Friday, August 21, 2020

 

HAWLA

(Dulang may isang yugto)

-Ni Nonilon V. Queano

 

MGA TAUHAN:

 

ANONG, edad 36

DULCE, 36

MARING, 35

MANDO, 50

ELA, 46

LAURA, 14

LUPO, 11

TOTOY, 8

DODI, 5

DON DOMINIKO, 62

BADIGARD NI DON DOMINIKO

MGA ISKUWATER

MGA DEMONSTRADOR

 

TAGPO:  Magaganap ang dula sa dalawang daigdig:  ang aktuwal at pangkasalukuyan at ang gunita o mala-ilusyong habi sa isipan ng pangunahing tauhan. Sa kasalukuyan, mangyayari ang aksiyon sa isang estasyon ng tren, makalabas ng lunsod.  Gawing kaliwa, matatanaw ang isang ulilang kubo na napapaligiran ng talahiban. Sa malayo, ang kalansay ng isang itinatayong pabrika. Nagkalat ang labi ng pinagbabaklas na mga barung-barong at kubo sa paanan nito.  Sa malayong-malayo pa, nanganganinag ang mga umuusok na tuktok ng kung anu-anong pabrika.

 

                       Ang dula sa isipan ng tauhan ay mangyayari naman sa tuktok ng isang tila namamanaag na burol.   Nakatayo sa gitna nito ang isang upuang yari sa kawayan.  May balangkas ng riles ng tren sa may kanang gilid.  Sa kaliwang gilid, may hiwatig o anag-ag ng isang giray na bakod na bumubulusok tila patungo sa kawalan.

 

PANAHON:  Hapon

 

      Papasok ang ilang iskuwater at kabataang nagdedemonstrasyon – ang ilan, may taglay na plakard na nagpapahayag-protesta, tulad ng, “Ibagsak ang Imperyalismo!,” ““Hustisya sa mahihirap at pinagsasamantalahan!” atbp.  Sandaling sigawan ng mga hinaing at ipinaglalaban.  Pagkaraan, papasok si MARING, mula sa kabilang bahagi ng entablado, nakadamit ng may puti, pula, at bughaw na kulay.  Sandaling mapapatigil at magmamatyag ang mga demonstrador. Magpapaligid-ligid si MARING na tila may hinahanap. Lalapitan siya ng isa sa mga demonstrador.

DEMONSTRADOR:  Bakit po, Ale?

MARING (bahagyang lilingap):  Hinahanap ko ang aking mga anak…. Nakita ba n’yo?

 

      (Magdidilim.  Sa muling pagliliwanag, papasok ang mga iskuwater na nagkakaingay – mula sa tila kung saang mundo ng gunita’t alaala.  Pagkaraan, maririnig ang paghimpil ng isang sasakyan.  Papasok si DON DOMINIKO, kaantabay ang dalawang badigard. Haharapin at pagsasabihan ang mga iskuwarter.)

DON DOMINIKO:  Hanggang ngayon ba’y nandito pa kayo?  Lampas na kayo sa taning.  Dali-     dalian ninyo ang paglikas at naabala ang konstruksiyon.  Hindi ba kayo marunong umintindi?

 

ISKUWATER 1:  Limampung taon na kami rito.  Anong karapatan ninyong palayasin kami?

 

DON DOMINIKO:  May titulo ba kayo?

 

ISKUWATER  1:  Titulo?  Dito kami ipinanganak.  Dito nagkangmamatay ang aming mga ninuno.

 

DON DOMINIKO:  Nasa akin ang titulo ng pagmamay-ari.  Ito’y akin, naiintindihan n’yo?  Ngayo’y, pinalalayas ko kayo!

 

ISKUWATER 1:  Ang titulo ninyong huwad…!

 

DON DOMINIKO:  Aba, ang lintik na ito’t matigas mangatwiran!

            (Haharap sa MGA BADIGARD.)

 

      Mga bata, ayusin ‘yan.  Napakahirap kausapin.

 

MGA BADIGARD (haharapin ang iskuwater):  Ikaw ba ang matigas?  Ha?  Ha…?

 

             (Bubugbugin ng mga BADIGARD)

 

ISKUWATER NA BABAE (papagitan):  Huwag po.  Maawa kayo.  Huwag ninyong saktan ang asawa ko.

 

(Sasaklolo ang ilang kasamahang iskuwater ngunit , uumangan ng baril, at patuloy ang pambubugbog.)

Diyos ko, Pepe. Pepe!!!

(Magpapatuloy ang pambubugbog ngunit pagkaraan, muling magsasalita si DON      DOMINIKO.)

 

DON DOMINIKO:  Magtatanda na ‘yan.  Bibigyan ko kayo ng isa pang linggo para lumisan.  Kung maabutan ko kayong muli pagbalik ko, kasamang matutupok ng mga talahiban ang inyong mga kubo.  Mga hampaslupa!

 

            (Lalabas sina DON DOMINIKO at mga Badigard nito.)

 

ISKUWATER 3: May araw din ang mga hayop na ‘yan.

 

ISKUWATER 4: Matapang lang dahil may armas.

 

ISKUWATER 2:  Saan kaya tayo tutungo ngayon?

 

(Magsisilabasan habang nagbabalangkas ng kani-kanilang hakbang at patutunguhan.  Unti-unting mapapawi ang kaingayan.  Aawitin ang temang himig ng dula habang unti-unting nagliliwanag ang entablado at mahahantad ang estasyon ng tren.  Papasok si ANONG, nakasambalilong balanggot, mula sa di kalayuang gubat katabi ng itinatayong pabrika, sukbit ang kaluban ng itak sa tagiliran, may bitbit na piko at pasan ang ilang piraso ng kahoy na panggatong.  Tutungo malapit sa estasyon ng tren. Sandaling mauupo na tila inabot ng pagkapagal. Papasok ang tatlong batang may taglay na mga patpat – magtataguan, magsusubukan, at magbabaril-barilan.  Babalingan ni ANONG ang mga bata.)

 

ANONG:  Totoy!

 

TOTOY (magugulat):  Itay!

 

            (Maglalapitan ang mga bata.)

 

LUPO:  Nandiyan pala kayo.

 

ANONG:  Ang Nanay n’yo.?

 

TOTOY:  Umalis ho.

 

ANONG:  Ha?  Sa… saan nagpunta?

 

LUPO: Ewan ho namin. Basta lumabas.

 

ANONG:  Bakit ninyo pinabayaan?

 

TOTOY:  Hindi ho namin napansin.

 

DODI:  Naglalaro ho kami sa may gusali.

 

ANONG: Anong naglalaro sa… Hindi ba sinabi ko sa inyong huwag kayong makalapit-lapit doon at baka kayo mabagsakan ng bato?

 

TOTOY:  Ang kuya ho, e.

 

LUPO:  Anong ang kuya?

 

DODI:  Ikaw naman talaga ang nagyaya, e.

           

(Tatahimik si LUPO at mapapatungo.)

 

LUPO (tutunghay na tila maiiyak):  Wala ho kaming mapaglaruan.  Nakakainip sa atin.

 

DODI:  Saan nagpunta ang mga kalaro namin, itay?  Sina Pol, si Nilo, si Ana, si Neneng….

 

TOTOY:  Hindi ho ba sila babalik?

 

ANONG (matitigilan):  A… hindi na.  Giba na ang kanilang bahay.  Saan pa sila titira?

 

TOTOY: Bakit di pa tayo umalis na rin, itay?

 

LUPO:  Buti pa nga ho.  Hanapin natin sila.

 

DODI:  Napapanglaw dito sa atin.

 

ANONG (hihimas-himasin ang ulo ng mga bata.) :  Oo. Pero… saan ba tayo tutungo?

 

            (Sandaling tigil.)

 

TOTOY:  Saan kaya nagpunta ang inay, itay?

 

ANONG:  Nandiyan lang ‘yan.  Ang Ate Laura n’yo?  Nakauwi na ba?

 

            (Aakbayan ang mga bata.)

 

      Sige na.  Doon na kayo maglaro sa tabing bahay.  Bantayan ninyo ang inyong inay.

 

            (Malakas-lakas ang boses.)

 

      Huwag kayong lalapit sa gusali.

 

ANG TATLO:  Opo.

 

            (Akmang lalabas ang mga bata.  Mapapabaling si ANONG at tatawagin ang panganay na         

            Tila may naalaala.

 

ANONG:  Lupo!

 

LUPO:  Po?

 

ANONG:  Huwag mong kalilimutang pandawin ang mga bitag bago dumilim.

 

LUPO:  Opo.

 

ANONG:  Nandiyan ‘yong mga hawla sa batalan.

 

LUPO:  Opo.

 

(Lalabas ang mga bata.  Maiiwang nag-iisip si ANONG.  Maririnig ang tila papalapit na ugong ng tren  at hunihan ng nalilibo at nagliliparang mga ibon. Bahagyang liligid si ANONG na tila tinatanaw at makikiramdam. Hahagilapin ang sombrerong balanggot at magpapaypay.  Muling tatayo, tatanawin ang araw na nakahilig na at malapit na ring lumubog sa kanluran.  Pagkaraan’y hihilig at tila bahagyang naidlip, habang lumalamlam ang liwanag habang marahang pumapailanlang ang “Awit ni Anong.” Sandaling tigil habang inaawit ang “Awit ni Anong.”)

 

                                    AWIT NI ANONG

 

                                    Saan ka tutuloy,

                                    Saan ka lulunsad,

                                    Bukbuking katawang

                                    Naghahanap landas?

 

                                    Lulutang-lutang ka

                                    Na sisinghap-singhap

                                    Sa labi ng dilim

                                    Burang pangitain’y

                                    Gimbal na humapon

                                    Sa iyong talukap.

 

                                    Patay ang liwanag

                                    Na sa ‘yo’y tatanglaw

                                    Luksa ang gunitang

                                    Sa iyo’y dadalaw

                       

                                    Sa hampas-lagapak

                                    Ng puthaw na tangan

                                    Ang bahaw na taghoy

                                    Ang kinig na hiyaw

                                    Ng apat na sulok

                                    Sa iyo’y sasampal.

 

                                    Saan ka tutuloy.

                                    Saan ka lulunsad,

                                    Bakit di akyatin’y

                                    Bundok na mataas

                                    At nang sa kabila’y

                                    Sumapit na ganap?

 

( Papasok ang mag-asawang MANDO at ELA, bitbit ang mga gamit patungo sa estasyon ng tren, upang tuluyan nang lisanin ang lugal. Ibaba ang mga bitbit na gamit at lalapitan si ANONG na tila tuluyan ngang naidlip.  Hahawakan ito sa balikat at bahagyang yuyugyugin upang magising.)

 

MANDO:  Pareng Anong!  Pare, ano bang kay liwanag pa’y tila binabangungot ka na yata?    Hoy… Pareng Anong…!

 

            (Tila naalimpungatang mapapabalikwas si ANONG.)

 

ELA (nangingiting babatiin si ANONG):  Ano bang nangyari kay Ka Anong at dini pa nakatuwaang magpahingalay sa may estasyon?

 

ANONG (maghihikab):  Kayo pala, pare.

 

MANDO:  Mukhang napagod ka nang husto.  Nang datnan ka namin ay tila binabangungot ka.

 

ANONG (tuluyang malilinawan):  Wala.  Nag-iisip lamang ako.  Damdam ko’y hindi ko alam kung saan kami pupuntang mag-anak.

 

ELA:  Si kumareng Maring? ‘Asan si kumare?

 

ANONG: May nilakad lang. Paalis na kayo niyan?

 

MANDO:  Wala tayong magagawa.  May hawak na kasulatan ang matanda.  Hindi ba  kayo ginagambala.  Kakampi niya pati ang pamahalaan.

 

ANONG:  May pabalik-balik ngang bataan si Don Dominiko sa bahay. Iginiit kong hindi kami aalis.  Malayo naman ang bahay namin sa pabrika.  Sinabi  kong pabayaan na muna akong makiusap kay Don Dominiko.  Pero, ewan ko.  Pinagbabantaan ako, e.  Susubukan kong  makiusap muli. 

 

MANDO:  Mag-iingat ka.  Kung pupuwede nga lamang ba ang pakiusap, e, di hindi na nagsialisan ang mga tao rito.

 

ANONG:  Nasa labas ng bakod ang kubo namin.  Wala silang karapatang palayasin kami.

 

MANDO:  Ay, pare.  Para sa mga ganid na imperyalista at kapitalistang ‘yan, lahat na ng karapatan ay kanila. Kanila ang karapatang mang-alipin.  Pati pangungurakot ng yaman ng bansa natin’y inaari nilang karapatan.

 

ANONG:  Hindi.  Hindi nila kami mapapalayas.  Nandiyan ang aking hanapbuhay… ang maliit kong gulayan… ang mga ibon… ang lahat nang natitira pa sa amin.  Saan kami pupunta?  At paano ang aking mag-anak?

 

MANDO:  Lahat naman tayo, ganyan ang iniisip. 

 

ANONG:  Talaga kayang hindi maaaring makiusap?

 

MANDO:  Maniwala ka sa akin.  Hindi uubra ang pakiusap. 

 

            (Sandaling katahimikan.)

 

ELA:  Kumusta ba si kumare, ka Anong?

 

ANONG:  Mabuti.  Malimit nawawala sa bahay.  Lalo no’ng tila nga nagsilikas lahat ng ating kapitbahay.

 

ELA:  Kawawa naman. Napadaan siya sa may amin kanina.  Nagbatian kami.  Nginitian pa nga ako.

 

ANONG:  Sinabi ba kung saan siya tutungo?

 

ELA:  Parang may sinasabi siya pero hindi ko maunawaan.  Naglakad siya at pinagtitingnan ang labi ng mga ginibang kubo.

 

ANONG:  A….

 

ELA:  Dinadalaw rin ng panglaw marahil si kumare, ano, Ka Anong?

 

ANONG:  Oo nga.

 

            (Tigil.)

 

      Pasaan ang tungo n’yo n’yan?

 

MANDO:  Kahit saan. Sa Timog. Kung saan tumigil ‘yong tren.

 

ANONG:  Magulo roon, a.  Hindi ba ninyo nababalita?  Nagsisilikas ang mga tao sa Timog.

 

MANDO:  Baka may natitira pa kaming kamag-anak sa Timog.  Hahanapin ko sila.  Malay mo, baka pagbabang-pagbaba namin ng tren, nandoon silang sasalubong.

 

ANONG:  Alam ba nilang darating kayo?

 

MANDO:  Ni hindi ko nga alam kung may kamag-anak pa kami roon.

 

ANONG:  Sana’y makatagpo kayo ng tunay na tahanan.

 

MANDO:  Salamat. Sakaling lumisan kayo at walang mapuntahan, hanapin ninyo kami sa Timog.

 

            (Sislipin ni ELA ang bandang panggagalingan ng tren.)

 

ANONG:  Oo.  Maghahanapn tayo.  Mabuti ka pa.  May babalikan kang kamag-anak at kaibigan.  Masarap siguro ýon, ano.  Kuwentuhan, halakhakan, yakapan….ng mga matagal nagkalayo….

 

MANDO:  Sana nga nandoon pa sila.  Sa simula, magkukunwari akong pinalad at maligaya….

 

            (Bahagyang mapapahalakhak si ANONG.  Napapatakang babaling si MANDO.)

 

MANDO:  Bakit?

 

ANONG:  Wala.

 

            (Muling magtatawa.)

 

MANDO (makikitawa):  Katulad din kung muli tayong magkita.  Sa simula, marahil, magkukunwari muna tayong maligaya.

 

            (Magtatawanan.)

 

ELA:  Mando?  Hindi ba wika moý may ibibigay kay ka Anong?

 

MANDO:  Ku, e, buti’t pinaalaala mo.

 

(Tutunguhin ang dala-dalahan at maghahalungkat.)

 

ELA (alangang kay ANONG, alangang sa sarili):  Saan na kaya nangapadpad ang ating mga kapitbahay?

 

            (Tatanawin ang bandang may pabrika.)

 

      Hinapay nila ang mga punongkahoy.  Hinawan ang talahiban.  Baka nangalibo nang lahat ang mga ibon, ano, pare?

 

ANONG:  Hindi naman marahil.

 

ELA:  Pero pag natapos maitayo ang pabrika, siguradong lalamunin ng itim na usok ang paligid.  Patay ang negosyo mo.

 

ANONG:  Maaari bang lumayas nang basta-basta ang mga ibon?

 

ELA:  ‘Yon na nga, pag nilamon ng itim na usok ang paligid, may makakatagal pa bang hayop diyan?  Makikita mo.  Mga ibong bakal na lamang ang lilipad sa langit.

 

            (Lalapit si Mando, taglay ang isang paris ng glab na pamboksing.)

 

MANDO (iaabot ang glab kay ANONG):  Iiwan ko na sa iyo ito.

 

ANONG (matatawang nabibigla):  Putris! E, anong gagawin ko rito?

 

MANDO: Itago mo.  Malay mo, baka may tumubong boksingero riyan sa mga anak mo.  Akoý walang pamamanahan.

 

ANONG (kukunin at pagbibiling-bilingin ang glab):  Salamat.  Wala man lamang akong maipabaon sa iyo.

 

MANDO:  Huwag mong isipin ýon. Pag nagkita uli tayo, sana pareho na tayong maykaya….

 

            (Magkakatawanan.)

 

ANONG:  Teka…

 

            (Hahagilapin ang kanyang sambalilong balanggot, iaabot kay MANDO.)

 

      Kunin mo kaya ito.

 

MANDO:  Hindi, a.  Pare, kailangan mo ýan. Saka na, yang glab talagang di  ko papakinabangan.

 

ANONG:  E, ito rin. Di ko naman maipanghuhuli ng ibon?

 

MANDO:  E, buong buhay ka na lang bang manghuhuli ng ibon?

 

ANONG (ibababa sa torso ang sambalilo):  A, e, ikaw ang bahala.  Talagang wala akong maipababaon sa iyo.

 

(Tatapikin lang ni MANDO si ANONG sa balikat. Mula sa malayo, maririnig ang ugong ng papalapit na tren. Babaling si ELA sa asawa.)

 

ELA:  Mando!

 

(Bibitbitin  ni ELA ang balutan.  Kakargahin ni MANDO ang iba pa nilang dala at magkasunod silang lalabas.)

 

MANDO:  Sige, pareng Anong.  Magkita na lamang tayo sa Timog.

 

ANONG (kumakaway):  Hahanapin namin kayo pag nadako kami roon.

 

ELA:  Ikumusta mo na lamang ako kay kumare.  Ipapanalangin kong gumaling siya.

 

ANONG:  Salamat.  Ingat kayo.

 

(Patuloy na kakaway si ANONG hanggang makalayo ang tren. Pagkaraan, titingin sa malayong tila sinasalamin ang  kalawakan.  Magdidilim.  Magliliwanag sa burol. Pagkaraan ng sandaling katahimikan, muling maririnig ang ragasa ng papalapit na tren.  Hihinto at pagkaraaný muling hahagibis na palayo.  Hindi titinag si ANONG.  Pagkaraan, papasok si DULCE, nakaluksa, at may bitbit na maletang tila bagong kalulunsad.  Lalapit kay ANONG.)

 

DULCE (ibaba ang maleta): Mama, maaari po bang magtanong?

 

ANONG (hindi pansin ang babae):  Oo.

 

DULCE:  Papaano po ba ang daan papuntang San Antonio?

 

ANONG (ingunguso):  May kalye roon.

 

DULCE: Saan po?

 

ANONG (mapapatunghay):  Doon.

 

DULCE (bahagyang magugulat pagkamalas kay ANONG):  Doon po?

ANONG (lalakad pakaliwa):  Halikayo…

 

            (Bibitbitin ni DULCE ang maleta at susunod kay ANONG.)

 

ANONG:  Natatanaw ninyo ýong bakod na kawad?  Sa kabila noon ay may kalsada.  Maglakad-  lakad kayo nang kaunti pakanan at makakakita kayo ng naghimpil na dyip.  Papunta ‘yong San Antonio.  Mga tatlong kilometro mula rito.

 

DULCE (matamang pag-aaralan ang mukha ni Anong):  Salamat po.

 

(Babalik sa upuan si ANONG.  Ang babaeý mananatili sa pagkakatayo.  Walang tinag na waring nag-iisip.)

 

ANONG (nakatanaw sa babae):  Deretsuhin lamang ninyo yang lana diyan.  Hindi kayo maliligaw.

 

            (Hindi titinag ang babae.)

 

        Bakit po?

 

DULCE (babaling at muling pagmamasdan si ANONG):  Wa… wala.  May lusutan ba sa bakod na kawad?

 

ANONG:  Deretsuhin nga ninyo ýong lana.  May guwang do’n na puwede kayong lumusot.

 

DULCE:  Sige po.

 

(Bibitbitin ang maleta at akmang lilisan ngunit muling mag-aatubili.  Pagmamasdan siya siya ni ANONG .  Lalakad nang kaunti.  Muling babaling.  Magkakatinginan ang dalawa.)

 

ANONG (kukutuban):  Bakit po?

 

DULCE (akmang lilisan):  Wala.

 

ANONG (pasigaw):  Ale!

 

            (Mapapahinto si DULCE.)

 

DULCE:  O…?

 

ANONG:  Wala… kasi… sa San Antonio ba talaga ang punta n’yo?

 

DULCE:  Oo.

 

            (Tatalikod.)

 

ANONG (malakas, habang akmang lulusot ng bakod ang babae):  Ang boses n’yo, parang di bago sa akin.  Saan ko  kayo nakita?

 

DULCE (mapapabaling):  Anong?  Sinasabi ko na ba’t ikaw si Anong!

 

ANONG:  Dulce?

 

DULCE (lalapit):  Ikaw nga si Anong. Si Anong ka ba?

 

ANONG (mapapakamot sa ulo, ilaladlad ang kamay at pagmamasdan ang babaeng hindi makapaniwala):  O, anong laking himala….

 

DULCE:  Anong ginagawa mo rito?

 

ANONG:  Bakit ka napadpad rito? Saan ka nagbuhat?

 

DULCE:  Dito ka ba nagpunta nang mawala ka?

 

ANONG (mababalisa):  O…

 

DULCE:  Mahigit nang dalawampung taon.  Baka hindi mo alam.  Ilang taon muna kitang hinintay noon bago ako umalis sa atin.

 

ANONG:  Hindi nga ako nakabalik.

 

DULCE:  Nangako ka.

 

ANONG:  Matagal na ‘yon.

 

DULCE:  Matagal na nga.  Pero nasa isip ko pa.

 

ANONG (tila nanunuyang mangingiti):  Ibig mong sabihin, mahal mo pa ako?

 

DULCE:  Nasisiraan ka ba?  Ang ibig kong sabihin ay ‘yong mga kataksilang ginawa mo.  Diyos ko, ‘yong mga kataksilang ginawa mo….

 

ANONG (tila mabubunghalit ng tawa):  Hindi ko akalain… mahal mo pa nga ako.

 

DULCE:  A, lintik! Ngayon tayo magtuos.

 

ANONG:  Matagal na ‘yon.

 

DULCE:  Hindi.  Nilayasan mo ako’t sabi moý makikipagsapalaran ka sa Maynila.

 

ANONG:  Oo.

 

DULCE:  Namuti ang mata ko nang kahihintay sa ‘yo.  Saan ka nagsuot?

 

ANONG:  Nag-asawa.

 

DULCE (tataas ang boses na waring napahiya):  Ha?  Nag-asawa ka?

 

ANONG:  Oo. Ikaw?  Wala ka pa?

 

DULCE:  Kamamatay lang.

 

ANONG (iaabot ang kamay):  Nakikiramay ako.

 

DULCE:  Salamat.

 

ANONG:  Kumusta naman ang buhay mo nang halos dalawampung taon na ba ‘yon?

 

DULCE:  Walong taon pa lamang kaming nakakasal. Ilang taon muna akong nagbakasaling babalik ka.  Naglagalag din ako.

 

ANONG:  Akala ko nga’y makakabalik ako.  Pero naaksidente.

 

DULCE:  Naaksidente?

 

ANONG (bahagyang mapapahalakhak):  Ha, ha… Naaksidente.  Nasilo.

 

DULCE:  Ang walanghiya!

 

            (Mapapahalakhak din.  Pagkaraan’y tatahimik.)

 

ANONG:  Ikaw?

 

DULCE:  Doon ako nakapangasawa sa Mindanao.

 

            (Dudukot at magsisindi ng sigarilyo.)

 

      Sigarilyo?

 

ANONG:  Sige. Hindi.

 

DULCE:  Sige na.

 

(Aabutin ni ANONG ang sigarilyo. Magsisindi, hihithit, uubuhin.  Itatapon ang sigarilyo.)

 

DULCE (magbubuga ng usok):  Mayaman ang asawa ko.  Nakalayaw ako nang husto.

 

ANONG:  Pang-ilan ka?

 

DULCE:  Pang-apat.

 

ANONG:  Hindi na masama.

DULCE:  Talaga.  Marami akong natipong alahas.

 

            (Tatayo.  Tatango-tango si ANONG na nakamalas kay DULCE at tila humahanga.)

 

May sarili akong silid.  Napakaganda.  May latag na alpombra ang sahig.  Malaginto ang kurtinang nangingintab lalo pag nasikatan ng araw.  Sa may pintuan, nakasabit ang gandingan na ginto rin at siya kong tinutugtog kung nais kong tumawag ng alila. At napakalambot ng higaan.  Malayong masarap higaan kaysa papag.  Sa umaga, ginigising ako ng huni ng loro sa hawlang nakabitin sa tapat ng aking bintana.  At saganang-sagana ako sa pagkain – prutas, malalaking isda. Natatandaan mo ‘yong napanood natin sa sine no’ng ating kabataan – ‘yong “Bagong Buwan?”  Ganoon ang buhay ko.  Tulad ng prinsesa sa sine.

 

ANONG:  Walong taon kang nakabilanggo?

 

DULCE:  Anong nakabilanggo?  Kailangan ko pa bang lumabas samantalang nandoon nang lahat ng pangarap ko sa buhay?

 

ANONG:  Naaawa ako sa ‘yo.

 

DULCE:  Lintik na… puweee! Ano ka?

 

ANONG:  Bakit namatay ang asawa  mo?

 

DULCE:  Ha? 

 

            (Lalakad na tila nag-iisip.)

     

May labanan sa Mindanao.

 

ANONG:  Napatay sa labanan?

 

DULCE:  Sagana kami ngunit hindi ang karamihan.  Nagkakagutuman sila.  Nagsipag-aklas.  Kinulimbat ang yaman ng aking asawa.  Malalakas sila.  Walang nagawa ang mga maykapangyarihan.  Hindi nailigtas ang aking asawa nang ito’y bihagin, kaladkarin sa lansangan, at pagbabarilin ng mga rebelde.

 

ANONG:  Ibig mong sabihin ay galit nag alit ang mahihirap sa mayayaman?

 

DULCE:  Galit na galit.

 

ANONG (sa sarili):  Putang-inang mayayaman.

 

DULCE:  Ano kamo?

 

ANONG:  Wala.  Mabuti’t di ka nasaktan.

 

DULCE:  Hinuli ako.  Nguni’t pinalaya rin.  Sabi nila’y biktima lang ako ng kabuktutan ng matataas.

 

ANONG:  Naintindihan mo ‘yong sinabi nila?

 

DULCE:  Aywan ko.  Kailangan pa ba?  Nakaligtas naman ako.

 

            (Bahagyang hahalakhak si ANONG.)

 

DULCE:  Anong nakakatawa?

 

ANONG:  Ang buhay.

 

DULCE:  Aling buhay?

 

ANONG:  Ang buhay ng dalawampung taong yaon.

 

DULCE:  Anong nakakatawa roon?

 

ANONG:  Ikaw.

 

DULCE (tataas ang boses):  Akoooo???

 

ANONG:  Nalimot mo na ang iyong pinagbuhatan. Basura ka lamang nang ligawan kita noon….

 

DULCE (tataas ang boses):  Ang lintik at sinong basuraaaa ???

 

ANONG:  Ang ibig kong sabihin ay…. Totoo bang lahat ang sinasabi mo?

 

DULCE:  Totoong totoo.  Bakit?  Hindi ka makapaniwala?

 

ANONG:  Naniniwala akong may labanan at napatay ang asawa mo.

 

DULCE:  Hindi ka nga naniniwala.  Dahil hindi mo nararanasan.  Dahil patay gutom ka na, ano? Tingnan mo ang hitsura mo.  Ni wala ka na yatang maisuot.  Ooooo…. salamat po sa Diyos at hindi tayo nagkatuluyan.

 

ANONG (natutubigang tila nababalisa):  Sinong patay gutom?

 

DULCE:  Ikaw.

 

ANONG: ‘Tang na.  Hindi.  Nataunan mo lamang ako na ganito ang suot dahil kagagaling ko sa trabaho.

 

DULCE:  Bakit ano bang trabaho mo?

 

ANONG:  Nagkukumpuni ng riles ng tren.

 

DULCE:  Ayon! At paano ka mabubuhay sa pagkukumpuni ng riles ng tren?

 

ANONG (tila napahiyang maghahagilap ng sasabihin):  Aba… may… may asawa naman ako, a.

 

DULCE:  Anong magagawa ng asawa mo?

 

ANONG (mapapangiting tila nangangarap):  Mayaman ang asawa ko.  Naglalako ng bulaklak.

 

DULCE:  Naglalako ng bulaklak?

 

ANONG:  Oo.  ‘Yon ang negosyo n’ya.  Noong binata pa ako, napapadaan ako sa tindahan n’ya.  Doon ko siya nakilala.  Kaunting kindat, kaunting ngiti, nalamukot ang puso.  Nagtipan kami isang gabi.  Madilim noon.  Nakalimot. At ‘yon nga, napakasal ako.

 

DULCE:  Napakasal ka.

 

ANONG:  Napakasal ako.

 

DULCE:  Nasa bahay ngayon ang asawa mo?

 

ANONG (kakapusin):  Ewan....

 

DULCE:  E, saan ka ba talaga nakatira?

 

ANONG (atubiling ituturo):  Do…doon.  Doon sa malayo.

 

DULCE:  Diyan sa barong-barong?

 

ANONG (may kaunting panginginig ng boses):  Hi… hindi.  Titira ba ako riyan?  Sa kabila niyan.  Malapit sa nagtataasang gusaling yaon.

 

DULCE:  Mabuti naman.

 

            (Mapapaupo si ANONG at bahagyang mapapahalakhak.)

           

      O, Anong nakakatawa?

 

ANONG:  Ang buhay.

 

            (Aalik-ik ng tawa si DULCE.  Mapapatanga si ANONG.)

 

      Anong nakakatawa?

 

DULCE:  Ang buhay.

 

            (Hihithitin nang mahaba ang sigarilyo.  Magbubuga ng usok at itatapon ang upos.)

 

      Kumusta ang mga anak mo?

 

ANONG (tila nangangarap):  Malulusog sila. 

 

DULCE:  Malaki na siguro ang panganay  mo, ano?

 

ANONG (magpapawala ng maikling halakhak):  Nag-aaral sa pribadong eskwelahan sa bayan...

 

DULCE:  Mabuti ka pa.

 

            (Pagmamasdan si ANONG at mapapakunot-noo.)

 

      Pero... bakit ganyan ang suot mo?  Namamayat ka.  Hindi ako makapaniwala...

 

ANONG (nakatungo, hindi kaagad makasagot):  E, kagagaling ko nga sa trabaho.

 

            (Tutunghay bigla.)

 

      Sa’n ka ba nakakita ng nagkukumpuni ng riles ng treng nakadisente?  Ano ang inaasahan mong makita?  Naka-barong ako, hawak ay piko’t hinahampas ang daang-bakal?  Gaga ka ba?

 

DULCE:  Hindi ako naniniwala.

 

ANONG: Di huwag!

 

DULCE:  Totoo ba?

 

ANONG (magpapawala ng maikling halakhak saka ihahampas ang glab) :  O, panginoon ko, oo....

 

DULCE (tataas ang boses):  E, bakit mo ako iniwan noon?

 

ANONG:  E, nag-asawa nga ako...!

 

(Papasok si LAURA, may taglay ng dahon ng laing at mga bulaklak ng rosal at sampagita.)

 

ANONG (pausal): Ang aking anak....

(Nakatanaw lamang si DULCE.  Lalapit si LAURA at akmang sasalubungin ni ANONG.)

 

      Laura, anak.  Saan ka nagbuhat?

 

LAURA (nakangiti, nakasulyap bahagya kay DULCE):  Diyan lang, itay.  Inutusan ako ng inay manguha ng lain para hapunan.  Namitas rin ako ng bulaklak.  Bango ng ilang-ilang, ‘tay, o....

      (Napapatakang nakatingin pa rin kay DULCE. Lalapit si DULCE sa mag-ama.)

 

ANONG:  A, ito si Aling Dulce.  (kay DULCE) Si Laura, panganay ko.

 

LAURA (aabutin ang kamay ni DULCE):  Kumusta po?

 

DULCE:  Mabuti.

            (Hahawakan sa balikat, mangingiti, at bahagyang yayakapin ang bata.)

 

LAURA (ipagpaparangalan ang mga bulaklak):  Hindi ba kayo nagagandahan sa mga bulaklak ko?

 

DULCE (hahagkan ang mga bulaklak):  Pagkagaganda.  Halika, sandali. Mamumupol pa tayo.

 

      (Babaling si LAURA kay ANONG.)

 

LAURA:  Itay...?

 

ANONG (kukunin ang bungkos ng dahon ng lain at mga bulaklak sa anak):  Sige, anak....

 

(Lalabas sina DULCE at LAURA, tungo sa bandang gubat.  Tila nalimutang ganap ang walang tinag na si ANONG.  Maririnig na muli ang tinig ni LUPO sa dilim habang naglalaho ang burol.)

 

LUPO (humahangos na lalapit sa ama):  Itay!  Itay!

 

ANONG (tila nagulantang):  Bakit, Lupo?

 

LUPO:  Nagpunta muli ro’n ang mga guwardiya ni Don Dominiko.  Hinahanap kayo.

 

            (Unti-unting liliwanag sa may estasyon ng tren.)

 

      Babalik daw mamaya....

 

ANONG (hahagilapin ang piko at hahawakan ng mahigpit):  Nando’n pa ba ang mga hayop?

 

LUPO:  Umalis po nang sabihin kong kayo’y wala.  Nguni’t babalik daw.

 

ANONG:  Ano ba sila?  Malayo naman ang bahay natin sa pabrika.  Anong gusto nilang mangyari? 

 

LUPO:  Natatakot po ako.

 

ANONG:  Huwag kang matakot.  Hindi nila tayo mapapakialaman.

 

LUPO:  Palaging pumapatrulya ang mga mamang nakabaril.

 

ANONG:  Wala tayong mapupuntahan. 

 

LUPO:  Hindi ba minsan may nabanggit kayong mga Lolo natin sa Palawan, itay?

 

ANONG:  Patay na silang lahat.

 

LUPO:  Patay na po sila?

 

ANONG:  Malaon na.  Ang itay ay namamasukan no’n sa pabrika ng troso.  Tagapagtaas ng kahoy at tagakamada sa lagarian.  Sumusuweldo ng sandaang piso ang araw.  Matiwasay na sana ang buhay namin kahit mahirap kundi sinamang-palad na maaksidente ang Tatay sa lagarian ding yaon.

 

LUPO:  Naaksidente po?

 

ANONG:  Nagulungan ng troso.  Isang tanghali, nagkakamada ang itay nang mapatid ang tanikalang nakahadlang sa salansan.  Nalasog ang katawan.  Sumabog ang utak. Maraming nakipagluksa at dumamay.  Sinikap bumangon ng Lola mo, pagkaraan. Nagtayo ng isang munting tindahan ng pagkain. Maayos naman sana dahil, pinag-aaral ako nila sa kolehiyo sa Maynila, ngunit di rin nagtagal ang Inay. Pagka-limang taon, pumanaw rin.  Napulmonya. ‘Yong dalawa ko pang kapatid, naglagalag din hanggang Bikol.  Doon na sila sa Bikol, nagkaasawa at nagkapamilya. Nasa Maynila ako noon, at isang taon na lang ay naging inhinyero sana kung di lang namatay nga ang Lola mo at natigil na ako sa pag-aaral. Nakipagsapalaran, pumasok sa  konstruksiyon, hanggang magkita nga kami ng Nanay mo.

 

LUPO:  Sa Maynila po?

 

ANONG:  Nagtitinda siya ng kuwintas ng sampagita sa harap ng simbahan ng Quiapo. Basta na lang kami nagtanan, sumakay ng tren, at pupunta sana sa mga kuya ko sa Bikol, ngunit hanggang dito lang sa San Juan kami umabot, dahil may ilang kakilala ang Nanay ninyo dito nga sa mga nagkumpol-kumpol na kabahayan dito sa baybay ng riles ng tren.  Maayos naman sana ang buhay natin dito, kundi nga lang sa mga kapitalistang ‘yan na biglang-sulpot at gustong kamkamin ang lahat ng lupa dito para sa kanilang pabrika. Halos tatlumpong taon na rin tayo rito.

 

LUPO:  Oo nga po.  Pinaggi-giba na rin ang bahay diyan sa kabila.  Tayo na lang po yata ang natitira, pero nando’n na naman po ang nagpapalayas sa atin.

 

ANONG (aaluin ang anak):  Huwag kang matakot, nandito ako.  Saka kung makahanap tayo ng matutuluyan diyan sa kabayanan o sa bandang Timog... sa Bikol, baka mahanap natin ang mga kuya.  Kailangan din lang maiayos ang inyong ina. 

 

(Maalaala at hahagilapin ang glab na iniwan ni MANDO at ELA, kalilisang kapitbahay at kaibigan nila. Iaabot ito sa anak.)

 

      O, ito, anak. Sa ‘yo na ito.

 

            (Isusuot ang glab sa kamay ng bata.)

 

Ganyan...

 

(Pabirong aambaan ng suntok.)

 

      Sige, suntukin mo ako.

 

(Mapapangiti si LUPO.  Pagkaraan, magkakatuwaan ang mag-ama.  Halakhakan.  Magboboksingan.  Pagkaraan’y parehong malulupasay sa upuan.)

 

LUPO:  Magboboksingero na lamang po yata ako paglaki ko, itay.  Siguro’y maraming pera ro’n.

 

ANONG:  Kung magboboksingero ka, kailangang matibay ang katawan mo.

 

LUPO (tatayo at ipagmamayabang ang kanyang katawan):  Malaki po naman ang katawan ko, a.  O....

 

ANONG (magtatawa):  Hahaha... malaki ang buto. Hahaha...

 

LUPO:  Pero lalaki po ‘yan, itay.  Mas mabuti naman ang boksingero kaysa piyon sa konstruksiyon....

 

ANONG:  Magtatapos ka muna ng pag-aaral.  Hayaan mo...   

 

(Sandaling tigil. Mula sa malayo, maririnig ang ugong ng tren papalapit.  Mapapatda si  ANONG.)

 

      Ang inay mo, hindi pa ba umuuwi ang inay mo?

 

LUPO:  Hinahanap na po nina Totoy at Dodi.  Naroon daw po sa rali ng mga kapitbahay natin kanina, tapos naglakad na lang palayo sa gubat.  Baka samahan si Ate Laura para mamitas sa gulayan.

 

ANONG:  A, babalik din ‘yon.  May huli ba ang mga bitag?

 

LUPO:  Meron po.  Ipinagsisilid ko sa hawla.

 

ANONG:  Mabuti.  Mabuti. 

 

            (Mangingiti.)

 

      Sinabi  ko na ba’t hindi pa nasasaid ang mga ibon.

 

            (Babaling kay LUPO.)

 

      Magbantay kang muli sa bahay.  Hihintayin ko ang mga Nanay mo.

 

LUPO (akmang lilisan):  Opo.

 

 (Lalabas ang bata.  Pupunta si ANONG sa may gawing kanan at anyong tatanawin ang hinihintay.  Nakatitig sa malayo. Pagkaraan, sisipol-sipol na atila ginagagad ang huni ng mga ibon.  Magdidilim sa estasyon.  Maliliwanag sa burol.  Ngayo’y magkaagapay na nakaupo sina ANONG at DULCE, animo’y parehong nangangarap.  Makaraan ang ilang saglit, papasok ang BALIW (MARING) at aaligid sa dalawa.  Kakanta-kanta, iindak-indak, hahala-halakhak.  Tila nahihintakutan si ANONG pagkakita sa baliw ngunit hindi magpapahalata.)

 

AWIT NI MARING:  Kami po ay naghahanap

                                    Ng nawaalang bulaklak

                                    Nasaan bagan nasaan

                                    Dilag na mutya ng parang

DULCE (mapapakapit kay ANONG):  Sino ‘yon?

 

ANONG:  Baliw.  Hindi mo ba nakikita? Baliw.

 

MARING (ipagpapatuloy ang pag-awit habang nakaharap sa manonood):

 

                                    Ang tangi kong sinta’y lumisan

                              Tungo sa dako na abot ng ‘yong pananaw

                                    Ang tangi kong  mutya’y naglakbay sa kaitaasan

                                    Bukas, babalik ding taglay ang ningning ng araw

 

(Aalik-ik ng tawa.  Muling liligid sa dalawa.  Makailang-saglit, biglang titigl sa harap

            Ni ANONG at susurutin ito.)

 

Ikaw, lalaki.  Mamamatay na sa gutom ang mga anak mo, nakikipaglandian ka pa!

(Muling aalik-ik ng tawa.  Hindi kikibo si ANONG, ngunit, pagkaraan, tatayo at makikipagtudyuhan kay MARING. Halakhakan t kikilitiin ito sa tagiliran.  Natutulalalng nakapanood si DULCE.  Maririnig ang pag-usal ni ANONG ng “kiliti, kiliti, kiliti” habang sinusurot sa tagiliran si MARING na patuloy namang umaalik-ik ng tawa.  Makailang-saglit, lalayo ang BALIW at haharapin si DULCE.  Hihilahin ito sa kamay.)

 

MARING:  Dalahira!

            (Aalik-ik)  Sayaw tayo... sayaw...

 

            (Kakanta at aalik-ik ng tawa):  Ang dilag kong rosal sa hardin

                                                              Ninakaw ng kung sinong haling,

                                                              Bubuyog, bubuyog

                                                              Ibalik ang kinuha sa ‘kin.

 

                                                              Aba hari na walang muwang

                                                              Si paruparo ang nagnakaw

                                                              Sinimsim ang nektar

                                                              At saka pinupod sa tangkay

 

            (Mahihilang papalapit si DULCE, halos mahandusay.)

 

DULCE (pasigaw): Anong! Ano ba?  Tatanga-tanga ka riyan!

 

(Hindi kikibo si ANONG.  Magpapambuno ang dalawa at mapapasalya ang BALIW habang kumakawala naman si DULCE. Hahalakhak si ANONG.)

 

DULCE (duduraan ang baliw):  Puweeee!

 

            (Haharapin si ANONG)  Ikaw, kita mong nasasaktan akoý wala kang ginagawa!

 

ANONG (tatayo at pagsasabihan si MARING):  Umuwi ka na sa bahay!  Hala, uwi. Alis na!

 

            (Patuloy na aawit habang lumalabas si MARING.)

 

MARING:  Kami po ay manlalakbay

                   Na sa inyoý namamaalam

                   Ang bulaklak na pumanaw

                   Nasaan o nasaan?

 

            (Lalabas.  Lilikmo si ANONG at magpapawala ng maikling halakhak.)

 

DULCE (haharapin si ANONG):  Talaga palang hayop ka, ano?  Binubuno na ako ng anak ng putang baliw ay nakatanga ka lamang.

 

ANONG:  Putang ina!

 

DULCE:  Ano kamo?

 

ANONG:  Wala.

 

            (Saglit na katahimikan.)

 

DULCE:  Tagasaan ýong babaeng ýon?  Bigla na lang sumulpot.

 

ANONG:  Ewan ko.

 

DULCE:  Tagarito kaý hindi mo alam?

 

ANONG:  Hindi sabi ako tagarito.  Tagaroon ako sa malayo.

 

DULCE (tatayo, titingnan nang matalim ang manonood):  Marami na yatang nasisiraan sa mundo.  Sa palagay mo, Anong, ilan sa kanila ang nasisiraan?

 

ANONG:  Baka nasisiraang lahat.

 

DULCE:  Sino nga bang hindi masisiraan kung nagugutom ka na’y tuyong-tuyo pa ang paligid?

 

ANONG:  Aba, hindi.  May natitira pang ibon diyan.

 

DULCE:  Saan?

 

ANONG:  Diyan sa paligid.

 

DULCE (tutungo sa may gilid at magmamasid):  Paano magkakaibon diyan, e, puro bato ang nakikita ko – gusaling bato, parang na bato, taong bato... puro bato!

 

ANONG:  Di mo matanaw dito.  Pero doon sa  malayo, may natitira pang gubat at talahiban.

 

DULCE: Mabuti pa sa Mindanao.

 

ANONG: Ano sa Mindanao?

 

DULCE:  Kung hindi nga lamang nagkagulo, disiný mananatili ako sa silid kong ginto.

 

ANONG:  Nakabilanggo.

]

DULCE:  Kahit na nga.  Nakapanungaw naman ako sa napakagandang tanawin—dagat, bundok, kakahuyan.  Saka hindi nasasaid ang ibon doon.

 

ANONG:  Napuntahan mo na ba ang mga bundok at kakahuyan yaon?

 

DULCE:  Hindi pa.

 

ANONG:  Paano mo masasabing maganda?

 

DULCE:  Natatanaw ko nga.

 

ANONG:  Hu, alam mo bang doon sa mga gubat na yaon nagtatago ang mga sundalo?  Lalong maigting ang labanan doon.  Kita mo, pag nagputukan at naghulog ng bomba, mangangalibong lahat ang mga ibon.

 

DULCE:  A, kahit anong sabihin mo... sagana ang buhay ko roon.

 

ANONG:  Sa iyong bilangguan.

DULCE:  Anong bilangguan?

 

ANONG: ’Yong gintong kuwartong pinagtalikan ninyo ng asawa  mong dayukdok.

 

DULCE:  A, lintik!  Patay gutom!

 

ANONG:  Hindi.

 

            (Sandaling tigil.)

 

      Maganda nga ba ang buhay sa Mindanao, Dulce?

 

DULCE:  Magulo nga lamang sa ngayon.

 

ANONG:  Pero may lugal na matahimik.

 

DULCE:  May ilang pook na hindi inaabot ng labanan.

 

ANONG:  Kung lilipat ba kami roon, may mabubungkal ba akong lupa?

 

DULCE:  Bakit ka lilipat doon, e, sagana ka naman dito?

 

ANONG (maikling halakhak):  Hu, bakit nga ba?

 

DULCE:  Kung gusto mo naman, sumama ka na lamang sa akin.  Baka bumalik ako roon,

 

ANONG:  May pamilya ako.

 

DULCE:  A, siyanga pala.

 

ANONG:  Bakit ka pa babalik doon?  Bakit hindi na lamang dito.  Sa San Antonio ba ‘kamo?

 

DULCE:  Hindi maaari.

 

ANONG:  Hindi maaari?

 

DULCE:  Alam mo naman ang mga tao rito sa amin.  Balitang-balita roong asawa ako ng asawa kong maraming asawa.

 

ANONG:  Patay na ang asawa mo.

 

DULCE:  Kahit pa.  Lalo pa ngang magtatawa.  Sasabihing, “Ayon ang napala....”

 

ANONG:  Huwag mong pansinin.

 

DULCE:  Papaanong hindi?  Ikaw ba matatagalan mo ‘yon?

 

ANONG:  Ha?

 

DULCE:  Uuwi ka pa ba sa atin?

 

ANONG:  Patay na ang magulang ko.  Sino pang uuwian ko ro’n?

 

DULCE:  Hinintay kita nang matagal.

 

            (Tila maiiyak.)

 

      Pinangarapan kong pagbalik mo’y marami kang dala at magpapakasal na tayo.  Magkakaanak.  Mabubuhay nang tahimik.  Magiging  maligaya.  A, ang mga dalamhating tiniis ko sa paghihintay sa ‘yo.  Ano kang tao ka?  Nawala lamang ako sa paningin mo, nakalimutan mo na?

 

ANONG:  Wala... nagkaasawa ako.  Anong magagawa ko?

 

DULCE:  Ganoon ba talaga ang buhay?

 

ANONG:  Siguro.

 

DULCE:  Pero maligaya ka?

 

ANONG:  Aba, oo.  Maligaya.  Oo. Oo.

 

DULCE:  Gusto kong dumalaw sa inyo minsan.

 

            (Hindi sasagot si ANONG.)

 

      Selosa ba ang asawa mo?

 

ANONG:  Hindi naman.

 

            (Sandaling katahimikan.)

 

            Sinong pupuntahan mo sa San Antonio?

 

DULCE:  May pinsan ako riyan.

 

ANONG:  Bakit ka nag-iisa?  Papaano ang mga anak mo?

 

DULCE:Wala.

 

ANONG (bahagyang mapapahalakhak):  Wala kang anak?

 

DULCE:  Anong masama roon sa walang anak?

 

ANONG:  Wala.

 

DULCE:  Nalulungkot din nga ako.

 

            (Sandaling katahimikan.)

 

      Ganoon pala ýon, ano? Pag wala ka nang kasama sa buhay.  Habang nandoon sila, wala kang nadarama.  Kung minsan, kinaiinisan mo pa ang lahat.  Pag naglisanan na, saka ka maghahanap.

 

ANONG:  Sa simula lang ‘yon.

 

DULCE:  Pero araw-araw, tumitindi ang damdamin ko.  Baka mamatay akong nakaluksa.

 

ANONG:  Maghubad ka.  Itapon mo ang lahat ng napulot mong yaman sa asawa mo.

 

DULCE:  Bakit  ko itatapon? Di naghikahos ako?

 

ANONG:  ‘Yon na nga.  Para mawala ang iyong pangungulila.  Pag mahirap ka na, wala kang madarama kundi galit kapag ikaw’y nagugutom o tuwa kung nakakakain ka.  Payak lamang ang damdamin ng mahihirap.  Kung minsan nga, walang damdamin, pulos paghihirap.

 

DULCE:  Hayop lamang ang walang damdamin.

 

ANONG:  Malimit nagmimistulang hayop ang mahihIrap.  Tila asong gutom na lawit ang dila at naghihintay ng iduduldol ng kanilang panginoon.

 

DULCE:  Nasisiraan ka na ba, Anong?

 

ANONG:  Hindi.  A... Akoý nangungulila.

 

            (Tigil.)

 

DULCE:  Aalis na ako.

 

ANONG:  Alam mo na ang pupuntahan mo?

 

DULCE (tatanaw sa kaliwa):  Oo.  Lalabas ng kawad. Pakanan... sasakay sa dyip...

 

            (Bibitbitin ang maleta.)  Sige.  Aalis na ako....

 

ANONG:  Mag-ingat ka....

 

            (Lalabas si DULCE.  Sandaling aaninagin ni ANONG ang lugal na tinungo ni DULCE.      Magdidilim.  Aawitin ang temang himig ng dula habang unti-unting nagliliwanag sa estasyon. Isusuot ni ANONG ang sambalilong balanggot, pupulutin ang piko at mga pinanguhang kahoy panggatong at akmang maglalakad pauwi. Papasok si LAURA, akay-akay ang ina, si MARING, mula sa pamimitas ng gulay at mga bulaklak. Sasalubong sa ama.)

 

LAURA:  Itay!  Itay!

 

ANONG: O, nandiyan na pala kayo.  Mabuti’t umuwi na rin ang Nanay mo.

 

LAURA:  Naroon po siya sa makaahon ng ilog, may puno ng mangga.  Hinila kong pauwi.   Mukhang namamanglaw nang makitang nagsilayasan na rin ang ating mga kapitbahay sa malapit sa tinatayong pabrika.  Aalis rin po ba tayo?  Nagpunta na naman daw po ang mga guwardiya ni Don Dominiko. 

 

(Papasok sina TOTOY at DODI, bitbit ang mga hawla ng mga ibong nabitag sa gubat. Ipapakita ang mga hawla ng ibon sa ama.)

TOTOY:  Itay! Ito po ‘yong napandaw namin.

 

(Aabutin ni ANONG ang hawla at sandaling sisilipin ang mga lamang ibon nito.  Lalapit si DODI sa magkaagapay na MARING at LAURA.)

 

Inay, Ate Laura!  Saan kayo nagpunta?

 

MARING (hahawakan ang anak na tila nakaunawa, mangingiti ngunit tila patuloy na wala sa sarili):  Do’n!  Do’n lang!

 

DODI: Do’n po?  Sa’n po do’n?

 

MARING:  Gubat! Sa gubat!

 

            (Ngingiti na tila may di nakikitang kausap)

 

      Hinahawan na nila ang gubat natin.  Sa atin ‘yon, e. 

 


LAURA (magyayaya):  ‘Nay, ‘Tay, uwi na tayo....

 

            (Papasok si LUPO, kaagapay ang GUWARDIYA  ni DON DOMINIKO.)

 

LUPO:  Itay!  Itay!  Nandito po ‘yong guwardiya!

 

GUWARDIYA (lalapit kay ANONG):  Mang Anong! Pinapunta po ako ni Don Dominiko. Bibigyan daw po  kayo ng isang linggo pa para magbaklas ng bahay at lisanin ang lugal.

 

ANONG:  Naiintindihan ko. Pero saan kami pupunta? 

 

GUWARDIYA:  Kayo na lamang po ang natitira doon. Nagsialis na lahat ng iskuwater. 

 

ANONG:  Matagal na kami roon.  Magtatalumpong taon na....

 

GUWARDIYA:  Wala po tayong magagawa, Manong.  Pag may-ari ang nag-utos, puwersahang gigibain ang bahay n’yo!

 

ANONG:  Makikiusap ako. Kahit kaunting panahon pa, habang naghahanap ng lilipatan...

 

(Biglang papagitna si MARING at paali-alik-ik at paindak na aawit.  Mapapako sa pagkakatayo ang lahat at magmamasid.)

 

MARING (malakas na sigaw):  Ano ba!  Sisirain  ninyo ang lahat ng sa amin! Mga sakim! Mga lintik kayo! Mga demonyo...!

            (Papagitna, sandaling aawit)

 

Kami po ay naghahanap

Ng nawawalang bulaklak

 

Ang tangi kong sinta'y lumisan

Tungo sa lupa na ang tuwa'y walang hanggan

Ang tangi kong sinta'y naglakbay sa kalawakan

Bukas, darating ding taglay ang ningning ng araw

 

Kami po ay manlalakbay

Na sa inyo'y namamaalam

 

Ang bulaklak na pumanaw

Nasaan, o,  nasaan....

 

(Maririnig ang malakas na pagragasa ng tren. Kasunod ang kaingayan ng mga demonstrador na iskuwater at aktibista laban sa mapang-aping sistema at iba pang usaping panlipunan, tulad ng sa pagsisimula ng dula. Unti-unting magdidilim. Mapapako sa pagkakatayo ang lahat.)

                                               

(TABING)

Monday, August 17, 2020

 



ANG KAHAPIS-HAPIS NA BUHAY AT PAKIKIPAGSAPALARAN NI KAIGOROTAN
- Nonilon V. Queano/UP CB/18Nov.1982

Ako si Kaigorotan,
Taong tulad ninyo,
Hindi isang palabas sa Grand Canao o sa anupaman.

Noong una, ako ang hari ng mga lupaing ito,
Inut-inot,
Nakapagbangon ako ng mga bantayog sa bundok,
Nkalikha ng mga terasa ng palayan,
Malayang tumawid-tawid sa mga ilog,
Pahihip-hihip sa plawta
Habang kinakalaro ang hangin at araw.

Sa lupaing ito sumupling ang aking pagsinta
At kaligayahan,
At dito rin napanday ang tatag at tigas ng loob ko
Sa pakikibaka sa kaaway.
Malaya ako
Tulad ng ibon,
Tulad ng hangin,
Tulad ng araw.

Hanggang magsiahon ang mga dayuhan
At ako’y nawalan ng kapayapaan.

Noon, nang lumunsad ang mga Amerikano,
Agad-agad, hinimas-himas muna ako
Saka sabi’y,
“Kaigorotan, heto ang piso,
Dagdagan ko pa ng singko, akin na ang bundok mo,”
At ako nama’y walang muwang na nagsabi,
“Oo, oo… salamat, oo.”

Kinalaunan, nagsipaghukay na ang mga diyablo,

At muli akong tinawag,



“Kaigorotan, heto ang piso, dadagdagan ko pa ng diyes,

Sumuot ka sa lungga at ipaghakot mo ako

Ng asero’t ginto!”

At ako nama’y walang muwang na umoo-oo,

Kaya, sumuot-suot sa lungga,

Pukpok nang pukpok sa lupa,

Paroo’t paritong naghahakot ng mga gold nuggets

Na dinadagit naman ng mga imperyalistang ganid.

At sa hirap at pagod,

Magha-maghapon,

Unti-unti,

Ako’y hindi na tao kundi mistulang daga,

Labas-masok sa lungga.



Sa paglipas ng mga taon,

Pagkalagas ng mga araw,

Nang maitayo sa kapatagan

Ang kung anu-anong mga dambuhalang pabrika

At plantang mutinasyonal,

Nagsiahon naman ang mga ahente,

Este, ahensiya ng pamahalaan na may konsorte pang

Militar, at sabi’y,

“Kaigorotan, kailangan mong magsakripisyo

Para sa kapakanang pambansa, este,

Kapakanang pang-mulinasyonal.

Kailangan naming ang iyon glupa para pagtayuan

Ng dam – Ambuklao dam, Chico dam,

At kung anu-ano pang dam!”
“Damn you!” sabi ko ngunni’t hindi ako makaangal,

Dahil, bawa’t bukas ng bibig ko,

Bawa’t kalabit sa sibat at kalasag

Ay sinasalubong nila ng,

“Ratatatatatatat! Ratatatatatatatat!”
“Damn you!” sabi ko

At nang hindi makatagal,

Nagsukbit na rin ng armas,

Tumalilis pasa-gubat at lumaban.



Samantala, habang nanlalagas ang mga araw,

Ang lupain namin’y patuloy nilang kinakamkam.

At ako, si Kaigorotan

Ay hindi na tao kundi bagay.

Nagdagsaan ang mga turista at sabi’y

“Kaigorotan, heto ang piso, dagdagan ko pa ng singko,

Sumayaw ka lamang

At nang kita’y maretratuhan!:

At ako naman si gago’y.

Sayaw, sayaw, sayaw

Sayaw, sayaw, sayaw

Dahil kailangan ko ng kanilang piso, este, dolar

Para ako’y mabuhay,



Kaya hindi na ako tao,

Ako’y bagay na lamang,

Isang panoorin,

Isang palabas,

Laluna sas tuwing nagdaragsaan ang mga turista’t panginoon!



Tulad sa Highland Festival, este, Grand Canao daw--

Kislapan ng mga flashbulbs,

Habang ako’y sayaw, sayaw, sayaw

Sayaw, sayaw, sayaw….

Ay! Anong hapis!

Nguni’t hindi likas sa aking tumangis!
Ang dugo ko’y sintindi ng araw,

Ang puso ko’y sintibay ng Cordillera.

At ngayon’y

Nagigising,

Bumabalikwas,

Nakikibaka!



Hanggang lumaya,

Hanggang muling maging taong

Nakikipaglaro sa hangin at araw.

At ako, si Kaigorotan,

Ay tanghaling bayani ng aking lahi.

O, Kabunian!

Patnubayan ang aking paglaban!



(Copyright and all rights reserved by the author.)



Thursday, May 23, 2019

Tuesday, December 18, 2018

THE RETURN OF THE BAND MUSICIAN/ Tr. from the original Filipino text by the author for the University International Program/1988

file:///D:/Users/PC/Desktop/The%20Return%20of%20the%20Band%20Musician%20Iowa%20version.pdf

Tuesday, November 27, 2018


MIGRANTE
- Nonilon V. Queano
21 July 2018

                                    “Uulit-ulitin
Ating aawitin
Ang kalayaan at pagmamahal
Hanggang ang lahat, may kapayapaan
Pagsinta’t kalayaan”   
                                    https://www.youtube.com/watch?v=GEjzZ5RTZt4
                                   

            Nagsimula ang lahat sa pangitain ng kariktang salimbayan sa lungayang guniguni ng nabiglaanang diwa isang pangkaraniwang araw sa malayong bayan.  Lagi’y pangamba at lulutang-lutang na lungkot ang dala ng pag-iisa at minsan’y bubugsong tanawin ng mga hapis, pagal, o hingalong mga mukha, na malimit tila ba walang kurap na nakamaang lamang. Nakasanayan na rin naman ni Angelo ang ganoong buhay, ‘ika nga, palipat-lipat, papalit-palit, hihimpil kung saan abutan ng pagkakataon.

Sa liblib na nayon ng Bukal, lumaki si Angelo na katulong-tulong ng amang magsaka sa niyogan at munting palayan na namana ng kanyang ama sa Tatay nito, si Lolo Isidro. Mananahi at tindera ng kakanin ang kanilang ina, at pinalaki silang sampung magkakapatid sa hirap at tiyaga dahil ganoon naman ang buhay ng karaniwang uring magsasaka sa lupaing kanilang kinalakhan.  Subali’t  may pangarap ang kanilang magulang at malimit sabihin’y, igagapang silang lahat hanggang makatapos kahit haiskul man lamang, upang kahit paano’y magkaroon ng maalwang bukas.  Masayahin at makikapuwa ang Tatay Nicanor nila, at may pagkakataon nga, laluna, pagkatapos magsulit ng kalibkib sa pamilihan sa sambat ng kanilang nayon, magaganyak makipagbarik at naroong mahandusay at makatulog sa tabing-daang kabulusan habang sisigaw-sigaw, sumusuray pauwi. Kung lumalalim ang gabi’t wala pa ang ama, sasamahan ni Angelo ang kanyang Nanay Laura sa pagsulsog sa kanyang Tatay sa kung saan ito lumugmok at nakatulog sa kalasingan. 

Yaon lamang naman ang libangan ng kanilang ama – ang pakikipagbarik sa mga kaibigang magsasaka sa tuwing may kikitaing perang kakaltas ng pambili ng lambanog upang mairaos ang awitan at inuman ng magkakaibigang magsasaka sa nayon.  Kinalaunan, yaon din ang ikinamatay ng kanyang Tatay, sakit sa atay at paninigas ng tiyan, dahil nga sa pagkahumaling sa lambanog.  Hanggang sa huling sandali, hindi naunawa ng kanyang Tatay ang sakit na dumapo sa kanya at pagkaintindi niya ay pinarayaan ng kung anong lamang lupa o maligno na kanya raw natapakan o nalapastangan nang minsang hinapay niya ang puno ng balite na tumubo sa gitna ng sinasaka niyang tubigan.  Nagpatawag pa ito ng pare upang magpabendisyon at makipagdasal para ihingi ng tawad ang paglapastangan at pagwasak niya sa tirahang balete ng mga maligno na nagparusa raw sa kanya.  Nasa tabi si Angelo at kanyang Nanay Laura, walang tigil ang pagluha at pagyakap sa patawirin at naghihingalong ama, at habang ito ay sinasabuyan ng pare ng benditadong tubig.  Ikinamangha at di  malimot ni Angelo ang nasaksihang pangyayari bago tuluyang nalagutan ng hininga ang kanyang Tatay Nicanor – may puting usok o mala-ulap na namuo, nagkahugis at bumuga sa bibig ng ama, bahagyang nagpalutang-lutang paitaas sa ulunan nito hanggang maglaho. Napahagulhol ang  kanyang Nanay Laura at mahigpit na niyakap  ang kanyang Tatay nang huminto ito ng paghinga.  Nakamata lamang si Angelo at pinag-iisipan at hinahanap pa rin kung saan pumunta ang puting usok na kumawala sa dibdib at bibig ng kanyang Tatay kasabay ng paghinto ng kanyang paghinga.  Nasaksihan din ng tiyahin niya na nakamatyag sa may pintuan ng kuwarto ng ospital ang paglutang at paglalaho ng mala-ulap na usok na yaong ibinuga ng kanyang Tatay bago ito mapatdan ito hininga, at pausal pang sinabi nito kay Angelo, na mga espiritu daw yaon ng lamang lupa na umalis sa katawan ng kanyang ama, pagkaraang madasalan at mabensiyunan ito ng pare.  Mapapayapa na raw at pupunta sa kaluwalhatian ng langit ang kaluluwa nito, lalo at iniwan na rin ito ng masamang maligno.

            Naniwala si Angelo na totoo ang sinabi ng kanyang Tiya Haning, na naitaboy ng mga panalangin ng pari at ng kanyang naghihingalong ama na hanggang sa huling sandali’y kasabot ng paring nagdadasal, na ang puting ulap ng usok na yaong lumabas sa bibig ng kanyang Tatay at saglit nagpalutang-lutang bago tuluyang kainin ng laho, ay mga lumikas na espiritu ng maligno na namahay, nagparusa at nagdala ng sakit sa ama, laluna na dahil ilang gabi pagkaraan noon, napanaginipan niya itong nakangiting tila umaawit sa ibabaw ng isang bubungan at tore ng tila mala-kastilyong gusali na nakalutang din at nakukulapulan ng maputing ulap tulad ng marahil ay kalawakang patungong langit.  Sa isipan ni Angelo, narinig niya sa panaginip ang awitan ng mga anghel na nagbubunyi at sumasabot sa paglalayag ng kaluluwa ng kanyang Tatay Nicanor patungong langit.

            Ilang kapatid ni Angelo ang nasa murang edad at nasa Elementarya pa nang pumanaw ang kanilang Tatay, subali’t sa tiyaga at pagtutulungan, laluna ng Nanay Laura nilang lalong pinag-ibayo ang kanyang hanapbuhay na pananahi at pagtitinda ng kakanin, napagsumikang makatapos ng haiskul ang lahat, at hindi lang, nakapagkolehiyo rin si Angelo at ang apat pang kapatid para sa pagsalunga nila sa haharapin pang mga hirap at pagsubok ng buhay. Hindi natapos ang pagtutulungan ng magkakapatid hanggang magkaroon ng sapat ang bawat isa sa mag-anak, at mapayapa’t makapagpahinga sa trabaho ang kanilang ina.

Nasa ikatlong taon ng kolehiyo nang hatakin si Angelo ng nakahiligan niyang trabaho bilang musikero.  Sa simula’y kinailangan niyang maghanapbuhay bilang musikero upang maitaguyod ang pag-aaral niya sa Unibersidad ng Pilipinas na kanyang  matagumpay na pinasukan.  Trabaho’t kayod upang maitaguyod ang pag-aaral ng lahat ng mga naunang lima sa magkakapatid, at kinailangang magtulungan upang mapatapos ang lahat. Matiyagang nakasubaybay lamang si Nanay Laura sa mga lima pang bunsong kailangan ng alaga at patnubay.

Papasok na ang Tagsibol, subalit nanunuot pa rin ang lamig sa tuwing bubugso ang manaka-nakang hangin sa liwasang Madison na kanyang paghihintayan.  Doon siya inihatid ng kapatid niyang babae na ilan taon na ring nagtatrabaho bilang nars sa NYU Hospital sa New York.  Sa bahay nito sa Pocono tumutuloy si Angelo tuwing madadako sa bansang dayuhan.  Gaya ng madalas mangyari, sa paglipas ng mga taon, nakaraos at nagkanya-kanyang lakad ang magkakapatid; anim ang nagsilikas ng Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bansa, apat ang piniling tumigil sa sariling lupa kapiling ang kani-kanilang asawa’t anak.  Naroon pa rin si Nanay Laura na ngayo’y inabutan na ng pagtanda, sa lumang bahay nila sa niyogan, kapisan ng pinakabunso sa lahat, si Marcela, na piniling sa kalapit bayan magtrabaho bilang guro sa eskuwelahang pang-elementarya roon. Malapit na ring malipasan ng panahon si Marcela, subalit tila namanatang ibubuhos na lamang ang kanyang buhay sa pag-aalaga sa ina.  Maganda si Marcela at hindi iilang binata ang nagtangkang manligaw sa kanya, subali’t tikom na nga ang puso at hirati nang mamuhay nang mag-isa sa piling ng kanyang ina si Marcelo. Tila sadyang magkaiba at salungatan ang naging buhay at kapalaran ng panganay, ni Angelo, at ng bunso, si Marcela.

            Hindi makatigil sa isang lugal o isang tahanan si Angelo. Tulad sa isang ibong ligaw na walang tiyak na tahanan at di matigil sa paglipad, taglay ang kanyang gitara, tila walang katapusan ang kanyang mga paglalakbay at paghahanap.  Nakatapos naman ng titulong Batsilyer sa Sining ng Paglikha sa unibersad, at ilang ulit ding umani ng tagumpay at gumawa ng pangalan sa pagsulat sa panitikan at musika, ngunit mula nang lisanin ang bayang nilakhan, di natigil sa paglalagalag. 

Minsan lamang, sa maituturing na unang yugto ng kanyang kabataan, nag-asawa at nagpamilya rin, at nagkaroon ng tatlong anak sa naging kasintahan niya at kamag-aaral sa pamantasan, si Aida. Masinop, maunawain, at mapagmahal si Aida, at dalawampung taong mahigit tumagal ang kanilang pagsasama na sa una’y tila kasintatag ng Bundok Banahaw sa isip ng lahat ngunit dumating sa puntong humapay at nawasak ang moog ng kanilang pagsasama.

Sa mga lugal na pinaglalagian bilang musikero, hindi maiwasan ang mapukaw ang puso sa alindog ng mga dalagang kaibigan at kasalamuha si Angelo.  Hindi iilang dilag, na ang iba’y nakatugtugan niya ang umakit sa kanyang marupok at di makaling puso na kalimitan’y humahantong sa lihim na pakikipagtalik niya sa nawalan na rin ng ulirat at nabighani sa kanya, laluna, pagkaraang lukubin ang kamalayan ng pagkalango at kahinaan. Sa kinalaunan, si Angelo na ang tuluyang lumayas sa kanilang tahanan, basta lang naglakbay palabas ng bansa o marahil di na mahalaga kung saang lupalop ng mundo siya ihatid ng kapalaran.  May naiwan din siyang anak sa mga babaeng lihim na nakatalik niya sa panahong sinikap niyang bumuo sana ng pamilya tulad ng pangkaraniwan at may panahong sinundan-sundan at pinagtangkaang tinutunton nila ang lakad niya subalit hindi na nga natigil sa paglipad at paglalayag si Angelo.

            Nangibang-bayan at nagpalipat-lipat siya ng tahanan sa kung saan-saang lupalop sa Asya, Europa, at Amerika at mahabang panahong hindi siya nagparamdam sa kung saang lupalop siya napadpad o kung saan nakatira.Sa isip niya’y sakupin ng kamalayan at pang-unawa ang mga katotohanan at suliranin ng buhay sa mundo.  

Kinatagalan, dumating din sa punto na nagpasiya siya na liban sa pagkakaiba-iba ng mga kulay at anyo, wala namang nabago sa noon’y matagal na niyang alam: ukol sa di matapos-tapos na pagsasamantala at pandarahas ng mga naghahari at naghahari-hariang bansa at kaurian, saan mang panig siya madako at ang palagi’y pagbabalik ng estado ng kawalang-kahulugan, laluna sa kanluran.  Marami nga ang mga paglalakbay at lakad na sinalunga niya sa kabila ng noong una’y itinuring niyang magandang palad na nakapangalap siya ng pribiliheyong makaigpaw, tulad ng tila pinagpala at biniyayaan ng Maykapal, at makapaglayag nang malayong-malayo sa kalawakan ng daigdig na kailanman’y di niya inakalang mararating, lalo na sa panahong binubuno nila ng kanyang ama ang hirap ng buhay sa bukid sa unang panahon ng kanyang kabataan. Subali’t nangyari nga yaon. Marahil, dahil panganay sa labindalawang supling ng kanyang mapag-arugang magulang at likas ang angking talino, bulalakaw siyang buong layang pumaimbulog at nakagala sa unibersong tila walang hanggan. Hindi mahinto ang paglipad; at tuwina, hindi rin tiyak kung saang lupain lalapag.  Nandoon naman lagi ang musika at sining na pang-agdon at pantawid-gutom niya saanman siya abutan.  Mahabang panahong inakala at kinasanayan niya ang ganoong buhay.  Walang himpilan, puno ng awit at panandaliang romansa, palipat-lipat saan man ihatid ng tadhana, malimit kinilala at hinangaan din sa kanyang trabahong manlilikha ng awit at bokalista.

Gayunman, mapait na pagbabalikan niya sa takdang araw ang alaala ng kabiguan niyang tumigil sa isang payapang tahanan kasama ng asawa’t mga anak.  Sa kasanayan ni Angelo na mamuhay nang malaya at malimit nag-iisa, minsan’y di rin naman niya maatim na hindi usisain ang lagay ng naiwan niyang mga anak kay Aida, at sa tatlo pang dilag na nabagat niya sa pagtugtog-tugtog at pag-awit-awit sa mga otel at bahay-aliwan sa Maynila at kinalauna’y sa Thailand at Hongkong na ilang taon din niyang tinigilan, bago sila nagkahiwalay ng kanyang asawa.  Mag-isa na rin siyang umuupa ng sariling tahanan noon, kahit paminsan-minsan, hindi niya maiwasang makapiling nang panandalian ang kanyang mga anak at kani-kanilang ina. 

Matagal na ring natanggap ng kanyang pamilya ang noong una’y hindi nila maunawa kung sa anong utak ba mayroon at kung bakit tila walang kalagyang lunan si Angelo.  Pagkaraang lisanin nito ang pamilya at walang pasabing maglagalag, lumipad o magpatihulog, sa mga walang katiyakang kalawakan, yakap ang kanyang gitara, musika, at panulat na tanging naging tagdan at sagwan niya upang matustusan lahat ng kanyang pangangailangan, hindi na nag-usisa pa ang kanyang pamilya, at mga anak, sa kung saan na nga ba siya napadpad.  Ang kanyang Nanay Laura na magnonobenta na ay hindi naman nakalimot, ngunit kawikaan’y ipinasadiyos na lamang ang lahat at lagi’y taimtim na nananalangin na sana’y ligtas ang anak saanman ito mapadpad.

Ang totoo, sa bagong panahon ng pandaigdigang electronic at social media -- ng Facebook, Twitter, You Tube, at iba pa – malinaw rin naman sa isip ni Angelo na saanman siya makaabot, saan mang lupalop sumadsad, walang pagkalimot o paglalahong mangyayari sa pagitan niya at ng kanyang mga nilisang mahal sa buhay.  Sadyang lumiit na ang mundo at maging ang sinaunang taong tulad ng kanyang Nanay Laura ay natuto na ring tumipa-tipa ng teklado ng kompyuter o pumindot ng cellphone sa tuwinang nais usisain ang lagay ng mga anak niyang nagsipangibang-bayan.  Malimit nga’y naiilang o napapangiti na lang si Nanay Laura na ang anak niyang nasa kabilang ibayo ng daigdig ay bigla na lang bubuluga sa screen ng laptop sa harap niya at kukumustahin at kakausapin siyang tila ba nasa tabi o harap niya lamang. Sasambitin na lang ni Nanay Laura at minsan’y halos mapaigtad sa tuwa ang nakagawian niyang sambit tuwing mawawala sa kanyang tabi ang alaga niyang anak, “Karahong bata ka, nasaan ka na? Saan ka nga, anak?  Ay, diyan ka ba nakatira? May ilang hibla ng puting buhok ka na, Angelo, a. Karahong bata ka, nasaan ka na.” Sasagot lamang si Angelo ng, “ Mano po, Nanay.  Mabuti po naman ang lagay ko. Ingat po kayo.  Uuwi ako pag nakaipon.  Padadalhan ko kayo ng pera, bukas, para panggastos ninyo ni Marcela.” Iglap lamang at kahit papaano, nagkakatalastasan sila lahat.  Malimit din na hindi na rin nagtatanungan sa isa’t isa, kusang nagpapaabiso at nagpaparamdam lamang sa internet media ang anak sa ama, o ama sa anak, o ama sa ina ng anak na sa salimuot o luwag ng pangyayari’y nagkalayo-layo at sa kaso ng musikerong si Angelo, ay tiyak niyang, dahil kasalanan at kagagawan din niya.

Sa kamalayan ni Angelo, inaasahan din niyang, sa kinatagalan at, laluna, sa panahon ng kanyang pagtanda, gaya rin ng inilahad niya sa mga awit na sinulat niya at ipi-nost sa You Tube, halimbawa’y dito, https://www.youtube.com/watch?v=f2wwogk2pI4, babalikan niya at patuloy ang pag-aasam na tuntunin ang pabalik sa likas at dalisay na buhay na ginugol niya sa bukid at kalikasang kanyang kinalakhan.

Doon rin sa FB niya, muling natagpuan ni Angelo si Sameera, na minsan’y nakasama niya sa banda at nakatugtugan sa mga lakaran nila sa Maynila at Hongkong.  Biyolinista at mang-aawit si Sameera at tulad niya’y nag-aral ng musika at sining sa Pamantasan.  Aktibista mula sa pamilyang muslim sa Marawi ngunit masasabing may pagka-moderna, dala rin ng pagkahilig sa musika, lalo nang makatugtugan si Angelo sa mga otel at bahay aliwan sa Maynila.  Mapang-akit ang ganda ng dalaga na, ayon sa kuwento, anak ng Arabong amo ng kanyang ina nang huling mamasukan ito bilang katulong sa bahay ng kanyang ama sa Saudi Arabia. Sa kuwento’y minaltrato at ginahasa ng Arabong amo ang kanyang ina, na tinulungan ng mga kababayan doong makatakas pabalik sa Marawi. Sa Marawi na isinilang si Sameera.  Hindi na rin bumalik ito sa Saudi, pagkaraan ipagbuntis at iluwal ang anak. Katulad ni Angelo, pinalaki sa hirap, kapiling ng mga iba pang naging kapatid niya sa ama-amahan nang kinalauna’y mag-asawa ang kanyang Nanay sa kababata nito sa Marawi. Walo pa ang naging kapatid niya sa ina, na kinatagalan ay nagkanya-kanya na rin ng buhay.

Sa tugtugan sila nagkakilala ni Angelo, parehong ginawang hanapbuhay ang pagtugtog upang pantustos sa pag-aaral hanggang nakatapos ng Batsilyer sa Sining at ilang taong nagkanya-kanya rin ng lakad, upang tulungang maitaguyod din ng pag-aaral ng mga nakababatang kapatid. May panahong naging magkasintahan ang dalawa, ngunit dala ng hirap, nabuhos ang tuon sa mga responsibilidad sa pamilya at tuluyang nagkahiwalay ng lakad.  Nag-asawa, nagkapamilya’t anak si Angelo, sabay sa tila paglalahong-bigla ni Sameera nang ito ay mangibang-bayan, ilang buwan makatapos ng pag-aaral sa Pamantasan.  Isang kapatid sa ina ni Sameera at namasukang domestic helper sa Hongkong ang nagyaya upang subukang magtrabaho rin doon. Musikera at guro sa musika ang pinasok ni Sameera at sandaling nakipisan sa kapatid, hanggang, minsan, may nakilala itong puting negosyanteng Amerikano, si Peter Anderson, sa hotel na tinutugtugan na dagling umakit upang maging kasintahan o kalaguyo niya sa panahong yaon.

Sa pagdaan ng mga taon, na nagsimula nga ang walang katapusang paglalagalag pagkaraang iwan niya ang pamilya’t anak niya sa Pilipinas, naparaan ng Hongkong si Angelo.  Doon sila muling nagkita ni Sameera, sa otel na tinutugtan nito, at sabik na sabik sa isa’t isa na bigla lang nagpatianod sa init ng gabi na tila di maibsan ang nadamang ligaya.  May dalawang supling na si Sameera sa Amerikano at nakatakdang sumunod dito upang magpakasal  pagkaraang pangakuan na idi-diborsiyo nito ang asawang naiwan sa Amerika nang di inaasahang nagtagpo sila ni Angelo.  Naganap ang ilang linggo ring pagkikita at pagtatalik ng dalawa, na di nalaman ni Anderson, ngunit di nakapigil ‘yon sa biyaheng pa-Amerika ni Sameera.  Tulad sa mga romansang dalisay na nanatiling pinapangarap o binubulay-bulay sa isipan, naghiwalay ang dalawa pagkaraang mag-iwan ng pangako sa isa’t isa na magsusulatan at sa susunod marahil, magaganap ang naantala nilang pagmamahalan.  Halos mabulalas ng tawa ang dalawa nang bago maghiwalay nagbiro pa si Angelo na sa mga mumurahing nobela ng romansa, ilang ulit nang naisulat ang walang hanggan at sadyang dalisay na pag-iibigang tulad ng sa kanila.  Mahigpit at matagal na nagyakap nang magpaalaman, at bagaman hindi tiyak kung saan o kailan, inusal sa isa’t isa na magkikita sila muli isang araw upang di na muling maghiwalay.  May luha sa mata ni Sameera nang tumalikod upang lumisan, samantalang lungkot, nakatanaw lamang si Angelo sa tuluyang paglalaho ng sinta’t kaibigan.

                                                            II.

“Kayo po si Tito Angelo?” bigla’y bati ng dalagitang bumulaga sa kanyang harapan.  Matamis ang ngiti ng marikit na dalagita na sa unang tingin ay kayumangging Pilipina na may itim ang buhok, ngunit sa malapitan, pansinin ang bughaw nitong mata.

Bahagyang nakayuko at tila inaabot ng antok na bigla’y napatunghay si Angelo.

“Ana?  Ikaw ba si Ana?”  nabibiglaanang sambit ni Angelo.

“Opo. Kapatid ni Karla at Fatima. Sinabihan ako ng Nanay na sunduin kayo, Ako ‘yong kausap ninyo sa telepono.”

“A.... kumusta ang Nanay mo?”

Tumayo si Angelo upang pulutin sa upuan ang dala-dalang pasiking.

“Naka-confined po sa ospital sa NYU.  Nakasuwero, pero nakakausap naman po.  Tanong nang tanong kung dumating na ba kayo. Nakaalis na ang kapatid n’yo?”

Bahagyang umalalay si Ana habang itinuturo ang pinagparadahan niya sa kotseng minaneho upang sumundo kay Angelo.

“Inihatid lang ako pero umuwi na rin si Jenny. Sabado’t Linggo ang off niya. Babalik daw mamayang hapon para sunduin ako,” sagot ni Angelo.

“Doon po tayo sa kabila,” pagyayaya ni Ana.

Binagtas nila ang liwasan tungo sa nakaparadang sasakyan ni Ana.  Bandang alas nuwebe ng umaga at ilan sa mga maagang namamasyal at nagpapahingalay sa ilalim ng mga puno sa umagang yaon ng Taglagas ay inot-inot na nagsisitayo upang lumisan.  Hindi pa gaanong mataas ang araw at ang simoy ng hangin, bagaman makapanuot-balat sa lamig, ay padapyo-dapyo lamang, kaya ang mga ilang matatandang nakaugaliang magpalipas-oras sa liwasan ay naghihintay pa rin sa inaasahang papatinding sikat ng araw, upang marahil namnamin ang init o alinsangan tulad ng sa kalilipas na Tag-araw.  Sa bandang gitna ng liwasan ay may restowran na pipinipilahan ng mga nais magkape o mag-almusal sa nagkalat na mesa sa paligid. Kinailangang magpaikot-ikot sa nagbalandrang kalsadahan ng Liwasan, bago marating ng dalawa ang sasakyan ni Ana.

            “Dito po,” pagyayaya ni Ana nang marating nila ang kabilang kalsada.

Sumakay ng kotse ang dalawa.  Ilang sandali pa, binabaybay nila ang kalsada mga limang bloke din lamang ang layo mula sa Liwasang pinaghintayan ni Angelo. 

“Kadarating ho ninyo galing Pinas?” tanong ni Ana habang hinihintay ang paglunti ng pulang ilaw sa kanto ng 23rd St. at 3rd Avenue na isa sa pangunahing daan patungo sa downtown area ng lunsod.

“Kahapon. Para dalawin din ang kapatid ko sa Pocono.”

“Pero napunta na kayo rito sa New York o ngayon lang?”

“Maikatlong beses na.  Ngayon ko lang nalaman na dito pala nakatira ang Nanay mo.”

“Oo nga po. Nandoon po ang kapatid ninyo noong isang araw at bumisita sa Nanay ko. Doon din lang sila nagkakilala nang ipasok ng NYU si inay.  Nars pala si Aling Jenny doon.”

Humarurot ang kotse ni Ana, patungong 1st Avenue, at pakaliwa sa 30th Street na kinatatayuan ng ospital.

“Kung hindi sa FB, di ko malalaman na sa New York nanirahan ang Nanay mo.  Nang huli kaming magkita, bandang Texas o Tenessee yata ang tungo.  Sa isip ko, maraming mga lugal doon na puwede niyang pagtrabahuhan bilang musikero.  Diyan kami matagal nagkasama sa tugtugan, a,”

May bahagyang ngiti na gumuhit sa mukha ni Angelo, pagkaalaala sa mga masasayang araw nila ni Sameera.

“Maliliit pa po kami ng kapatid ko nang pumunta kami rito sa Amerika. Kuwento ng Nanay, minsan lang kaming nagawi sa Texas at dumeretso na ng New York. Sa mga teatro sa Broadway siya nagtrabaho at doon na rin kami nanirahan mula noon.”

May namumuong tanong pa sa isip ni Angelo ukol sa kung natuloy ang kasal at nakapiling ba nila ang kanilang ama, si Peter Anderson, paglapag nila sa Amerika, gaya ng paalam ni Sameera nang huli silang magkita sa Hongkong, pero hinayaan lamang niyang magkuwento si Ana. 

“Dito na rin ho kami lumaki at nagtapos mag-aral sa New York. Kayo pala ‘yong ikinukuwento ng Nanay na musikero at kaeskuwela niya sa UP.  Magkatugtugan daw kayo noon, pero wala siyang balita, hanggang ‘yon nga, nagkita-kita sa FB. FB talaga....”

Napabulalas ng halakhak si Ana.

“Sa FB rin kami nagkita ng Nanay mo ulit....Naisipan ko lang i-goggle ang pangalan niya, pero inisip ko rin na baka nagpalit na ng pangalan ang Nanay mo.”

Sabay nagkatawanan ang dalawa.  Sa garahe, tapat ng ospital, ipinasok ni Ana ang kanyang sasakyan.  Pagkaraan, tinungo nila ang ospital, tuloy-tuloy sa kuwarto sa ICU na pinagdalhan kay Sameera, na noon’y nakaratay, tila naidlip at binabantayan ni Fatima.  Sumalubong si Fatima, may nilay na bahagyang ngiti, at nagmano kay Angelo. Pausal na nagbatian ang noon lamang nagkita, at akmang lalabas upang di mabulabog ang maysakit, nang, tila naalimpungatan, bigla itong nagsalita.

“Nandiyan na ba sila, Fatima?”

Sabay na napabaling ang tatlo.

“Ang Tito Angelo mo? Nandiyan na?” muli’y tanong ni Sameera.  Nakamulat at lubos na nabuhayang-loob ito, lalo nang mamataan si Angelo. 

Puno ng pananabik at tuwa si Angelo na napalapit at akma’y yayakapin si Sameera, ngunit ang suwero at mga karayom sa bisig ni Sameera ay sagwil sa pagyayakapan ng dalawa.  Napaluhod na lamang si Angelo sa tabi ng higaan at dinampian ng halik sa noo si Sameera, sabay usal ng, “Kumusta ka?”

“Ito, mukhang malapit-lapit na rin sa langit. Finally...” nakangiting tila pagbibiro pa ni Sameera.

Napangiti rin ngunit malamlam si Angelo.

“Hindi ko alam. Di ka talaga nagpabalita mula nang lumayas ka.”  Maraming naglalarong tanong sa isip ni Angelo.

 Tila parehong nagpipigil maluha ang dalawa samantalang nagtataka pa ring nakamaang lamang sina Ana at Fatima, nakamasid sa may paanan ng kama.  Sabay ding tumalikod ang magkapatid at sandaling nagpaalam.

“’Nay, breakfast muna kami sa Cafeteria.  Iwan muna namin kayo ni Tito Angelo.  May gusto kayong ipabili, Tito?” pakli ni Ana.

Si Sameera ang nagsalita.

“Sige, anak. Mauna kayo. Balik kayo para makapag-breakfast din ang Tito Angelo, n’yo.”

“Sige, Ana, Fatima. Bantay muna ako dito. Nag-almusal naman kami ni Jenny kanina,” pakli ni Angelo.

“Sige po.” Sambit ni Fatima. 

Lumabas sa silid ang dalawa, patungo sa Cafeteria ng ospital, na sa isip nila, tila nakaunawa na kailangang bigyan din ng pribadong sandali upang magkausap si Angelo at ang kanilang ina.  May kutob na nadarama ang magkapatid sa kung anong naging kasaysayan nila, ngunit sadyang walang ikinuwento si Sameera kundi ang minsan’y pahapyaw  na minsan daw, nang nagtatrabaho siya bilang musikera sa isang bar at otel sa Hongkong, may puting Amerikanong nagkagusto sa kanya at naging kasintahan niya.  Nagbunga ang pagmamahalan nila ng Amerikano noong nasa Hongkong pa sila at isinilang nga ang magkapatid. Naikuwento rin ng kanilang Nanay ang sana’y pagpapakasal nila ng Tatay nilang Amerikano nang pinapunta silang mag-iina sa Texas, subali’t lumabas na may ibang pamilya ang Tatay nila noon at hindi natuloy ang diborsiyo ng Tatay nila gaya ng ipinangako sa kanya.  Napaka-musmos at walang malay pa sina Ana at Fatima, para maunawaan o malinaw na maalaala ang nangyari, ngunit, limang buwan pagkaraang itira sila ng kanilang ama sa isang mapanglaw na apartment doon, nagpasiya si Sameerang lumayas nang walang paalam, dala ang kanyang mga musmos, hanggang makarating at makapanibagong-buhay nga sa Manhattan.  Ang pagka-musikero at talino ni Sameera ang naging puhunan niya upang matatag na makatayo ito sa sarili at maitaguyod nang mag-isa ang kanyang mga anak.  May hinala rin sina Ana at Fatima na may ibang kuwento ang bunso nilang kapatid na hindi na nila inusisa pa sa ina, ngunit lumaki silang likas na nagmamahalan at nagdadamayan.

“Hindi ka nagparamdam kahit kailan, kung saan ka na, kahit na sa isip ko ay marahil maligaya ka sa piling ni Anderson. Nabuhay ako sa paniwalang masaya ka at natupad lahat ng pangarap mo, kaya, gaya nang dalisay na pagmamahal, di ko inisip kahit kailan na gambalain ka,” pausal na sambit ni Angelo sa tila saglit na di makapagsalitang si Sameera, pagkaraang lamunin din ng alaala.

“Paano naman ako magpaparamdam ay matagal nang may asawa’t anak ka na. Bukod pa sa nababalita kong mga inunsiyami at binuntis mo rin....” sabay pulas ng tawa si Sameehra.

Napabunghalit din ng halakhak si Angelo at ilang saglit na tila nagkakatuwaan sila, hanggang mauwi sa impit na pag-iyak ang tawa ni Sameehra na dagling ikinabahala ni Angelo. Akmang tatawag ng nars si Angelo, ngunit kagyat ding napayapa si Sameera at pinigilan ito.

“Natutuwa lamang akong dumating ka,” usal ni Sameehra.  “Sana’y tahimik na at nakabuo ka na rin ng maayos na pamilya. Wala naman akong hinangad kundi ang maayos at mapanatag ka.”

May tila mapait na ngiting sumilay sa mukha ni Angelo pagkarinig sa sambit ni Sameehra. Sabay sa ngiti ay ang tila sasabog ding luha at habang marahang hinahagod ang bisig ng maysakit, marahang nagsalita na tila wala sa sarili, “Matagal na akong umalis ng bahay at buong buhay na naghahanap din ng panatag. Wala yatang ganoon. Dinaan ko na lamang sa paglikha.”

“Umalis ka rin?” bigla’y sambit ni Sameera.

“Nang mag-asawa ka kay Peter Anderson, nawala na rin ako.  Naglagalag, parang ganoon naman yata talaga. Kailangang i-romanticize mo lahat para magkaroon ng kahulugan. Kumusta nga pala ang asawa mong Amerikano? Bakit wala dito?”

Muli’y tila mapapabunghalit ng tawa si Sameera, dangan’t tila di kayanin ng katawan, kaya dinaan sa tila walang hanggang pagngiti-ngiti.

“Di naman natuloy ‘yon.  Limang buwan lamang ang tinagal namin at nilayasan ko, hanggang makarating ako dito sa New York. Di na rin naman naghabol ang kano.”

“Nilayasan mo, akala ko’y mahal mo siya. At papaano ang mga anak mo?”

May nangilid na luha sa mata ni Sameera, at ilang saglit na tahimik na nag-iiyak lamang ito.  Taimtim na nakamasid at nakabantay lamang si Angelo, inakalang baka may biglang dinaramdam ding sakit si Sameera.

“Ganoon yata ang kuwento ng buhay musikero, at marahil ng lagalag na migrante. Di ko rin maikuwentong lahat sa mga anak ko, dahil sila lang naman ang hindi lumalayo sa akin, kapiling ko lagi. Pinapaniwala ko na lamang na nawala’t sukat lahat ang mga Tatay nila. Para hindi ako iwang nag-iisa. Doon ako takot, e, kung biglang maghanap o ma-kidnap ng Tatay. Lalo dito sa Amerika. Kahit mga anak man lang, masabi mong may nagmamahal sa iyo at hindi pulos lungkot.  Kaya pinagkatago-tago ko kay Peter Anderson, at ok naman. Kahit kailan di na sila nagkita ng mga anak niya. Di ko na rin pinaalam sa kanila ang buong kuwento.”

Tila biglang lumakas at nabuhayan ng loob si Sameehra.       

“Buti lang aksidente kong nakilala ang nars mong kapatid dito. Nabasa ko lang ang middle name niya, kaparis ng apelyido mo at nag-message nga ako sa FB. Bilis mong dumating, a,” dagdag pa ni Sameehra.

Maluwang din, tulad ng lunting parang o ng bughaw na kalawakan, ang ngiting dagling pumuno sa mukha ni Angelo. Bahagyang nagtatawa pa nang sabihing, “Minsan nga noon, Sameera Anderson ang gino-goggle ko, e, Pamela, ang lumalabas, kaya di kita mahanap.”

Natuloy nga sa tahasang paghalakhak ang tawa ni Angelo, at sandaling tila bumalik sa kabataan ang dalawa.  Sansaglit na napatigil si Sameehra.

“Salamat at dumating ka. Bilis mo rin.  Noong isang linggo lamang tayo nag-chat sa FB, nandito ka agad?”

“Ibinili ako ng tiket sa eroplano ni Jenny, agad, pagkatapos magkakilala kayo. Semi-retired na rin, kaya marami akong oras....”

“A, sobrang salamat din kay Jenny.”

Ngiti lang ang tugon ni Angelo at muli’y hinagod-hagod ang palad at bisig ni Sameehra. Tila mahigpit na napisil din ni Sameehra ang palad ni Angelo, sabay usal ng, “May gusto pa akong sabihin sa iyo....”

“Kaya ako madaling pumunta rito para suporta hanggang gumaling ka....” sambit ni Angelo.

Muli’y mahigpit ang hawak ni Sameehra sa palad ni Angelo.

“Walang gumagaling sa kanser, ano,” tila kaswal na pakli ni Sameera na may malungkot na pagngiti pang kasama.

Nilamon ng sandaling katahimikan ang dalawa. Pagkaraan’y mariing nasambit ni Angelo, “Gagaling ka. Hindi puwedeng hindi. Gagaling ka....”

Muli’y bahagyang katahimikan.

“May gusto akong sabihin sa iyo kaya kita pinapunta rito....” mariing sambit ni Sameera.

“Ano ‘yon? Na mahal mo rin ako....?” Hindi mapigil ang pagtawa ni Angelo na sinundan pa ng tila pabirong sambit na, “Ang tatanda na natin, e....” Muling nagtawa.

Nakamata lamang si Sameera, seryoso, hindi mapatawa.

“Hindi ‘yon....may gusto akong sabihin...” sabay sa pagbukas ng pinto at pagbulaga ng magkakapatid na Ana at Fatima na ngayon’y kasama na rin nila ang bunso, si Karla.

Si Ana ang tila may pagmamalaki at masiglang nag-anunsiyo sa pagdating ni Karla.

“Inay, Tito, ito po si Karla. Tinawagan at pinapunta muna namin dito. Aktibista po ‘yan, nasa rally tungkol doon sa mga immigrants na pinauuwi sa kani-kanilang bansa, pero naiiwan naman ang mga kabataang anak nila doon sa bilangguan, daw.  Nagmamadaling umuwi nang malamang nandito si Tito Angelo.”

May kung anong ibang lukso ng dugo na nadama si Angelo, pagkakita kay Karla. Tumayo ito upang yakapin ang tila napipilan at hindi rin makapagsalitang dalagita. May gumuhit na ngiti at pagkabaghan sa mukha ni Sameera, na waring napipilan nang makita ang pagyakap at pagmamano ni Karla kay Angelo.  Yaon ang sandaling hinintay niya at kagyat walang atubiling isinawalat sa harap ng lahat ang lihim na buong akala ay dadalhin niya sa pagyao.

Matipid ang paglalahad ni Sameera at sa huli’y tanging nasambit, “Karla, anak.  Siya ang Tatay mo.”

Nagugulumihanang napabaling si Angelo kay Sameera. Hindi makahuma at nabigla rin pati si Ana at Fatima.

“Di ko nasabi sa iyo, Angelo. Dito ko rin lang nalaman sa Amerika, pagkaalis ng Hongkong nang huli tayong magkita.”

Hindi makahumang nakamata lamang si Angelo nang harapin ni Karla ang ina at sinundan ng matalas na tanong ang pahayag ng ina.

“Siya ang Tatay ko, ‘Nay? Tatay ko siya.”

Deretsahan ang tanong ni Karla na tila pinipigilang sumambulat ang loob.

“Patawad, anak...” sambit ni Saamera.

Hinarap ni Karla si Angelo na parang nanunuya ngunit halatang may pinipigil na tila daluyong sa loob.
“E, bakit ngayon lang. Saan ka galing? Saan  ka nagpunta?”

            Pasigaw ang tanong ni Karla at kagyat nilapitan at inalalayan nina Ana at Fatima.  Inilabas ito upang payapain. Hindi pa rin makapagsalita si Angelo, tahimik na lumapit sa tabi ni Sameera, hinahagod-hagod upang pahupain din ang marahil daluyong na iniinda nito. Papatindi na rin ang liwanag at init ng araw sa labas na tila bumweltang bigla ang Tag-init sa gitna ng kasagsagan ngTaglagas.