ASYENDA
-Nonilon V. Queano/16Oktubre2010
Ako’y isinilang, lumaki’t tumanda
Sa asyendang bukid ng aking ninuno
Mundo’y do’n gumulong, tulad sa gunita
Tinagpas ng hirap, kinain ng laho
Ang musmos na hubo at hubad sa araw
May kuwerdas ang dibdib, ang balat ay hapit
Patinga-tingala at palagaw-lagaw
Limot kung kailan kumita ng langit
Ang inang kumandong sa kaniyang anak
Sa oras ng gutom, sakit, pagtitiis
Minsan’y sakada rin, halibas ay itak
Lahat pati puso’y sinimpan sa hapis
Ang amang nahutok sa pakikitalad
Sa hirap at pagod, gutom, pagdarahop
Nag-asam ng laya, nangarap lumipad
Ngunit mula’t mula’y kalos na ang salop
Walang ibabagwis ang sahod-pulubi
Ipupugal lamang nang paikot-ikot
Paano uusad kung ni ang pambili
Ng pagkain, damit, lahat di masimot
Ganito ang buhay sa asyenda namin
Bawa’t henerasyon’y kuwentong susulatin
Mistulang bilanggo kung aming limiin
At ang kuwentong ito’y uulit-ulitin
Subalit mayroong bagong pangyayari
Nitong huling araw na di pa nasulat
Mga manggagawa sa asyenda dini
Ang nagsibalikwas tila nangamulat
Kasabay din noon may mga nautas
Sa putok ng baril ng guwardiyang bayaran
Ngunit hudyat yaon ng lalong paglakas
Ng kilos protesta dito sa tubuhan
Yaong kuwentong yaon'y nais kong awitin
Ilalahad bukas at sana’y limiin,
Yaon din ang araw na sa papawirin
Sana’y makalipad kauring alipin.
No comments:
Post a Comment