Friday, October 15, 2010

TAYO'Y ISANG HANAY

TAYO AY ISANG HANAY
(Para sa alaala ni Ka Alex Remollino, Ka Roda, at iba pang bayani ng rebolusyon)
-  NONILON V. QUEANO
    10 Setyembre 2010


Sapagkat tayo’y nagmahal nang wagas sa sinintang bayan,
Nagsilbi sa masa, nag-asam ng laya,
Doon’y nagkikita: may nanay at tatay,  may lolo at lola,
(Tulad ni Ka Roda),
At, mga kabataang
(Tulad ni Ka Alex)
Na suong ang buhay sa pakikibaka.
Walang nakabukod.
Kung hindi man armas,
Ang sukbit ay tula at awit,
Pinagbuklod tayo ng mga panata,
Tulad ng kay Rizal, Bonifacio, Gabriela
Lorena, Eman, Lerry, at maraming iba pa
(Sinlapad ang lista ng langit at lupa),
At ngayo’y,  tulad ni ka Alex,
Tulad ni Ka Roda
Tayo’y nabubuong isang hanay,
Walang nagtatanong kung saang uri nagbuhat
(Bagaman marami ay sa uring salat)
Di na mahalaga kung saan bang siglo o anong dekada
Nang magdalang-liwanag
At, tulad sa gabi ng mga pangarap,
Aawitin natin ang katotohanan at ipamumudmod
At pagsasaluhan,
At payayabungin na isang halaman
Hanggang mamutiktik ng bunga’t bulaklak.

Kung masa’y inapi, ginahasa, pinagnakawan, pinaslang
(Sa isang asyenda, bukirin, o saanmang pook trabahuhan )
Tayo’y libong sulong kagyat nagliliyab
Upang suhayan ang lakad ng bayan,
May mamumuno sa mga aklasan,
(Tulad ni Ka Roda),
Mayroong susulat,
(Katulad ni Alex,
Na ibibida ang bakbakan, ang mga nalagas, pinosasan
Paglago ng hanay, inaning tagumpay)
May aawit at tutula nang buong timyas sa pulang umaga
(Tulad ng Lorena o ng isang Eman)
Para ipaalam
Sa lahat ng lugal, sa lahat ng bayan.

Ngunit hindi bulag ang ating pagsuyo
(Alam natin ‘yan)
Tulad sa butil ng palay na tatahip-tahipin
Sa kumpas ng hangin,
Ipapalaala na lahat ng ito na pinagbuwisan--
Kawalang-hustisya, gutom, hirap,
Baluktot na isip, pagkagahaman, mga pagtataksil,
Kawalang-pag-asa, at pagkalugmok ng pinakadakila sa atin
Ay lagim na niluto sa kawa ng imperyalismong
Kumamkam sa lupa, langit, dagat
At bampira nganing, sisibain tayo hanggang kamatayan.

Subalit, may awit sa mga puso nating di maparam-param;
Di mapugto ang ngiti tuwing may tagumpay,
Tula’y walang ubos kahit na sa bukas
Muli tayong umang sa pakikilaban
A, sa rebolusyon, walang kahulilip ang kaligayahan.

Mayroon ding araw
(Katulad ng ngayon)
Na kalat ang dilim, tila ba uulan
May unos ba kaya?
Puso’y nagluluksa,
At ang dalamhati’y malamig na hanging humihihip-hihip,
Mayroon ding araw
Na buhos ng luha’y ating pipigilin,
Kapag may kasamang nalagas  na akala natin’y laging naririyan,
Kapag may makatang, katulad ni Alex,
O may  manggagawang minahal ng labis, tulad ni Ka Roda
Na habang panahong kaaga-agapay ay bibiglang lilisan
Mayroon ding araw na puspos ng lungkot,
Ngunit lilipas din.
Tulad din sa lahat ng bayang pinaslang,
Pamuling aawit, pamuling tutula, pamuling susulong sa pakikibaka
Tayong isang hanay.

No comments:

Post a Comment