PAANO BANG ALALAHANIN: ALAY KAY BEATO, KAIBIGAN AT KASAMA
Noni V.Queano/26 Hunyo 2010
Papaano bang alalahanin ang kaibigan at kasama
Kaumpukan at kapulong sa paglaban
Minsan’y anak, minsan’y ama
At walang pasabi, tulad ng gawi ng karaniwan
Sukat na yayao na lamang na tila ba
Pupunta lang sa trabaho o mag-uula ng kalabaw
O mamamalakaya at sa hapon o umaga’y uuwi rin.
Hindi naman sa di natin maunawa,
Simple lang ‘yan sa diyalektika:
Bawa’t supling ng lupa, dagat, araw
Papagaspas, maglalayag, mananalamin, magmamahal, aawit
Tutugis ng liwanag, sa simula at sa rurok
Hanggang wakas.
Sa tao o bagay yao’y batas.
Bawa’t puno’y may panahong bumubuwal,
Tulad ng paslit na lumaki’t nagkamuwang
Na hamunin ang kidlat,
Tulad ng ama’t ina na sa gubat ay humanap ng pag-asa,
Sana nga masasabi ng naiwang
Babalik din ‘yan sa oras
Papauwi pagkaraang magtagumpay sa labanan.
Kaya saan nga ba ilulugar ang lungkot at dalamhati?
Ang tiyak lang, hindi batas ang tatatak sa gunita
Kundi araw-araw na pagkilos
Pagmamahal na kinuyom sa kamao,
Itinitik sa aklat ng bayang nagsipag-alsa
Ipinakalat sa binusabos na masa
Ikinasa sa gatilyo ng paglaban
Paano nga ba alalahanin ang kasama?
Maliban sa salaminin sa sininta niyang asawa at mga anak
Ang alab ng pagmamahal na lahat tayo’y nakadama,
Walang batas ng simula o ng wakas
At lalaging nagniningas,
Maliban sa ipangakong ang himagsik ng yumao’y
Sulong laging pagliliyabin
Hanggang laya’y pumalaot sa hugpungan
Ng huling pagbabangon, pangangarap at panata.
No comments:
Post a Comment