintindi ng araw,
Ang puso ko’y sintibay ng Cordillera.
At ngayon’y
Nagigising,
Bumabalikwas,
Nakikibaka!
Hanggang lumaya,
Hanggang muling maging taong
Nakikipaglaro sa hangin at araw.
At ako, si Kaigorotan,
Ay tanghaling bayani ng aking lahi.
O, Kabunian!
Patnubayan ang aking paglaban!
(Copyright and all rights reserved by the author.)
No comments:
Post a Comment