Sunday, January 30, 2011

SAAN KAYA MAGKAKANLONG? PARA SA MGA MARALITA NG CORAZON DE JESUS, PINAGLABANAN

SAAN KAYA MAGKAKANLONG:
Para sa mga Maralita ng Barangay Corazon de Jesus, Pinaglabanan
-- Nonilon V. Queano/30Enero2011

Matapos mamaso ang bahay at magilit ang ulirat ng mahihirap,
Tila mga pusang ligaw na gagala, mamumungkal,
Titihaya sa bangketa o sa kari-karitonan o saanman;
Habang nakangisi ang mga naturingan’y lingkod-bayan
Ngunit asong ulol kung mamang-it ng buto’t laman at manlapa:
Saan kaya magkakanlong, saan iidlip sa gabi
Silang mga kapuspalad?
Pati paslit na kanina’y hubo’t hubad na lumagaw,
Kahit pigil ang pag-iyak o nasaid na ang luha
Ngayon’y dinadaluyong ang dibdib;
Mga ina’y iginupo ng pighati,
Mga ama’t kabataan’y bumubuwal sa paglaban.
A, ngayong gabi, kay pusikit ng karimlan!
Mga dukhang kaluluwa sa Pook Corazon de Jesus
Ay gagala sa kawalang-masilungan,
Samantalang silang mga buwitre’t mangangamkam
Huwag sanang patulugin ng kanilang kasalanan.

No comments:

Post a Comment