Friday, October 15, 2010

TTATLONG YUGTO NG PAG-IBIG O PAANO BA MAGMAHAL NANG WAGAS

TATLONG YUGTO NG PAG-IBIG O
PAANO BA MAGMAHAL NANG WAGAS
(Sa alaala ni Kasamang Aileen)
- Nonilon V. Queano/28 Setyembre 2010

Una, kailangang ikampay ang isip nating
Nagmahal nang wagas,
Sa imperyong kalawakan,
Tulad ng bulalakaw,
Guguhit ng liwanag sa gaano man kapusikit na dilim,
Upang puso’y bolang apoy na itanim sa gubat,
O kung saan ang sinta’y napapadpad,
Tumutubo lamang ang pag-ibig sa liwanag.

Ikalawa, ang pagkilos na lagi’y buhay sa loob:
Pagmumulat sa masa
Ukol sa imperyalismong sanhi ng hirap at inhustisya
Kahit saang mundo,
Kahit saang kalawakan,
Gaano man katagal,
Pagbuwag sa metapisika
Na nagsabing lahat ng hirap, dusa’t kamangmangan
Ay tadhana ng Diyos sa langit,
Kahit malinaw na ang Diyos ay negosyanteng
Humakot ng yaman sa pangungulimbat
Sa minahan, pananiman, patahian, paminggalan
Nating nagdasal, sumimba, siniphayo, sinalanta
Sa kahangalang ipinakalat nila --
Lulan ng lagim ng mga giyerang kanilang dala-dala saanman --
Na mapalad ang mahirap at nagugutom
Dahil pagpapalain sa kabilang buhay.
Ang bulalakaw na isip lamang ang nakakagagap nito.

Ikatlo, ang pag-aarmas.
Dahil walang tatapos sa salot ng imperyalismo
Kundi rebolusyon,
Tatawagin natin itong pagmamahal nang wagas,
Mula sa pusong nagliliyab,
Pagkaraang payabungin ang kamalayan ng masa:
Ang pag-aalsa.
Pagkaraang pamukadkarin ang pag-ibig sa laya:
Ang digmang bayan na pinanday tuwina
Ng awit, pananalig, at pangarap
Gaano man kapanganib, kalayo, katagal.
Ganoon magmahal nang wagas,
Guguhit ng apoy at liwanag sa kalawakan at gubat,
Yayabong ang pag-ibig,
Tulad ng pag-aalsa,
Wala namang halaga ang buhay kung hindi magmahal,
At paano ba kaya magmahal kung hindi nga wagas.

No comments:

Post a Comment