Friday, June 18, 2021

 

SA MGA KAIBIGAN: PROTESTANG TUMBANG-PRESO, BATAS MILITAR, AT IBA PANG ALAALA NG PAKIKIBAKA

(Para kay Rey, Cora, Aster, Edvil, sa alaala ni Doc Pablo Botor at sa lahat ng mga kaibigan, "kahapon, ngayon, at bukas.")
       - Nonilon V. Queano19 Hunyo 2011


Sa kaibuturan, ang pinaghugutan ng pananalig
Ay diwang sinlinaw ng payapang dagat sa tanghaling tapat--
Sa liwanag, nilagom ang mundo--
At pusong tumitibok ng di masukat
Na pagmamahal sa sambayanan:
Doon napapanday ang tapat
At pinakamatimyas na pagkakaibigan.
Sa tagal ng panahong tinahak
Sa maraming alaala ng paglaban.
 
Sa panahon ng tagsibol at pamumulaklak
Ipinunla ang halamanan ng pananalig
Sa dawag ng pamantasang larawan din
Ng malakolonyal at malapyudal na lipunan,
Sumibol at yumabong ang pagkamulat;
Sa pagitan ng pagsusunog-kilay at harana ng eskuwela,
Ang gunita ng unang digma.
 
Ganoon lagi ang simula
Tila musmos na naglaro ng tumbang preso
O nanungkit ng kamatsile’t aling-aro,
Ang hagod sa demonstrasyon at protesta
Naroong dinadaan ang pagtutol
Sa himig ng “Paruparong Bukid”
“May isang Dekano na lilipad-lipad/Sa tabi ng daan’y papagapagaspas,” ang isinisigaw
O ang kuwentong “Joel de los Diablos” ng guro
Na inakalang espiyang nagturo
Sa mga guro’t estudyanteng aktibista.
Mga kuwento’t manipestong nalathala sa Umaga,
Sa mga unang panahon ng pagkamulat at paglaban,
Awit-sigaw ang bandilang,
May kasabot pang gitara::
“Burukrata kapitalismo/Ibagsak!
”“Pyudalismo/Ibagsak!”
“Imperyalismo/Ibagsak!”
 
Hanggang mapanday nang lubos sa hagupit
Ng batas militar sa rehimeng Marcos,
Sa una’y tila lagim na gigimbal
Tulad ng pagsalikop ng lupa at langit
Sa unang panahon ng mga romansa’t panaginip.
May mga nakatakas ngunit marami ang ipiniit,
Ang mga magkakaibiga’y naghiwalay;
 
At sa hanay nating di tumiklop kailanman,
May napadpad sa malayo sa paghahanap
Sa Tsina at sa Europa,
May nakulong at nagsipaghintay,
May isang Dekanong kasama rin natin
Na patuloy sumuporta hanggang mamaalam,
At may gerilyero’t gerilyerang lumubog
At nakipamuhay sa masa.
At himalang nagsupling pa
Ng panibagong kasama
Ngunit lahat ay lalo pang nagsilago
Tulad ng matatayog na punong
Kay lalabay ba ng sanga,
Nakayungyong sa sambayanang
Hanggang ngayo’y naghahanap ng paglaya.
 
Dumaan ang mga taon
Ang mga musmos ng protestang tumbang-preso’y
Naroroon at marahil ay tumanda na
Nagkalayo at malaong di nagkita
 
Subali’t totoo ngang ang pananalig sa paglaya ay halaman
Na likas na tumutubo sa lupa o sa dagat,
Mayroong pagmamahal na dalisay
Sinlinis ng batong kristal
Na di maigugupo ninupaman, kailanman
Nakalutang sa langit o nakakubli sa gubat
Tulad ng pagmamahal sa laya,
Yao’y batas kalikasan.
Totoo na sa tagal ng paghahanap at paglaban
Ang mga nagkalayo’y muli't muling bumabalik,
Gaano man kalayo ng nilipad at narating
Sa dulo ng binubuong pangarap
Nagtatagpo, nagkikita kahit na magdapitahapon
Ang nagsimpan ng pag-ibig
Mga tapat at lantay na kasama,
Magigiting at hindi malimutang kaibigan.

No comments:

Post a Comment